0

Ang Pagtanggal ng Pambansang Wika mula sa mga Aralin dahil lamang sa K to 12 program ng CHED

Posted on Wednesday, 20 May 2015




Ang Pagtanggal ng Pambansang Wika mula sa mga aralin
dahil lamang sa K to 12 program ng CHED
ni Apolinario Villalobos

Umaabot na sa sukdulan ang pagkasira ng sistema ng edukasyon ng Pilipinas dahil sa balak ng CHED na pagtanggal ng Pambansang Wika mula sa mga aralin ng mga estudyante dahil lamang sa pagpapatupad ng K to 12 program na tinututulan ng mga magulang, kabataan, at pati na ng maraming titser.

Nakakagulat ito dahil nawawala na yata sa porma ang mga namumuno ng ahensiyang dapat ay naghuhubog ng kaisipan ng mga kabataang Pilipino. Bakit isasakripisyo ang Pambansang Wika na dapat ay ituring na pinakadiwa ng ating kultura? Kung papansinin, marami pa ngang dapat matutunan ang mga estudyante na sa katigasan ng ulo ay ni hindi mabigkas nang tama ang letrang “R” kung magsalita sa Pilipino, dahil pinipilit ng mga ito ang bigkas-Amerikano, kaya pilit na pinapalambot ang nabanggit na letra.

Dapat ay tutukan din ng CHED ang kahinaan sa pagtuturo ng mga paaralan na hindi man lang matawag ang pansin ng mga estudyanteng lumilihis sa kagandahang asal dahil din sa hindi na nila pagturo ng tradisyonal na “Good Manners and Right Conduct”.

Ang elementarya ay napakakritikal na yugto sa paglinang ng pagkatao ng isang estudyante. Ang yugtong ito ay dapat matatag dahil dito itutuntong ang isa pang yugto na kinapapalooban ng mga dapat matutunan sa kolehiyo upang mabuo ang kaalaman tungo sa napiling propesyon. At, ang lubos na kaalaman sa Pambansang Wika ay magpapatibay sa pagkatao ng isang estudyante bilang Pilipino.

Ang nakakabahala pa sa inaasal ng CHED ay ang matunog na kawalan ng kahandaan ng mga paaralan upang maipatupad ng maayos ang pinipilit na K to 12 program. Dahil lang sa panggagaya sa ibang bansa, asahan na ang malaking bulilyaso ng CHED – gagastos ng malaki sa isang programang walang kahihinatnan.

Discussion

Leave a response