Nakakadismaya si Coco Pimentel
Posted on Friday, 15 May 2015
Nakakadismaya si Coco
Pimentel
Ni Apolinario Villalobos
Nakakadismaya ang parunggit ni Coco Pimentel na hindi dahil
maraming pera ang isang tao sa bangko ay dapat pagdudahan na. Nangyari itong
parunggit nang lumabas ang balita tungkol sa pag-freeze ng lahat ng mga asset
ng mga Binay at mga dummies nila na nagkakahalaga sa kabuuhan ng mahigit sa
Php11B, at nakapaloob sa 242 bank accounts.
Noon pa man, marami na ang nakakaalam na hindi dating
mayaman ang mga Binay bago pa pumasok ang pinaka-ama ng pamilya sa pulitika at
ang unang naging puwesto ay pagka-mayor ng Makati. At kahit pa doktora na noon
si Mrs. Binay, hindi rin nangangahulugan na aabot sa nakakamanghang dami ang
mga deposito nila sa mga bangko. Dahil dito, marami ang nagtaka at nagtanong
kung saan nanggaling ang yaman nila.
Ang mga katanungan ay tila nasagot paunti-unti nang
magsulputan ang mga kaso ng pangungulimbat nila sa kabang-yaman ng Makati, at
sa mga gawaing may kinalaman sa mga puwestong hinawakan ng Bise-Presidente.
Ang nakakagulat lang ay nang malaman ng publiko na malapit
pala sa mga Binay ang tatay ni Coco Pimentel, na dating senador din, si
Aquilino Pimentel. Nabisto kasi sa isang hearing ng Senado tungkol sa
katiwalian sa pagpagawa ng University of Makati, na ang tatay ni Coco Pimentel
ay isa sa mga Board Members nito. Matapos ang pagkabulgar, napansin na parang
nawalan na ng lakas ang mga salita ni Coco laban sa mga Binay, at lalong
napansin ito nang magsalita siya tungkol sa malaking perang nakaembak sa mga
bangko at hinihinalang may kinalaman sa mga kasong binibentang sa mga Binay.
Discussion