0

Ang Mga Dapat Iwasang Banggitin kung Mangangampanya

Posted on Saturday, 23 May 2015



Ang Mga Dapat Iwasang Banggitin Kung Mangangampanya
Ni Apolinario Villalobos

Parating na ang panahon ng kampanyahan para sa 2016 eleksiyon at ang mga inaasahan ay ang pagbaha ng pera, bigas at grocey items na ipapamudmod ng mga pulitikong walang malinis na hangarin para sa bayan. Alam nila na milyones man ang kanilang pakakawalan, mahigit sa triple pa ang kanilang kikitain sa pangungurakot ng pera ng taong bayan kung sila ay maluluklok sa puwesto.

Pero sana naman ay huwag na silang magpasikot-sikot pa sa pamamagitan ng mga talumpating namumulaklak ng mga pangakong ampaw at mga salita o linyang laspag na laspag na, tulad ng:

1.      Hahatakin ko kayo sa matuwid na daan
2.      Ipaglalaban ko ang karapatan ninyo
3.      Isasakripisyo ko ang lahat para sa inyo
4.      Bukas ang pinto ng opisina ko para sa inyo
5.      Isang tawag nyo lang ako
6.      Huwag kayong mag-alala
7.      Kaagapay ninyo ako
8.      Kayo ang boss ko
9.      Pag-utusan po ninyo ako
10.  Wala sa lahi namin ang sinungaling
11.  Mahirap lang ako
12.  Nagsikap ako upang umasenso
13.  Nangitim ako dahil sa kasipagan
14.  Nag-aalaga ako ng ilang baboy upang mabuhay
15.  Wala akong ninakaw sa kaban ng bayan
16.  May karanasan ako bilang opisyal
17.  Ipagpapatuloy ko ang mga reporma….(anong reporma?)
18.  Isa po lamang akong hamak na kababayan…(dapat ay “tanga”)

Sigurado namang tulad ng nakagawian, wala ring makikinig sa kanila dahil ang inaabangan lamang ng mga hinakot na tao ay ang pagpamudmod nila ng mga grocery at pera, at pagkatapos matanggap ay uuwi na. Kaya yong ibang mga nangangampanya naman, upang masigurong tatagal sa pagtunganga ang mga tao, ay nagbibitbit ng mga “entertainers” kuno na napulot nila mula sa mga comedy bar. Yong iba, mga artista at singer talaga ang bitbit.

Pero sana naman ay magkaroon ng milagro, kahit tuwing panahon ng kampanyahan man lang. Para ang mga hangal na pulitikong magsabi ng “tamaan na ako ng kidlat kung nagsisinungaling ako” ay matuluyan – matusok ng kidlat mula sa kalawakan. Kung mangyari ang ganito, siguradong dadami ang magbabalik-loob sa Panginoon…aapaw sa dami ng mga taong ninenerbiyos ang mga simbahan! ….yan ang maganda!!!!

Discussion

Leave a response