0

Ang Pagbatikos

Posted on Tuesday, 26 May 2015



Ang Pagbatikos
Ni Apolinario Villalobos

Ang pagbatikos ay hindi nangangahulugang galit ang nambabatikos sa kanyang binabatikos, kung malinis ang kanyang hangarin o layunin. Ang hindi maganda ay ang pagbatikos na ang dahilan ay mababaw lamang at pansarili tulad ng inggit. Ang malinis na layunin ng pagbatikos ay ang pagpamukha sa taong binabatikos tungkol sa kanyang pagkakamali na maaaring hindi niya alam.

Madalas mangyari ang pagbatikos sa larangan ng pulitika tulad ng nangyayari sa mga Binay. Sa kabila ng lampas-taong batikos na natatanggap ngayon ng pamilyang ito, pinipilit pa rin nila na sila ay pinupulitika lamang. In fairness na lang sa kanila, siguro naman, ayon sa standard of morality ng kanilang pamilya ay wala talaga silang ginawang masama. Naalala ko tuloy ang isa kong kaibigan na sinabihan kong may bahid ng lipstick ang kanyang pisngi. Sinagot niya ako ng, “ah, yan ba? biniro lang ako sa opisina”, pero umaalingasaw din siya ng pabangong pambabae na dumikit sa kanyang damit. Kahit halata namang dumaan siya sa bahay ng kanyang kerida na alam ng mga kaibigan niyang ibinabahay niya, todo palusot pa rin siya.

Binabatikos din si Pangulong Pinoy na dahil sa hindi malamang kadahilanan ay bihirang sumagot at kung mangyari man ay idinadaan na lang sa paulit-ulit na pagsabi ng mga pangako niya noong panahon ng kampanyahan na sumentro sa “matuwid na daan” at pagmamalaki ng mga report tungkol sa pag-asenso daw ng bansa na hindi naman pinaniniwalaan . Yon nga lang sinasabayan naman niya ng pagbatikos sa isang babaeng pasyente na may brace sa leeg, na dahilan daw kung bakit naghihirap ngayon ang Pilipinas. Dahil sa ginawa ni Pnoy, biglang nalusaw ang good breeding, na inakala ng mga taong meron siya. Teacher din pala niya ito noong siya ay nag-aaral pa sa Ateneo kaya lalong hindi maganda ang ginagawa niya…batikusin ba naman ang mahal niyang teacher! Dapat ay magpasalamat siya dahil very obvious na may natutunan siya sa kanyang teacher….nakikita naman ng mga tao kung ano ang mga ito.

Sa isyu kay Purisima, ang gusto lamang siguro ni Pnoy ay tumanaw ng utang na loob dito dahil iniligtas daw siya nito mula sa bingit ng kamatayan . Ang pag-apura naman sa pagpasa ng BBL na ngayon ay BL na lang ay dahil siguro sa tangka sanang pagtulong ni Iqbal sa kanyang ama kung hindi ito pinaslang sa NAIA. Ang ganitong pagtanaw ng loob din siguro ang gusto niyang ipakita sa mga taong sinasandalan niya tulad ng mga tagapagsalita niya, lalo na si Abad na itinuturing niyang matalino sa “paghawak” ng budget….marami pa sila sa kanyang gabinete. Siguro para sa presidente, hindi masama ang tumanaw ng utang na loob sa mga best friends. Kaya dahil best friend siya ng mga ito, sinasalag na lang niya ang mga kaliwa’t kanang batikos ng mga tao na gustong pumalit sa kanya. Isa siyang maituturing na best friend na martir na handang sumalag ng mga batikos!...siya ay maituturing na isang rare na species ng tao.

Ang mga mambabatas naman, binabatikos dahil marami daw sa kanila ay mukhang pera, mga korap, mga magnanakaw sa kaban ng bayan, nagbebenta ng budget sa mga taong ang negosyo ay pekeng NGO. Subalit may napatunayan ba? …yan ang tanong nila! Dahil sa fair kuno na justice system, sila ay “innocent until proven guilty”, kaya lahat sila ay matamis pa rin ang ngiti kung humarap sa tao. Meron ngang gusto pa ring tumakbo sa susunod na eleksiyon kahit nasa kulungan na siya.  Masama nga namang batikusin ang halos himatayin na sa pagsabing inosente sila, kahit nagsusumigaw ang mga ebidensiyang biglang pagkaroon nila ng mala-palasyong bahay, maraming mamahaling sasakyan,  malalawak na lupain, nagkikislapang alahas sa katawan, at maya’t mayang weekend outing sa ibang bansa. Pero ang iba ay wise dahil gumagamit ng mga kaibigang dummy.

May mga nagsabi pang naiinggit lang daw ang mga nambabatikos sa kanila, kasama na diyan ang mga pari dahil hindi nakakagawa ng gusto nila. Dagdag pa nitong mga malilinis kuno, kung gusto daw ng mga nambabatikos, pumasok na rin sila sa pulitika upang madanasan nila kung paanong maipit sa trapik sa pagpunta sa Malakanyang upang maki-tsika sa Pangulo; makipaggitgitan sa elevator sa pagpunta sa opisina ng NGO upang makipag-business talk tungkol sa mga “projects”; makipaghalakhakan sa mga sosyalan after office hours na umaabot hanggang madaling araw kaya nagkakaroon sila ng sore throat; matulog nang nakaupo sa session hall habang ang mga kasamang mambabatas ay nagbibigay ng walang katurya-turyang talumpati; lumamon ng nakakasawang pagkain sa mga 5-star restaurants at hotels; sumakay sa eroplano ng kung ilang beses sa isang linggo dahil ayaw sumakay sa walang class na barko kung umuwi sa kanilang bayan;  piliting pangitiin ang mga labi habang ang talukap ng mga mata ay lumalaylay  sa sobrang antok, o hindi kaya ay nanlilisik dahil nakipag-away sila sa asawang nahuli nilang may kabit. Ganoon pala kahirap ang maging mambabatas! Kawawa naman pala sila!

Siguro ang maganda ay hayaan na lang dumami ang dumi nila sa kanilang mukha upang lalo pang kumapal at upang lalong hindi nila maramdaman  ang kahihiyan dahil sa mga karumaldumal nilang ginagawa!


Discussion

Leave a response