Ang Pagkaroon ng Kasiyahan at Matiwasay na Buhay
Posted on Wednesday, 6 May 2015
Ang Pagkaroon ng Kasiyahan
at Matiwasay na Buhay
Ni Apolinario Villalobos
Simula pa lamang nang iluwal ang tao bilang sanggol sa
mundo, may hirap nang kasama – hirap ng ina na halos mapugto ang hininga sa
pag-ere, at kung na-caesarian man, may sakit pa ring nadama pagkalipas ng
epekto ng pampamanhid na itinurok sa kanya. Kakambal ng tao ang pahirap na
lalong umiigting habang lumalaki siya at tumatahak sa iba’t ibang landas ng
buhay.
Karamihan sa mga mayayaman ay panlabas lamang ang
pinapakitang ginhawa at pagkakuntento sa buhay dahil hindi rin sila ligtas mula
sa mga problema at takot, lalo na sa agam-agam na baka mawala ang kanilang
yaman. Ang takot na ito ay isang pagsubok na malalampasan lamang kung isaisip
ng isang mayaman na handa siyang mawalan ng yaman at humarap sa panibagong
buhay. Ang panibagong buhay ay kabaligtaran ng nadanasang balot ng karangyaan,
subalit dahil bago sa kanya, ito ay magdudulot ng kasiyahan.
Ang mahihirap naman
ay nagsisikap upang makamit ang ginhawang dulot ng karangyaan. Ang mga pagsubok
na dinadanas nila ay mga paghahanda upang hindi sila mabigla pagdating ng
panahong nakamit na nila ang inaasam. Para sa mga bigyang yumaman, may
kasabihang “halos dapaan nila ang salapi” at hindi nila alam ang gagawin, kaya
kadalasan, nawawaldas ito nang wala sa panahon. Natanim naman sa isip ng mga
naghirap ang halaga ng bawat sentimong kanilang pinaghirapan at ang panahon na
kanilang ginugol upang makamit nila ang ginhawa, kaya ang pera ay kanilang
nirerespeto, hindi sinasamba.
May mga taong nagsasabi na malas sila dahil kahit anong
gawin nila ay hindi sila yumayaman. Diyan naman sila nagkamali dahil hindi
lamang pera ang maituturing na “yaman”, kundi pati na rin mga leksiyon ng buhay
na natutuhan at lalo na ang naipundar na pamilya at tahanan. Ang batayan ng
matiwasay na buhay ay hindi lamang dami ng salapi, kundi halakhak ng mga malulusog
na anak at init ng pagmamahal sa isa’t isa. Sa mga walang pamilya, ang kasiyahan
ay natatamo kapag nakatulong sa iba sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, hindi
lang pera.
Kaya naman, bilang panghuli kong masasabi:
Mas masaya ang pagsasalu-salo
kahit sa malamig na kaning tutong at tuyộ
kung puno ng pagmamahalan ang mga nagsusubộ,
kaysa naman sa nakalatag na marangyang pagkain -
kung may kasabay na bangayan ang mga pagsubộ!
Discussion