0

Unawain ang Silakbo ng Galit ng Ina dahil sa Pagtanggol sa kanyang Anak

Posted on Monday, 4 May 2015



Unawain ang Silakbo ng Galit
Ng Ina dahil sa Pagtanggol sa kanyang Anak
Ni Apolinario Villalobos

Nag-viral ang sinabi ng nanay ni Mary Jane Veloso na pagbabayarin raw niya si Pnoy sa ginawa nitong pagpapabaya sa kanyang anak kaya muntik nang mabitay sa Indonesia. Mabuti na lang at hindi natuloy, pansamantala, ang pagbitay. Ang isang ina, ay gagawin ang lahat para sa anak. Alam ng lahat na wala namang kakayahang umupa ng gun-for-hire ang nanay ni Mary Jane, na siyang kadalasang ibig sabihin ng ganoong banta. Maaari namang ihabla niya sa korte, pero alam din ng lahat na imposible dahil sa immunity ng presidente. Kaya sana ay unawain na lang siya.

Ayon kasi sa kuwento ng mga kapatid ni Mary Jane, sa loob ng mahigit apat na taon ay marami silang pinagdaanang hirap, na umabot pa sa muntik nang pagpapakamatay ng ilang beses ng tatay nila. At, sa loob ng panahong yon, ay puro paasa lang daw ang natanggap nila, hindi lang mula sa gobyerno kundi maski pati sa mga pribadong taong nilapitan nila. Sino ngayong normal na tao ang hindi halos mawalan ng katinuan sa pag-iisip, lalo na ang isang ina, kapag nakadanas ng ganoong klaseng hirap?

Ganyan din ang nangyari kay nanay Dionesia nang matalo ni Mayweather si Manny. Ang mga fans ni Manny, nabigla man sa nangyari ay medyo nahimasmasan na, maski si Manny mismo na nagsabing tanggap na niya ang kanyang pagkatalo, subalit ayaw paawat ni nanay Dionesia na nakita daw niya kung paanong lamutakin ni Mayweather ang mukha ng anak niya, na pinatotohanan naman ni Manny, kaya ito siguro yong nakita ng mga nanonood na parang may ibinulong siya kay Mayweather…na itigil na ang ginagawa niya. Sa galit ni nanay Dionesia ay gusto daw niyang makipagsuntukan kay Mayweather!

Sa loob ng siyam na buwan, pinaghirapan ng isang inang dalhin sa kanyang sinapupunan ang anak, na siyang panimula ng kanyang paghihirap. Subalit kung iisiping mabuti, nagsisimula ang paghihirap habang naglilihi pa lang siya dahil panay ang kanyang pagsusuka kaya hindi makakain ng maayos. Ang iba ay hindi maintindihan ang sarili dahil parang galit sa mundo. May naiinis pang nagsasabi na pumapangit daw sila dahil nangingitim ang kanilang kili-kili tuwing magbubuntis, tinutubuan sila ng taghiyawat, at gumagaspang ang kutis!

Sa pagluwal ng sanggol, halos maputol ang hininga ng isang ina sa pag-iri upang maitulak  palabas ang sanggol. Yong nagpa-caesarian naman, dusa din ang dinanas dahil nalimas ang inipong pinambayad sa doktor. Habang lumalaki ang sanggol, panay ang puyat niya, at mamalasin pa kung tamad ang asawa, kaya ayaw makisama sa pag-alaga. Kapag nagsimula nang mag-aral ang bata, ina pa rin ang tumutulong dito sa mga araling-bahay  kahit siya mismo ay halos hindi makaunawa sa mga bagong leksiyon na hindi niya inabot – trying hard lang talaga siya!

Kaya sinong ina ang hindi halos mabaliw kung malaman niyang nakulong at mapa-firing squad ang kanyang anak….sa ibang bansa pa? At sinong ina ang hindi aaray habang nakikitang inuupakan ang anak niyang boksingero sa loob ng ring at dinadaya pa sa pamamagitan ng paglamukos sa mukha nito?

Siyanga pala, ang tinutukoy ko dito ay ang mga inang normal ang pag-iisip, hindi ang mga disgrayadang babae na naglalaglag ng sanggol na nabuo sa kanilang sinapupunan dahil sa kanilang kalandian o kalibugan, o yong mga inang nagtatapon ng sanggol sa basurahan!

Sa isang banda, nakakabilib ang inang nagbunga man ang pagkaligaw niya ng landas ay nagpipilit pa ring buhayin ang anak sa lahat ng paraang kaya niya. Ang ganyang klaseng ina ang pinagpapala ng Diyos!

Samantala, yong mga hindi pa nakakadanas ng mga pagsubok tulad ng mga Veloso at nanay Dionesia Pacquiao, tumigil na lang sana sa pagbatikos…..unawain na lang sila. Isipin nyo na lang na nanay nyo rin sila na pinaglalaban kayo. At, higit sa lahat alalahanin natin ang kasabihang: NANAY LANG ANG MAGSASABING MAGANDA O GUWAPO ANG KANYANG ANAK!...may panlaban kayo diyan?

Discussion

Leave a response