0

Ang Pag-amin ng Pagkakamali at Pagsisisi

Posted on Monday, 25 May 2015



Ang Pag-amin ng Pagkakamali at Pagsisisi
Ni Apolinario Villalobos

Dahil sa katalinuhan ng tao, dapat ay wala siyang dahilan upang hindi malaman kung ano ang tama at mali. Subali’t ang paggawa ng desisyon ay naapektuhan din maraming bagay, tulad ng kinalakhang tahanan at pamilya, ginagalawang komunidad, at mismong uri ng damdamin ng tao kung ito ay mahina o matatag.

Kung lumaki ang isang tao sa isang tahanan na ang kapiling na pamilya ay nagpapairal ng pagmamahal, kalimitan, ang kanyang isip ay mapayapa kaya ang kanyang kilos at mga desisyon ay walang kaakibat na pagsisisi sa huli. At, dahil hindi niya nakasanayan ang ganito, kung sakaling hindi inaasahang siya ay magkamali, madali rin siyang nagsisisi.

Kung siya ay nakatira sa isang komunidad ng mga taong ang paggawa ng kasalanan ay bahagi na ng kanilang araw-araw na pamumuhay, mahahawa siya sa ganitong ugali kung hindi siya mag-iingat. Ganito rin ang mangyayari kung ang mga taong pinakikisamahan niya ay may kaparehong ugali. Kaya may kasabihan sa Ingles na ang katumbas sa Pilipino ay, “sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko kung anong uring tao ka”. Ang isang eksepsiyon dito ay ang mga nakikihalubilo o nakikipagkaibigan sa uri ng mga taong nabanggit, at ang layunin ay tulungan silang magbago ng ugali.

May mga taong malambot ang damdamin kaya sa konting pagkakamali ay abut-abot agad ang pagsisisi, na tanda ng pag-amin. Ang iba naman ay matigas ang damdamin dala na rin siguro sa sobrang pagkabilib sa sarili kaya kahit malaki na ang naging perhuwisyo ng kanyang pagkakamali sa iba ay bale-wala pa rin sa kanya. Ito ang uri ng mga taong hindi nakikitaan ng kahit maliit na pagsisisi man lang. Ito rin ang mga taong tumutugma sa kasabihang, “siya na nga ang nagkamali, ay siya pa ang galit”, na sa madaling salita ay mayabang.

Ang buhay natin sa mundo ay may hangganan, at sa loob ng panahong ito, mahirap ipunin ang mga pagkakamali. Maganda sanang mangyari na bago tayo mamaalam ng tuluyan ay wala na tayong inaalala pang mga pagkakamali na dapat ay inihingi ng kapatawaran sa ating naperhuwisyo. Kung hindi natin aminin agad ang ating mga pagkakamali, baka ang mga ito ay makalimutan natin  habang umuusad ang panahon, subalit ang hindi makakalimot ay ang mga nagdusang biktima. Kung umabot sa ganito, ang kamatayan natin ay hindi mapayapa dahil hindi patatahimikin ng mga kuwentong patuloy pa ring pag-uusapan….mga kuwentong hindi natuldukan.

Discussion

Leave a response