Ang Lason sa Pagkain ng Tao at iba pang Nagkokontrol sa Pagdami niya sa Mundo
Posted on Friday, 15 May 2015
Ang Lason sa Pagkain
ng Tao at iba pang
Nagkokontrol sa
pagdami niya sa Mundo
ni Apolinario Villalobos
Nang minsang mamalengke ako nang maaga, nadaanan ko ang mga
sariwang isda na nasa banyera at balde – galunggong, dalagang bukid, isdang
lapad, belong-belong, karpa, tilapia at dilis. Ang iba sa kanila ay frozen,
subalit ang nakatawag sa aking pansin ay ang kulay ng tubig na pinagbababaran
nila. Tulad ng sa galunggong na kulay dark blue, at sa dalagang bukid na kulay
pula. Nakita ko naman ang isang tindera na may pulbong inilagay sa balde na
binababaran ng belong-belong at karpa. Nang tanungin ko ang tinderang may-ari
ng mga isda, ang sagot niya ay kulay daw talaga yon ng mga isda. Hindi na ako
nakipagtalo pa dahil ayaw kong masira ang araw ko. Alam ko naman talagang may
ginagawa ang mga tindera at tinderong ito sa mga binebentang mga isda upang
magmukhang sariwa at matigas sa buong maghapon.
Napabalita noon pa man na gumagamit pa nga raw sila ng
formalin o yong gamot na ginagamit sa bangkay ng tao upang hindi ito maagnas
agad. Pati tuyộ ay hindi
pinalampas dahil ginamitan din ng formalin upang maging makintab at magmukhang
malinis ang kaliskis. Mabibisto lang na may formalin dahil, kapag pinirito na
ay may amoy at sumasabog ang laman. May nagsabi sa akin, na dyubos (pangkulay
ng sapatos) naman daw ang ginagamit upang mapanatili ang sariwang kulay ng mga
isda, kaya iba’t iba ang kulay depende sa natural na kulay ng isda.
Kamakailan lang napabalitang dahil sa katusuhan ng ibang
nag-aalaga ng mga baboy, hinahaluan daw nila ang pagkain ng mga nito ng gamot
ng tao para sa asthma upang hindi kumapal ang taba nila at magandang tingnan
ang karne sa kabuuan nito. Ang masama lang, kapag nakain ng tao ang karne ng
baboy na ginamitan ng gamot, hindi na siya tatablan nito sa panahong kailangan
na niyang uminom dahil sa sakit na asthma.
Ang mga gulay ay “ini-embalsamo” na rin ng mga nagtitinda.
Ang langka na panggulay, talong, kalabasa, kamatis, patola, at sitaw ay
binababad na rin nila sa isang klase ng gamot na magpapasariwa sa mga ito nang
kung ilang araw, kaya ang talong na tinapyasan ng bulok na bahagi kaya
na-expose ang laman at langkang nahiwa o tinadtad na ay hindi nangingitim,
ganoon din ang kalabasang nahiwa na at binabalot sa plastic bag kasama ng iba
pang gulay na pang-pinakbet; ang kamatis ay hindi lalambot agad; ang patola ay
hindi mangungulubot sa loob ng ilang araw, pati na ang sitaw. Natuklasan ko
itong masamang gawain nang minsang magluto ako ng langka na mapait ang lasa at
kahit mahigit isang oras na ay hindi pa rin lumalambot, ganoon din ang talong
na kahit nadurog na ang ibang gulay na kasama sa tagal ng pagkakagisa, ito ay
matigas at amoy sariwa pa rin. Ang sabi ng ilang nakausap ko, tawas daw ang
ginagamit na “gamot” para sa gulay.
Noon, napabalitang walang pakundangan ang pag-spray sa mga
NFA rice na iniimbak sa mga bodega, ng gamot na panlaban sa bukbok, bigas kuto,
at iba pang kulisap na sumisira dito. Subalit, ang masamang epekto naman ay
napupunta sa tao – masama na ang lasa, may amoy pa. Kawawa naman ang mga
mahihirap na Pilipino dahil nakakakain nga maski paano ng murang bigas, may
lason naman pala! Bandang huli, dahil sa pagkabulgar nitong hindi magandang
gawain, ay siniguro na yata ng ahensiyang responsable na ang bigas ay talagang
ligtas na makakain ng mga Pilipino. Subalit hindi man NFA ang bigas, kahit ang
mga pangkaraniwang lokal na klase ay hindi rin ligtas dahil upang masiguro na
hindi sila mapeste, ini-espreyhan din sila ng insecticide, kaya hindi maaaring
wala silang nasipsip upang mapasama sa mga butil.
Ang mga gulay bukid na itinuturing na ligaw at nabubuhay sa
palayan at tabi ng pilapil tulad ng kangkong, lupộ, at apat-apat, na masustansiya sana ay halos hindi na rin
ligtas kainin dahil sa mga fertilizer na inii-spray sa mga palay na humahalo sa
tubig kaya nasisipsip ng nabanggit na mga gulay. Pati ang kuhol at tulya na
nakukuha sa linangan at gilid ng mga kanal ng arigasyon o patubig ay may mga
deposito na ring lason sa kanilang laman.
Ang mga prutas tulad ng saging at mangga ay inii-espreyhan
na rin, kaya kahit pa sabihing binabalatan muna sila bago kainin, hindi
maaaring walang nasipsip na insecticide na humalo sa laman. Ang saging na
pinapadala sa ibang bansa ay binababad sa isang klase ng kemikal upang maantala
ang paghinog nito. Pati ang mga itinuturing na prutas-gubat tulad ng durian at
mangosteen ay tinatanim na sa mga orchard at inii-espreyhan na rin. Ang tubo na
pinagmumulan ng asukal ay kailangan din ispreyhan habang lumalaki upang
siguradong hindi mapeste o di kaya ay ginagamitan ng abuno upang tumamis ang
katas, kaya ito ay may bahid na rin ng lason.
Ang mga halamang gamot ay may bahid na rin ng lason na
galing sa hangin dahil sa dumi nito. Kaya maski pa sabihing gamot sila at
organic ang sistema ng pag-alaga sa mga green house, may posibilidad pa rin na
may lason sila.
Ang ibig kong ipabatid sa isinulat kong ito ay: nagsi-self
liquidate o pinapatay ng tao ang sarili, gamit ang mga ginawa o inembento niya.
Iyan ang halaga o katumbas ng pag-unlad. Sa madaling salita, sariling
karunungan ng tao ang pumapatay sa kanya. Hindi man idaan sa pagkain ang
paliwanag, ibig kong sabihin, mismong mga gamit na magpoprotekto sana sa kanya
na inimbento niya, tulad ng baril, itak, at bandang huli, granada at mga bomba,
ang pumapatay din sa kanya.
Idagdag pa rito ang kasakiman na umaabot sa pag-abuso sa
kalikasan tulad ng walang patumanggang pagto-troso at pagmimina na nagiging
sanhi ng baha at pagkasira ng normal na takbo ng panahon. Dito lumalabas ang
katalinuhan ng Diyos…dahil sa mga ganitong pangyayari, nakokontrol ang
“pag-apaw” ng tao sa mundo!
Discussion