0

Ang Artipisyal na Bigas ng Tsina...at marami pang iba

Posted on Thursday, 21 May 2015



Ang Artipisyal na Bigas ng Tsina
…at marami pang iba
ni Apolinario Villalobos

Balitang-balita ang artipisyal na bigas ng Tsina na gawa sa kamote at patatas pero ginamitan daw ng resin upang mamuo. Marami ang nabahala ganoong ang ganitong klaseng pagkain ay matagal nang kinakain ng tao at isa na ang instant noodles. Kaya nga lumabas  sa mga balita noon na ang madalas na pagkain ng instant noodles ay nakakasira ng kidney o bato, pero hindi pinansin ng mga tao dahil murang klaseng pagkain. Ngayon dahil nagkaroon na naman ng bagong pekeng produkto, marami ang natakot….uli!

Ang isa pa ay ang kasalukuyang nabibili na rin sa Tsina na pekeng asin. Nataranta na naman ang mga tao, lalo na ang mga Pilipino na mahilig sa scoop, ganoong maraming kuwestiyonableng sangkap sa pagkain na halos ganito rin ang paggawa tulad ng mga pampalasa na ginagamitan ng mga pekeng flavoring. Unang nabalita noon pa man ang vetsin na pinabulaanan ng mga gumagawa nito na masama sa katawan dahil galing naman daw sa katas ng tubo, subalit paano ito ginawa at ano ang inihalo upang pumuti ang katas at  mamuo na parang mga kristal?

Ugali ng Pilipino ang magkagusto sa malaki, maganda, maputi, mabango atb. Kaya, kahit na alam nang ang puting asukal halimbawa, ay masama sa kalusugan dahil ginamitan ng kemikal na pampaputi o “bleaching agent”, mas gusto pa rin ito kaysa brown sugar o moskubado na ang turing ay para lang sa mga mahihirap. Ang hindi alam ng marami, ang brown sugar ay ginagamit sa coffee shops ng malalaking sosyal na mga hotel dahil mas gusto ng mga parukyano nilang nakakaunawa sa kahalagahan nito kaysa puting asukal.

Kung sa tinapay naman, ayaw ng iba ang wheat bread dahil hindi maputi at magaspang pa, hindi tulad ng white bread na mabango at malambot, at siyempre maputi. Ang hindi nila alam, ang white bread ay walang mga hibla o fibers na kailangan ng katawan natin upang mapadali ang pagdumi. At dahil walang hibla, namumuo ng maliliit kung nguyain hanggang sa  pagpasok nito sa bituka kaya hindi natutunaw at kung lumabas ay buo-buo pa rin… kung mamalasin ay sumasabit pa sa colon kaya hindi nakakalabas agad na isa sa mga sanhi ng kanser.

Pagdating naman sa katawan, ang mga Asyano ay gustong maging puti ang kulay ng balat at brown o blond ang kulay ng buhok. Gusto rin ng mga babae ang magkaroon ng malaking dibdib o matambok na puwet. Ang mga lalaki naman ay gustong magkaroon ng kamangha-manghang sukat ng ari. Dahil sa mga hangaring pang-pisikal, nagpapalagay sila ng silicon upang lumaki ang mga dibdib, puwet, at ari. Upang pumuti naman, ay lumalagok ng katakot-takot na gluta capsules o di kaya ay nagpapahid ng kung anu-anong kemikal sa katawan. At para sa buhok, ay dinadalasan ang pagpapakulay.

Dahil sa mga nabanggit na panghihimasok sa katawang ibinigay ng Diyos, may nababalitaan tayong mga dibdib na nagkaroon ng kanser o di kaya ay nagkasugat at nilalabasan ng nan, ang puwet naman ay natadtad ng malalaking butlig at sugat. Ang ari naman ng minalas na lalaki ay nagmukhang kamote na tadtad ng ulalo dahil sa malalaking butlig. Yong gustong magpaputi, ang balat ay animo naging mapa dahil sa hindi pantay na pagputi at may mga namaga pang bahagi. Yong pahid ng pahid ng astringent sa mukha na binili kung saan saan lang, sa simula ay nagkaroon ng kutis-baby, yon pala, nilulusaw na ng kemikal ang pang-ibabaw na balat hanggang sa huli ay nangitim na! At, yong madalas magpakulay ng buhok ay hindi na nawalan ng dandruff na naging sanhi ng mabilis na pagnipis ng buhok.

Nang mauso ang mga cellphone na gawa sa Amerika at Europe, biglang naglabasan ang mga peke nito na gawang Tsina. Ganoon din ang nangyari sa iba pang produkto tulad ng bag, sapatos at damit na pineke rin ng Tsina. Upang maging lehitimo na lang ang mga produkto, minarapat ng mga may-ari ng mga tatak o brand, na sa Tsina na mismo magpagawa, na ang bentaha ay mababang sweldo ng mga manggagawa.

Mahilig talagang manguna ang Tsina sa mga pekeng bagay. Meron na rin silang ginawang kapani-paniwalang robot na animo ay tao ang katawan, pati pagsasalita. Ngayon, ang ginagawa naman ng Tsina ay mga pekeng isla sa West Philippine Sea!

Discussion

Leave a response