0

Ang Kapangyarihan ng Pera

Posted on Sunday, 24 May 2015



Ang Kapangyarihan ng Pera
Ni Apolinario Villalobos

Ang buhay ni Hesus ay tinapatan ng tatlumpong pirasong pilak. Sa halagang yon, siya ay namatay sa krus na paraan niya sa pagligtas sa sangkatauhan. Ibig sabihin, kung hindi dahil sa tatlumpong pilak ay nakasadlak pa rin tayo sa ating kasalanan hanggang ngayon.

Ang kapangyarihan ng pera ay hindi matatawaran. Maraming pamilya ang nabuwag at magkaibigang nagpatayan dahil dito. Mayroon ding napariwara dahil pinagpalit ang kanilang dangal sa kinang nito. Mayroon pang nagsugal ng buhay, makahawak lamang ng ilang bungkos ng salapi. May mga taong dahil nasilaw sa pera ay bumigay kaya nalaman ang tunay na layunin kahit anong pilit nilang pagtatakip dito.

Ang mga bansa ay pinapatakbo ng pera, kaya kung alin sa kanila ang may pinakamarami nito ay itinuturing na makapangyarihan. Sa pamamagitan ng pautang ay natatali nila ang utang na loob ng mahihirap na bansa upang maging kaalyado nila.

Pera  ang pinapakilos upang magkaroon ng mga nakamamatay na imbensiyon ng tao. Ito rin ang ginagamit upang masira ang buhay ng dating matitino na nalulong sa bawal na gamot, lalo na ng mga kabataan sa nagsimula ang bisyo sa alak at sigarilyo. Ito rin ang dahilan ng pagiging suwail ng mga anak na dahil hindi masunod ang luho ay natutong maging tampalasan sa kanilang mga magulang.

Subali’t kung iisiping mabuti, ang layunin ng pera ay upang mapagaan ang buhay ng tao, dahil nang nagkaroon siya nito ay hindi na niya kailangan pang magbitbit ng kanyang kayamanan tulad ng bulto-bultong ginto, pilak, alahas, at mga hayop gaya ng ginagawa noong unang panahon. Ngayon, ang kailangan ng tao ay ilang pirasong papel at barya na pera, tseke o credit card, at maaari na siyang mamili o maglakbay.

Hindi dapat isisi sa pera ang mga hindi magandang nangyari sa buhay ng tao. Ang hindi magandang paggamit sa pera ang dahilan kung bakit nasira ang tao.

Discussion

Leave a response