0

Ang Mga Dahilan sa Pagpasok sa Pulitika

Posted on Saturday, 23 May 2015



Ang Mga Dahilan sa Pagpasok sa Pulitika
Ni Apolinario Villalobos

Sa darating na panahon ng eleksiyon 2016, babaha na naman ng pera sa Pilipinas, lalakas ang buying power ng mga Pilipino, at lalaki ang kita ng mga negosyante, kaya gaganda na naman ang report sa survey tungkol sa pagkabawas ng gutom sa bansa. Aalingawngaw na naman ang mga pangakong ampaw. Magkakaubusan na naman sa botika at grocery ng alcohol na gagamitin ng mga plastik at makatao daw o makamahirap na mga kandidato kaya panay ang yakap at halik sa mga tindera sa palengke, magsasaka, street sweepers, mga sanggol sa iskwater, mga batang yagit, atbp.

Maririnig na naman ang mga litanya ng dahilan ng mga hangal na kandidato kung bakit sila pumasok sa pulitika. At ang pinakatanyag na dahilan ay “gusto kong makatulong sa aking kapwa” na palaging sinasabi ng isang kongresman ng isang lalawigan sa Mindanao, ganoong palagi naman itong absent sa mga session at ang dahilan ay may ginagawa siyang “mahalagang bagay” para sa kapakanan ng bansa. Gusto pa niyang maging senador, at kung maaari nga lang ay Bise-Presidente. Siguro iniisip niya, makakakuha naman siya ng matatalinong staff. OMG!!!

Sa sobrang kayabangan nitong tao, ginagamit na rin ang Diyos upang ipakita sa mundo na siya ay may malakas na pananalig sa Kanya. Ang hindi niya kinatakutan ay ang karma na unti-unting dumadating dahil sa dami ng mga kasong isinasampa laban sa kanya. Bilib na sana sa kanya ang mga Pilipino, subalit nasobrahan naman ang pagkabilib niya sa kanyang sarili na umabot sa puntong lahat ay gusto na niyang pasukan kahit alam ng lahat na hindi niya kaya.

Hindi na dapat pagdudahan ang kanyang kakayahan sa isang larangan na ginagamitan ng tiyaga at lakas ng katawan, subalit sa larangan naman na ang dapat gamitin ay utak, ibang usapan na. Tumatakbo ang kanyang opisina pero dahil sa mga suwelduhang tauhan na matatalino, kaya kahit wala siya ay may naisa-submit na report, nakakagawa ng mga proyekto dahil may nagagamit namang budget, at may naihahaing mga panukala sa kanyang pangalan. Ibig sabihin, sa sitwasyon niya, para siyang nagpa-franchise ng kanyang pangalan para magamit sa pulitika.

Gusto daw niyang tumulong sa kanyang mga kababayan, kaya handa siyang tumakbo sa mas mataas pang puwesto sa pulitika. Kung ang pagiging kongresman nga lang ay hindi niya magampanan ng maayos, mas mataas na puwesto pa kaya? Sana may puwestong pangdekorasyon lang ang gamit, at dahil tanyag siya, doon siya angkop. Magagamit kasi ang pangalan niya bilang bahagi ng Kongreso o Malakanyang!

Hindi kailangang pumasok sa pulitika upang makatulong sa kapwa. Ito ay napatunayan na ng maraming pilantropo na ang ilan ay ayaw magpabanggit ng pangalan. Napatunayan din ito ng nagpapatakbo ng mga bahay-ampunan para sa mga bata, may kapansanan, at matatanda. Napatunayan din ito ng ilang grupo na nakakarating sa mga liblib na isla ng Pilipinas makapamigay lang ng lapis, papel at iba pang gamit-eskwela, pati na tsinelas at damit. At ang isa pang halimbawa ay si Mother Theresa at ang kanyang mga kasamang madre na kahit kapos sa pondo ay nagagawa pang makapamahagi ng tulong.

Marami na akong narinig na mga dahilan kung bakit may mga pumapasok sa pulitika, na ang pinakatanyag nga ay ang una kong nabanggit na pagtulong sa kapwa. Subalit kung katapatan din lang ang pag-usapan, ang pinakabiniliban ko ay ang walang kagatul-gatol na sabi ng isa na, “it runs in the family”. Yan ang tama, dahil nga naman lahat sila sa pamilya ay may puwesto, mula sa pagkakongresman ng tatay, pagka-gobernador ng kapatid, at pagka-mayor ng nanay. Ang nakausap ko ay tatakbo namang kagawad muna dahil puntirya niya ang puwesto sa pagka-mayor na inuupuan pa ng kanyang nanay.

Ang iba pang mga dahilan na hindi dapat kalimutan ay:

  1. Ayaw maging hamak na empleyadong inuutusan lamang.
  2. Upang mapalawak at mapalaki pa ang mga negosyo ng pamilya.
  3. Upang mapatunayan sa sariling kaya niya…(magpayaman?)
  4. Upang makaganti sa mga umalipusta sa pamilya nila….(delikado!)
  5. Upang maisulong ang adhikain ng grupo…(talaga?)
  6. Undergraduate kasi, at walang mapasukang trabaho.

At, ang “pagtulong sa kapwa”?....para yang SUNTOK sa buwan!...hindi na kapani-paniwala!

Kung sa seryosong usapan, ang pagpasok sa pulitika ay nangangailangan ng talino SANA. Pero sa Pilipinas, iba ang kalakaran dahil pera at katanyagan ang gumagalaw, maliban na lang siguro sa pambihirang nangyari sa Davao City dahil ang ginamit ng mga namumuno doon na mag-amang Duterte ay prinsipyo, katatagan, at tapang – hindi pera at katanyagan. Tinupad nila ang pangakong lilinisin at patatahimikin ang Davao City na nangyari naman.

Maraming mambabatas na kahit utak-tungaw ay nakakaupo sa mga bulwagan ng batasan. At, hindi na dapat pang itanong kung ano ang dahilan at sino ang may kasalanan…dahil alam naman ng lahat! Para sa mga nagmamaang-maangan na inosente kuno, basahin lang ulit ang unang talata o paragraph.


Discussion

Leave a response