0

Ang Pagtitiyaga ni Mona...nakakabilib na ay nakaka-inspire pa

Posted on Sunday, 10 May 2015



Ang Pagtitiyaga ni Mona
…nakakabilib na ay nakaka-inspire pa
(para kay Mona Caburian-Pecson)
Ni Apolinario Villalobos

Mapalad ang isang pamilya sa pagkakaroon ng isang matiyagang ina. Palagay ko, angkop sa ganitong pagsasalarawan ang kilala kong ina, lalo pa at hindi pangkaraniwan ang kanyang mga pinagdaanan. Siya si Mona, maganda, matangkad, mestisahin, matalino, career woman, subalit dahil sa taglay na malalakas na katangian, animo ay pinangilagan ng mga lalaki na bantulot dahil hindi nila maabot ang kanyang kinalalagyan. Mataas din kasi ang kanyang puwesto sa isang malaking kumpanya. Umabot na siya sa gulang na sa batayan ng mga Pilipino ay yong sinasabing nalipasan na ng panahon, sa madaling salita, siya ay naging matandang dalaga. Subalit siya ay matiyaga sa paghintay ng kanyang magiging kabiyak na sasabayan niya sa pagtanda…

May dumating nga sa kanyang buhay, isang biyudo at may apat na anak. Sa simula, ay bantulot siya sa pagtanggap ng inaalay nitong pagmamahal, kaya pabirong sinabi kong dapat ay ipagpasalamat niya ang pagkaroon agad ng mga anak. At sa pagkakaroon naman ng sarili niyang anak na dadalhin niya sa kanyang sinapupunan, pinalakas ko ang loob niya sa pagsabi na yong iba nga lampas singkwenta na pero nabubuntis pa. Ang problema lang ay ang pagkaroon niya ng myoma na mabilis ang paglaki. Mabuti na lang at hindi malignant ito kaya hindi nakaapekto sa kanyang pagbuntis.

Nairaos ni Mona ang pagbuntis hanggang sa siya ay manganak, ng isang malusog na sanggol at walang ano mang kapansanan sa katawan na kinatakutan din niya dahil, ito yong tinuturing na “menopause baby”. Ang sabi ko naman sa kanya bilang pampalakas ng loob pa rin, siguradong matalino ang bata dahil matalino siya at ang kanyang asawa, at hindi ako nagkamali. Nang mag-aral ito ay matataas ang mga markang nakuha hanggang  gumradweyt sa kursong pang-piloto ng eroplano.

Samantala, ang iba pa niyang mga “anak” na binuhusan din niya ng pagtitiyaga at pagmamahal ay natuto na ring kumilala sa kanya bilang tunay nilang ina. Maaayos ang kanilang buhay, at may mga apo na silang mag-asawa sa mga ito. Nagbunga ang patitiyaga ni Mona sa pag-ako ng mga responsibilidad bilang bagong ina ng mga unang anak ng kanyang asawa. Kasama ng kanyang pagmamahal ay ang pag-alala kung hindi  sila nakakauwi ng maaga noong estudyante pa sila. Hindi rin siya nagpabaya sa pagbigay ng mga payo, lalo na sa mga babae.

Ang ipinakitang pagtitiyaga ni Mona ay patunay lamang sa kasabihang Pilipino na: “kung may tigaya….may nilaga”, at ang “nilaga” ay ang katatagan sa kabuuhan ng kanilang pamilya, kung saan ay umiiral ang pagmamahalan at kasiyahan.

Discussion

Leave a response