0

Ilang Paraan Upang Mabuhay Nang Simple at Makatulong sa Kapwa-tao, lalo na sa Inang Kalikasan

Posted on Friday, 1 May 2015



Ilang Paraan Upang Mabuhay Nang Simple at
Makatulong sa Kapwa-tao, lalo na sa Inang Kalikasan

Ni Apolinario Villalobos

Nababanggit ko na noon pa man na ang isang paraan upang mabuhay nang angkop sa kakayahan ay ang pagkakaroon ng buhay na simple o payak. Maaaring simulan sa mga pang araw-araw na pagkain tulad ng NFA rice na murang hindi hamak sa commercial rice (upang ang matipid ay maipantulong sa iba), pagbili ng mga ulam na mura subalit masustansiya, ang paggamit ng kahoy bilang panggatong sa halip na gas kung ligtas na gawin ito sa lugar na tinitirhan, ang pag-recycle ng mga gamit upang mapakinabangan pa ng matagal upang hindi na makadagdag pa sa basura, at upang makaiwas na rin sa karagdagang gastos.

Maliban sa mga nakatira sa condo, ang mga nasa maliliit na subdivision, lalo na ang mga nasa probinsiya ay dapat samantalahin ang kapanibangang dulot ng mga sanga ng kahoy na sa halip na mabulok lamang at maging basura ay gamiting panggatong. Hindi dapat maging maluho pagdating sa mga gamit sa bahay na tulad ng ginagawa ng iba na maluma lang ng wala pang isang taon ay pinapalitan na. At lalong hindi dapat ikahiya ang pagbili ng gulay,  murang maliliit na isda, o di kaya ay ang murang buto-buto ng baboy at baka na masustansiya din naman. Ang iba kasi, ayaw ng mga isdang maliliit na pangpangat o pangpaksiw dahil pang-mahirap lang daw kaya mas gusto nila ang malalaking isdang tulad ng tuna at lapu-lapu dahil pang-sosyal kahit mahal, at lalong ayaw nila ng butu-buto dahil pang-aso lang daw.

Ang kailangan lang natin ay pairalin ang imahinasyon upang makatipid. Hindi rin tayo dapat mag-atubili sa pagsubok ng mga bagay na hindi nakagawian. Halimbawa na lang ay ang pag –recyle ng tirang spaghetti na sa halip na itapon o ipakain sa aso na hindi rin naman papansin dito ay gawing “pudding”. Dagdagan ng ilang rekado kahit na gulay, at gamitan ng kaunting arena upang mamuo, ilagay sa hurno at pasingawan o iluto kahit sa maliit na oven-toaster. Kung ang mga tirang tinapay ay maaaring gawing pudding, bakit hindi ang spaghetti? Ang tirang spaghetti na iluluto sa ganitong paraan ay maituturing nang “one dish meal”.

Ang mga tsinelas na goma ay madaling mapigtalan ng strap. Kung isang tsinelas lang ang napigtalan ng strap, huwag itapon ang magkapares dahil pagdating ng panahong magkaroon ng isa pang tsinelas na napigtalan din ng strap, ang mga walang sira ay pwedeng pagparesin upang magamit uli, kahit pambanyo lamang, pangloob ng bahay, o pangtrabaho sa garden. Ang apakan na goma ng mga kapares na napigtalan ng strap ay maaaring gamiting kalso ng mga paa ng silya o mesa upang hindi makagasgas sa sahig na tiles. Ang usok ng sinusunog na goma ay isa sa mga nakakasira sa lambong ng kalawakan o atmosphere, kaya makakatulong ang nabanggit kong pag-recyle upang maiwasan ito.

Ang mga lumang libro at magasin ay mura lamang kung bilhin ng mga junkshop dahil turing sa mga ito ay “reject”.  Ilang beses na rin akong nakatiyempo ng mga lumang Bibliya sa mga junkshop na ang turing ay “reject” din. Mas mapapakinabangan ang mga ito ng mga NGO na ang adhikain ay tumulong sa mga batang kalye na gustong matutong magbasa at magsulat subalit hindi nakakapasok sa eskwela. May mga NGO rin na nagmimintina ng library upang magamit ng mga estudyanteng kapos sa budget. Hindi naman siguro masyadong kapaguran ang mag-browse sa internet o sa telephone directory upang makahanap ng magustuhang NGO na maaaring pasahan ng mga nasabing ididispatsa nang mga babasahin. Pwede silang pakiusapang pumik-ap ng mga naipong mga libro sa bahay ng mga nakaipon nito.

May ibang nagtuturing na basura sa mga bagay na pinagsawaan na nila. Sana, magbago ang pananaw ng mga taong may ganitong ugali. Buksan sana nila ang kanilang mga mata at lawakan pa ang kanilang pang-unawa upang mabigyang pansin ang kanilang kapwa na hindi naging mapalad na magkaroon ng kahit na kapiranggot na kaginhawahan sa buhay. At, sa pamamahagi nila ng kanilang pinagsawaan, nakakatulong pa sila sa pagbawas ng naiipong basura sa kapaligiran…na lalong malaking tulong din sa Inang Kalikasan.

Discussion

Leave a response