Kung Babaguhin ang Ugali, Isama na rin ang Pananaw sa Buhay
Posted on Wednesday, 10 February 2016
Kung
Babaguhin ang Ugali, Isama na rin ang Pananaw sa Buhay
Ni Apolinario Villalobos
Walang silbi ang pagbago ng pagkatao kung
ugali lang ang magbabagong anyo, at ang pananaw sa buhay ay hindi. Ang isang halimbawa
ay ang pagbago ng isang lasenggo na nabawasan nga ang pag-inom ng alak subalit
hindi pa rin naniniwala sa kahalagahan ng pag-impok para sa kinabukasan….kaya
kahit hindi na lasenggo, ay bulagsak pa rin sa pera. Ang ugali ng tao ay
tungkol sa mga nakasanayang gawin at sabihin. Kung ang isang tao ay hindi na
nga nagmumura pero mapanira pa rin ng kapwa, wala ring silbi an kanyang
pagbabago.
May mga ugali ring mahirap baguhin dahil
lulutang at lulutang ang likas na nakagawiang hindi kayang takpan ng pagpapaka-plastik
o pagkukunwari. May mga taong sensitibo sa ugali ng iba kaya nararamdaman nila
kung bukal sa kalooban ang sinasabi ng mga kausap nila dahil naipagkakanulo o
betrayed sila ng ekspresyon ng kanilang mukha, at kahit ng simpleng galaw ng
mata…sa Ingles, ito ang tinatawag na “body language”.
Ang paniniwala ay nagsisimula sa isip ng
tao at ito ang nagpapakilos ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Dalawang lakas
ang nakakaapekta sa isip – positibo at negatibo….sa simpleng salita – mabuti at
masama. Kung hindi tutugma ang ikinikilos ng isang tao sa kanyang iniisip,
“nadudulas” siya sa pagsalita, na kung sa Ingles ay tinatawag na “slip of the
tongue”. Ang tawag sa pilit na pagtatakip ng tunay na ugali ay pagkukunwari.
Upang maging kapani-paniwala ang pagbabago
na ginagawa tuwing Holy Week at Bagong Taon, piliin ang mga ugaling “kayang
baguhin”. Hindi kailangang mag-ambisyong maging santo o santa ang isang tao
upang mabago ang masama niyang ugali. Kahit hindi siyento por siyentong
mababago ang masamang ugali ng isang tao, basta aminin niyang siya ay talagang
masama, ito ay katanggap-tanggap na, dahil nangangahulugang alam niya kung ano
ang dapat baguhin sa kanyang pagkatao. Sa ganyang paraan, kahit papaano ay
mauunawaan ang kanyang pagpipilit kaysa
naman siya ay magpaka-plastik pero madalas namang madulas!!!
Discussion