0

Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay na Problema

Posted on Monday, 8 February 2016

Ang Trapik ay Nasa Ibabaw ng mga Tunay Problema
Ni Apolinario Villalobos

Ang isyu ng problema sa trapik sa malalaking lunsod ng Pilipinas lalo na sa Manila ay yong sinasabi sa Ingles na “scum” o “froth”. Kung ihahalintulad sa hindi dumadaloy na tubig sa estero, ito yong mga animo ay bumubulang nakapaibabaw sa maruming tubig, at kung sa serbesa naman ay yong lumutang na bula pagkatapos ibuhos sa baso. At, dahil lumulutang agad ay unang nakikita. Ganyan din ang trapik na nakikitang problema sa mga kalsada ng mga lunsod. Subalit, ang katotohanan ay hindi ito mangyayari kung walang problema sa bandang “ilalim” ng sitwasyon. Ang mga sumusunod ay naisipan ko lang na baka mga problema:

  • Kaluwagan sa pagbili ng mga bagong sasakyan dahil nagkakamurahan ng presyo….at, hindi kinokontrol ng gobyerno. Kung kontrolin naman ay sasabihin ng mga apektado na laban ito sa karapatan ng isang malayang Pilipino. Ang kagustuhan ng karamihan na bumili ng sasakyan ay bunsod ng kultura ng Pilipino na may kinalaman sa kayabangan. Kahit nangungupahan lang ng kuwarto ang pamilya, halimbawa, ng isang simpleng empleyado ay gusto pa rin ng padre de pamilya na magkaroon ng sasakyan para may pangporma at magamit sa pamamasyal sa Luneta ang pamilya.

Para sa mga taong ito, hindi bale nang panay ang utang sa Bombay at halos walang pamasahe sa pagpasok sa trabaho o di kaya ay alaga ng pagmumura ng may-ari ng kuwartong inuupahan dahil sa naaantalang pagbayad ng upa, basta may kotse lang na naidi-display upag kaiinggitan ng mga kapitbahay, kahit walang garahe. Nag-operasyon noon upang mag-tow ng mga sasakyang nakaparada sa tabi ng kalsada, subalit “ningas-cogon” naman dahil makalipas ang ilang araw ay itinigil na.

  • Pagpapabaya ng mga mambabatas sa paggawa ng mga batas na may “pangil” at makatotohanan. At, pagpapabaya rin ng mga ahensiyang dapat magpatupad sa mga batas na naipasa na. Hindi rin isinasaalang-alang ang pagtalaga ng karampatang budget sa mga naipasa nang mga batas upang hindi magamit na dahilan ang kawalan nito kaya walang mga gamit at mga karagdagang tauhan, na kadalasang dahilan ng pagtuturuan ng mga mambabatas at mga ahensiya.

  • Ang mabagal o makupad sa pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng mga kalsada sa lunsod at highway sa probinsiya. At, kung nagawa na, ang mga ito ay palpak kaya madalas ang pagpapaayos agad…halatang gusto lang talagang pagkitaan ng mga tiwaling opisyal at ahensiya. Nagreresulta tuloy ito sa pagdurusa ng mga motorista at commuters …pagdurusang nagsisimula sa paggawa ng mga proyekto hanggang sa pagpapa-repair ng mga ito…samantalang ang mga kurakot ay masaya!

  • Ang hindi pagbibigayan ng mga motorista dahil ayaw ng bawa’t isang malamangan. Dahil sa ugaling ito ng mga Pilipinong motorista, yong traffic sign na “Yield” ay walang silbi sa Pilipinas.

Sa madaling salita, kaya matindi ang trapik sa Pilipinas ay dahil walang disiplina ang mga motorista, maraming butas ang mga batas na ginawa ng mga tiwaling mambatatas kaya pinagkakaperahan ng mga tiwaling taong dapat magpatupad sa mga ito, at hindi kontrolado ang pagpasok ng mga bagong sasakyan na umaapaw sa mga kalsadang hindi nadugtungan at naluwangan. At, sa mga dahilang yan…nagbubulag-bulagan ang mga nakaupong tiwali na ay kawatan pang pinagkatiwalaan ng taong bayan!





Discussion

Leave a response