Rose
Posted on Wednesday, 3 February 2016
Rose
(para kay Rosita Segala)
Ni
Apolinario B Villalobos
Kung siya’y iyong
pagmasdan
Mababanaag mo sa mga mata
niyang malamlam
Bigat ng pinapasang
katungkulan
Hindi lang para sa mga
mahal sa buhay
Kung hindi, pati na rin
sa malalapit na kaibigan.
Mayroon man siyang
kinikimkim
Hindi kayang isiwalat ng
maninipis na labi
Ang matagal nang
pinipigil na damdamin
Nakapaloob sa
nagpupumiglas na tanong
“May kaligayahan kaya
para sa akin sa dako pa roon”?
Marami na rin siyang
inasam sa buhay
Nguni’t maramot ang kapalaran
at pagkakataon
Kabutihang kanyang
pinamamahagi sa iba
Kalimitan ay palaging may
katumbas na luha
Pati na pag-abuso na
nagbibigay ng matinding pagdurusa.
Sa kabila ng lahat,
marubdob pa rin ang paniniwala niya sa Diyos
Na siyang tanging
nakakabatid ng lahat ng kanyang paghihirap
At alam niyang darating
ang panahon na kanyang makakamit
Pagmamahal at katiwasayan
ng kalooban na sa kanya’y pinagkait
Samantala, kanya na lang
iindahin, mga darating na siphayo at pasakit.
(Si Rose
ay taga-Quezon at nang mapadpad sa Maynila noong 1972 ay kumuha ng maliit na
puwesto sa Recto, sa bahaging kung tagurian ay “Arranque”. Sa bahaging ito ng
Maynila makakakita ng mga alahas na binebenta ng mura dahil karamihan ay nabili
ng bultuhan o maramihan sa mga bahay-sanglaan o pawnshop. At, sa ganitong uri
ng negosyo sumabak si Rose, subalit hindi sa pagbenta, kundi sa paglinis na
kasama ang pagtubog upang lalong tumingkad mga alahas. Ang puwesto niya ay nasa
ilalim ng hagdan patungo sa ikalawang palapag ng lumang gusali, kung saan ay
may inuupahan siyang kuwarto, kasama ang kanyang pamangkin na si Marivic.
Marami
siyang kakumpetensiya sa uri ng kanyang trabaho – mga lalaki, kaya napabilib
ako sa kanya nang malaman ko ang kanyang trabaho. Ayon sa kanya, pinipilit
niyang makaipon upang may magamit sa mga emergency na pangangailangan kaya
alas- siyete pa lamang ng umaga ay nag-aabang na siya ng mga kostumer na
gustong magpalinis ng alahas, at inaabot siya ng gabi dahil sa kanyang
pagtitiyaga.
Sa
probinsiya pa lang nila ay marami nang natulungan si Rose, subalit hindi siya
naghangad ng kapalit. Nakakaramdam siya ng kasiyahan sa pagtulong sa iba upang
hindi sila makaranas ng mga kahirapang napagdaanan niya. Ayaw niyang umasa sa
mga kamag-anak, kahit na yong mga natulungan niya, kaya nagsisikap, at
pinapasa-Diyos na lamang niya kung ano man ang mangyari sa kanya, subalit kahit
papaano ay nag-iingat pa rin siya.)
Discussion