Isang Kending Hinati, at iba pang Kuwento
Posted on Monday, 22 February 2016
Isang
Kending Hinati, at iba pang Kuwento
Ni Apolinario Villalobos
Malaking bagay ang pag-uusap kung minsan ng
magkakaibigan upang sumariwa ng mga nakaraan. Nangyari ito nang magkita kami
nina Del Merano, mag-asawang Mona at Reuben Pecson na isinama ang tinuturing
kong “miracle baby” nila noon, at ngayon ay binata na, si JR. Ibinuntis ni Mona
si JR nang panahong mayroon siyang malaking cyst sa sinapupunan, subalit sa awa
ng Diyos, nakaraos siya sa pagbuo nito hanggang maipanganak bilang isang
malusog na sanggol. Ngayon si JR ay isa nang piloto. Pananalig sa Diyos ang
naging kasangkapan ni Mona sa pagkakaroon ng isang matagumpay na ngayong anak
na Piloto.
Sa mga kuwentuhan namin, lumabas ang
pinakatago-tago sigurong kuwento ni Del tungkol sa kending hinahati pa niya
upang magkasya sa maghapon niyang pagsi-sales call noong kami ay nagtatrabaho
pa sa Philippine Airlines (PAL). Isa si Del sa mga pinagkakatiwalaang Account
Officers ng PAL. At, dahil sa kanyang pagka-single mom, tipid na tipid ang
ganyang gastos. Nagulat daw ang kasama naming kasabay niya sa pag-sales call
nang ilabas niya ang kalahati ng isang kendi at isinubo bilang miryenda. Ang
natirang kalahati ay kanyang itinabi para sa hapon naman.
Ikinuwento rin niya na sa pagpipilit na
makapasok sa PAL ay halos nanikluhod sa nagbibigay ng typing test na bigyan
siya ng ilang pagkakataon na umabot sa pang-apat hanggang abutin niya ang
standard na bilis sa pagmamanikilya. Mangiyak –ngiyak siya nang makalusot sa
test. Ang unang trabaho niya ay sa Accounting Office subalit napansin siya ng
namumuno ng Internationals Sales Department na si Manny Relova, kaya on the
spot ay sinabihan siyang mag-report sa opisina nito upang mag-issue ng mga
tiket na pang-international. Dumaan siya sa masusing pag-aaral ng iba’t ibang
pamasahe sa eroplano, kasama na ang sa iba pang airlines. Dahil sa kagalingan
niya, mabilis ang kanyang promotion hanggang sa ma-assign sa iba’t ibang
international station bilang District Sales Manager.
Naalala ko noon ang kuwento niya nang
ma-assign sa San Franciso (USA). Ang tinirhan niya ay walang kagamit-gamit kaya
sa sahig siya natutulog nang kung ilang araw. Kahit bago sa America ay malakas
ang loob sa paglibot kaya sandali lang ay dumami na ang kanyang kontak at mga
kaibigan na nakatulong ng malaki sa kanya bilang District Sales Manager.
Nag-resign siya nang bilhin ng San Miguel
ang PAL, subalit nang bilhin uli ito ni Lucio Tan ay inimbita siyang bumalik na
malugod naman niyang tinanggap dahil iba daw na challenge ang nararamdaman niya
bilang kawani ng nasabing airline. Iniwan niya ang isang managerial job at ang
malaking suweldo mula dito. Bumalik siya sa kumpanyang nagbigay sa kanya ng
magandang pagkakataon upang mabago ang kanyang buhay, lalo pa at siya ay single
mom. Ipinakita ni Del na ang pagtanaw ng utang na loob ay nakakagaan ng
damdamin. Ngayon si Del ay District Sales Manager na uli ng San Franciso (USA).
Discussion