0

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian...nakakabahalang isipin!

Posted on Thursday, 18 February 2016

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay
Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!
Ni Apolinario Villalobos

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya? 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.


Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte! 

Discussion

Leave a response