0

Nakakabilib ang Ginagawa ng BUCOR (Bureau of Corrections) sa Kasalukuyan

Posted on Wednesday, 10 February 2016

Nakakabilib ang Ginagawa ng BUCOR (Bureau of Corrections)
Sa Kasalukuyan
Ni Apolinario Villalobos

Sa ilalim ng kasalukuyang pamumuno ni Ricardo Rainier G. Cruz III, nakakabilib ang ginagawa ng kagawaran sa kabuuhan upang magkaroon ng pagbabago sa National Bilibid sa abot ng kanilang makakaya. Nagpakita sila ng katapangan at katatagan sa maya’t mayang pag-raid ng mga selda, lalo na ang pagsira ng mga maluluhong pinagawa ng mga detinadong may kaya. Sinira nila ang swimming pool, ang animo ay condo, isa pang mala-hotel room, at marami pang iba.

Marami ang nasaktan noon dahil nadamay sa pagbatikos sa mga nakaraang pamunuan bunsod ng kalamyaan nila sa pagpatupad ng mga patakaran, kaya kahit na ang ginawa ni Secretary de Lima noong personal itong mag-inspection ay hindi naipagpatuloy. Hindi lahat ng nakatalaga sa National Bilibid ay masama, lalo na ang mga walang direktang kontak sa mga detinado. Sila ang mga inosenteng nakatalaga sa opisina ng nasabing pasilidad, kaya nabanggit ko noon na walang silbi ang pagpalit ng namumuno kung walang drastic o mapusok na pagbabago tulad ng total na pagpalit-palit ng mga direktang guwardiya upang maiwasan ang fraternal closeness sa pagitan nila at ng mga detinado.


Tahimik ang pag-upo ng bagong namumuno sa BUCOR kaya marami ang nagulat nang ma-interview siya sa isang radio station. Nagpapahiwatig na iba ang kanyang pagkatao – tahimik na ang layunin lang ay maisaayos ang kinakaharap na problema. Talagang mahirap ang kalagayan ng Bilibid dahil sa kakulangan ng budget, at dapat ding unawain na ang pagbabago ay imposibleng makakamit sa magdamag. Ganoon pa man, marami ang nagdadasal na sa pagkakataong ito, sana ay talagang magkaroon ng malawakang pagbabago sa loob ng Bilibid.

Discussion

Leave a response