Masarap Sana, Subalit Nakakalito ang Buhay sa Mundo
Posted on Monday, 15 February 2016
Masarap
Sana, Subali’t Nakakalito ang Buhay sa
Mundo
Ni Apolinario Villalobos
Masarap sana ang mabuhay sa mundo, kung
hindi magulo at walang mga kalituhan. Dahil ito sa likas na ugali ng taong
mapanlamang, mapag-imbot, at maramot na kadalasang tumatalo sa mga mabubuting ugali na
mapagpakumbaba, mapagbigay, at bukas-palad. Kung mapagpakumbaba ka, siguradong
yayapakan ang iyong mga karapatan. Kung mapagbigay ka, siguradong itutulak ka
lang sa tabi ng mga mapag-imbot. Kung bukas-palad ka kaya maluwag sa loob ang
pagtulong sa kapwa, aabusuhin ka naman.
Dahil sa nabanggit na mga kalituhan, yong
isa kong kaibigan, ay halos ayaw nang lumabas ng bahay upang makaiwas sa mga
hindi magandang mangyayari sa kanya. Dahil sa ginawa niya, itinuring siya ng
mga ungas niyang kapitbahay na “makasarili”. Sabi niya minsan sa akin, kung
magpapaputok siya ng baril sa kalye siguradong sasabihin ng mga kapitbahay
niyang “siga” siya. Sinabihan ko na lang na madaling araw pa lang ay umalis na
siya at umatend ng misa sa Baclaran o Quiapo, pagkatapos ay mamigay ng tulong
sa squatter’s area at kapag padilim na ay saka na lang siya umuwi – walang mga
ungas na kapitbahay ang makakakita sa kanya. Sabi ko nga sa kanya ay maswerte
siya at ungas lang ang mga kapitbahay niya…hindi mapagkunwari at mainggitin.
Hind lang sa pakikipagkapwa-tao ang may
kalituhan, kundi kahit na rin sa mga bagay na kailangan upang mabuhay tulad ng
pagkain. Kailangan daw ay kumain ng gulay at isda dahil masustansiya ang mga
ito. Subali’t sa palengke, hindi lang isda ang nilulublob sa “formalin”, ang kemikal na ginagamit sa pag-embalsamo,
kundi pati na rin mga gulay upang hindi malanta agad. Ang karagatan at mga ilog
na tinitirhan ng mga isda ay marumi na rin. Ang mga nahiwang gulay ay nilulublob
sa tawas upang hindi mangitim tulad ng hiniwang langkang nakagawiang iluto sa
gata at talong na tinanggalan ng bulok na bahagi, pati binalatang gabi, kamote,
at patatas. Ang mga gulay sa pataniman ay alaga din sa mga chemical na
pamatay-peste habang lumalago. Yong sinasabing mga “organic” daw ay hindi rin
sigurado dahil maraming mga nagtitindang mahilig magsinungaling, makabenta
lang. Kung totoo man, ay nakakakuha naman ang mga ito ng lason mula sa hangin.
Ang mga karne ay may mga anti-biotic, kaya
ang akala ng isang kumpanyang nagdede-lata ng produktong karne ay bobo lahat ng
mamimili dahil sinasabi ng ads nila na walang sakit ang mga baboy at manok nila
– siyempre, dahil alaga sa antibiotic!...talaga din namang kumita lang, lahat
ay gagawin upang makapanlinlang. At, yong mga batang lumaki sa gatas at karne
ng hayop, ngayon ay may ugaling hayop na rin…dahil kung hindi man bastos ay
lapastangan at suwail pa!
Ang mga softdrink lalo na ang “Cokes”
(tawag yan ng Bisaya sa Coke”), na pampagana sa pagkain kahit bagoong, toyo, o
patis lang ulam ay nakakasira ng kidney at atay. Kung mag-ulam naman palagi ng
instant noodles na pinakamura at pinakamadaling iluto, subalit ginamitan ng
kemikal upand hindi magdikit-dikit, ay lalo namang sisira ng kidney. Mismong
bigas na sinasaing ay may mga chemical din upang hindi kainin ng uod at kuto
habang nakaimbak sa bodega, kung saan ay iniispreyhan pa sila upang hindi
upakan ng mga daga at ipis.
Ang instant na kape ay dumaan din daw sa mga
paraan o process na nangailangan ng mga kemikal na hindi maganda sa katawan
kahit pa sabihing nakakatulong ang inuming ito sa paglusaw ng cholesterol at
bara sa daluyan ng dugo patungo sa puso. Ang asukal na puti ay mayroong
bleaching chemical na nagpaputi sa dating manilaw-nilaw na katas na ito ng
tubo. Naka-imbento ng artipisyal na asukal upang makaiwas sa diabetes, subalit
nakakasira naman din daw ng kidney.
Pati mga bitamina na ginagawa sa mga laboratoryo
ay pinagdududahan na rin. Kahit maliit lang ang sumobra sa naimon ay magsasanhi
na ng overdose na maaari pang maging sanhi ng sakit. Sa puntong ito, ang mga
gamot na akala natin ay nakakapandugtong ng buhay ay hindi rin pala magandang
basta na lang iinumin, kaya mismong anti-biotic ay hindi na rin ligtas.
Ano pa nga ba at, animo ay nag-uunahan ang
mga bahagi ng katawan natin kung alin sa kanila ang unang manghihina hanggang
bumigay dahil sa mga pagkaing akala
natin ay pampahaba ng buhay, yon pala ay may mga lasong unti-unting nakakamatay.
Kaya siguro, madalas na payo ng doctor sa pamilya ng pasyente na may taning na
ang buhay, ay pagbigyan na lang ito sa lahat ng hihilingin niyang pagkain dahil
wala na rin namang mangyayari bunsod ng lasong nagkakaiba lang ang dami sa bawat
pagkain. Ang maratay dahil sa sukdulang
epekto ng lason na nakukuha natin sa mga pagkain at hangin ang ultimate na
sitwasyon kung saan ay talagang angkop ang kasabihang, “no choice” at “…no
turning back”. Ang kalagayan ring ito
ang nagpapakita na ang tao ay nagsi-self destruct!
Discussion