0

Sa Holy Week, Hindi Lang Dapat Mga Batang Nagugutom ang Pakainin

Posted on Wednesday, 10 February 2016

Sa Holy Week, Hindi Lang Dapat
Mga Batang Nagugutom ang Pakainin
Ni Apolinario Villalobos

Ang sinabi ni Cardinal Tagle na sa pangingilin ng mga Kristiyano, isama ang pagpakain sa mga batang gutom…para sa akin ay bitin, kulang. Dapat ay buong pamilya na ang pakainin dahil kung may mga batang gutom, malamang ay gutom din ang kanilang pamilya dahil sa kahirapan, maliban lang kung ang tinutukoy ni Cardinal Tagle ay mga batang kalye na lumayas mula sa kanilang mga tahanan. Sa isang banda, kahit ang tinutukoy ni Cardinal Tagle ay ang batang sumisinghot ng rugby, o mga “batang hamog”, dapat isiping may mga pamilyang gutom din namang nakatira sa bangket at yong iba ay ginawa pang tahanan ang kariton. Hindi lang dapat pagkain ang ibigay sa kanila kundi pati na rin damit at tarpaulin na panglatag sa sementong hinihigaan.

Maliban sa tao, sana naman ay isama na rin ng mga nangingilin ang mga hayop na nasa kalye – mga aso at pusang walang mga “tao”, o mga taong nag-aalaga, o walang tahanan inuuwian. Sila ay may mga buhay din naman. Sana ang mga taong nangingilin na naglagay pa ng uling na hugis krus sa noo nang sumapit ang Ash Wednesday ay hindi mandiri sa pag-abot ng pagkain sa aso at pusang tadtad ng galis ang katawan kaya halos mawalan na ng balahibo. Sana ay hindi sila maduwal o masuka kung abutan nila ang mga ito ng mga pinira-pirasong tinapay.

At baka, maaari na ring isama ang isa pang nilalang ng Diyos na bahagi na rin ng buhay ng tao – ang mga halaman. Maraming tao ang pabaya sa kanilang mga halaman. Sila ang mga taong ang hangad lang sa pagbili ng mga halaman ay makisabay sa mga kinainggitang kapitbahay, subalit dahil talagang walang hilig, kalaunan ay pinabayaan na nila ang mga kawawang halaman. Itong mga mayayabang kaya ang gutumin at uhawin? Kung ayaw na nilang mag-alaga sa pinagyabang na mga halaman sana ay ipamigay na lang din nila sa mga kapitbahay na hindi nila kinaiinggitan.

Kung dapat maging mabait ang mga nangingilin sa mga hayop at halaman sa Holy Week, sana ay bigyan din nila ng puwang sa kanilang dasal ang mga taong ASAL-HAYOP na nagkalat sa Kongreso, Senado, at mga ahensiya ng gobyerno. Sana ay ipagdasal nila ang pagbago ng mga ASAL-HAYOP na mga taong ito upang hindi pa madagdagan pa ang haba ng kanilang mga sungay!

Higit sa lahat, sana ang gagawing pangingilin ng mga tao sa taong 2016  ay hindi dahil nakisabay lang sila sa mga kaibigan, kundi dahil bukal sa kanilang kalooban. Hindi sana nila gagawin ang pangingilin para sa mga nagawa nilang kasalanan, kundi upang bigyan din sila ng lakas na mapaglabanan ang tukso sa paggawa ulit ng mga kasalanan. Tuluy-tuloy sana nilang gawin ang pangingilin taon-taon, habang kaya nila hanggang sila ay malagutan ng hininga!








Discussion

Leave a response