0

Magkaiba ang Ugali at Antas ng Kaisipan ng mga Tao

Posted on Thursday, 25 February 2016

Magkaiba ang Ugali at Antas ng Kaisipan ng mga Tao
Ni Apolinario Villalobos

Hindi pare-pareho ang ugali at antas ng kaisipan ng mga tao sa mundo. May mga taong tanga, mapanlinlang, oportunista, sutil, mabait, maka-Diyos, maka-Demonyo, korap, atbp. May mga tao ring bobo, hangal, matalino lang, o sobrang talino, atbp. Dahil sa mga kaibahang nabanggit, hindi pwedeng lahat ay maging madre, pari, mayor, governor, clerk, manager, presidente ng kumpanya, presidente ng Pilipinas, senador, doktor, janitor, atbp. At, dahil sa simpleng paliwanag na nabanggit, hindi dapat pagtakhan kung bakit may mga milyonaryo at mahirap, at mayroon ding mga nasa gitna ng lipunan ang kinalalagyan.

Ang mga mahihirap ay umabot sa kalagayan nila dahil sa iba’t ibang dahilan, tulad ng:
·        kawalan nila ng pagsisikap dahil sa likas na katamaran 
·        nakasanayang umasa sa iba lalo na sa mga kapamilya at kaibigan na may kaya
·        pagiging biktima ng mga manloloko tulad ng mga employer, illegal recruiter, landgrabber at iba pang mga switik sa lipunan
·        pagkapadpad sa slums sa siyudad dahil umiwas sa mga kaguluhan sa probinsiya nila

Ang mga mayayaman naman ay umabot sa kalagayan nila dahil sa mga sumusunod na dahilan:
·        minanang kayamanan mula sa mga ninuno o magulang
·        pagsikap na makaahon mula sa kahirapan kaya umasenso
·        nagtulak ng droga hanggang maging drug lord o drug laboratory operator
·        nag-operate ng huweteng sa kanilang bayan kaya naging milyonaryo
·        naging big- time illegal recruiter
·        naging opisyal ng gobyerno at nangurakot
·        naging big-time holdaper hanggang maging financier ng kidnap-for-ransom gang

Kapag naging mayaman ang isang tao, puro papuri ang maririnig tungkol sa kanya kung hindi galing sa masama ang kanyang yaman. Kung bistado namang galing sa masama ang yaman, abot- langit ang pagbatikos sa kanya. Binabatikos din ang mga mahihirap na nakatira sa slums dahil sa kalagayan nilang animo ay manok na nabubuhay sa “isang kahig, isang tuka” na paraan. Idagdag pa diyan ang paninisi sa kanila dahil kung magbuntis o magpabuntis ng asawa ay walang pakundangan kaya ang mga nanlilimahid na mga anak na pakalat-kalat sa kalye ay  animo mga mantas sa mukha ng lipunan.

Ang mga yumaman tulad ng mga magnanakaw sa gobyerno, tulak ng droga, drug lord, illegal recruiter, at iba pa, ay may mga karampatang parusa ayon sa batas, kaya kung maayos lang sana ang namamalakad sa gobyerno, sila ay mapaparusahan tulad ng pagkakulong. Subalit, kalat din ang mga kuwentong kung sino pa ang may kaalaman sa mga batas o nagpapatupad ng mga ito, ay sila pang nangunguna sa pagsuway. Ang namumuno naman ay parang taong dayami na panakot sa mga ibon sa palayan – walang kabuhay-buhay at pakiramdam!

Hindi dapat basta na lang isisi sa mga mahihirap kung bakit sila nasadlak sa nakakaawa nilang kalagayan ngayon. Ang korapsyon na siyang pinakamalaking dahilan ng lahat ng paghihirap nila ay nagsimula noon pa mang kasibulan ng Pilipinas bilang isang malayang bansa. Marami nang oportunista noon – mga mayayamang asendero na naging opisyal ng bansa, at mga edukadong naging pulitiko na nasilaw sa pera mula sa kaban ng bayan. Yan ang mga dahilan kung bakit nagkaroon ng NPA na ang impluwensiya ay nakarating na sa mga siyudad ngayon, kung saan ay naglipana din ang mga makabagong oportunista. Kaya tulad ng dapat asahan, sumabay sa paglala ng korapsyon sa gobyerno ang kahirapan sa bansa.

Ang nakikitang kahirapan at karangyaan ay mga pang-ibabaw lamang na tanawin sa isang lipunan. Hindi magkakaroon ng mga nasabing kalagayan kung walang mga dahilan tulad ng mga nauna nang nabanggit….at ang mga dahilang iyan ang dapat munang tingnan ng isang tao bago magbitaw ng komento na tulad ng:  “nakakasuka at mantsa ng lipunan ang mga slums at mga nakatira sa mga ito”, at “kasalanan ng mga inutil na mga taong yagit na ito kung bakit sila naghihirap”. Dapat isipin ng mga mapangkutya na kung may tamad na mahihirap, mayroon ding ganito sa hanay ng mga mayayaman ngunit hindi lang pansin dahil may pera sila.


Isang makapal na libro ang magagawa kung ilalahad ang mga may kinalaman sa kagutuman dahil hindi lang kahirapan ang mauungkat kundi pati mga kadahilanan. Hangga’t maaari ay iwasan sana ng mga “matatalino at masisipag” na magtanong kung bakit ang mga nasa iskwater ay hindi tumulad sa kanila. Kung maligaya na sila sa mataas nilang kinalalagyan at wala silang balak na tumulong sa mga nangangailangan o kung tumulong man ay may kasamang panunumbat, tumahimik na lang sila at iwasang tumingin sa ibaba. Pero, alalahanin nila na may kaakibat na matinding lagapak ang pagbagsak ng isang tao kung siya ay mula sa mataas na kinalalagyan!

Discussion

Leave a response