Ang Addiction, Harakiri, at Dangal
Posted on Thursday, 11 February 2016
Ang
Addiction, Harakiri, at Dangal
Ni Apolinario Villalobos
Ang addiction ay hindi limitado lang sa
alak, sigarilyo at droga. Sa Pilipinas, may mga maidadagdag pa sa listahan:
addiction sa pera, addiction sa pagsinungaling, at addiction sa cellphone.
Ang mga sintomas ng addiction sa pera ay
ang hindi makontrol na paggalaw ng mga hinlalaki (thumb) at hintuturo (thumb)
sa pagkiskisan na animo ay nagbibilang ng pera, pagkataranta kapag nakarinig na
kalansing ng baryang nahulog, panlalaki ng mga mata kapag pinag-uusapan ang
pera, at madalas na pagkadulas sa pagsabi ng “how much are you”, sa halip na
“how are you”. Talamak itong sakit sa Kongreso at Senado at iba pang mga
ahensiya ng gobyerno na palaging may project (na pinagkikitaan).
Ang mga sintomas naman ng addiction sa
pagsisinungaling ay ang hindi nawawalang ngiti sa mga labi upang ipakita sa iba
na malinis ang kanyang budhi at isip, pagsambit ng pangalan ng Diyos na
idinudugtong sa mga pangako, pagbanggit ng kidlat, kulog, malusaw, mamatay, at
iba pang kahindik-hindik na mga salita upang idiin ang katotohanan kuno ng mga
sinabi niya at yong iba ay binebetsinan pa ng “peks man” at “cross my heart”,
at ang pinakamalinaw na palatandaan ay ang walang kabuhay-buhay at hindi
kumukurap na mga matang nandidilat habang nagsasalita sa harap ng camera dahil
nag-aalala na baka madulas ang kanyang dila.
At, ang addiction naman sa cellphone ay may
mga sintomas na paggalaw-galaw ng hinlalaki na animo ay may pinipindot.
Napapansin din ang hindi mapalagay na pagkilos ng addict kapag ang katabi ay
may kausap sa cellphone dahil parang may nag-uutos sa kanyang agawin ang
cellphone upang siya naman ang makipag-usap. Napapakislot din itong uri ng
addict kapag may naririnig na tunog ng cellphone, na sinasabayan pa ng
pagdidila ng mga labi na para bang natatakam sa pagkain. At sa isang tahanan,
malalaman kung may mga addict sa cellphone kapag may nagbabangayan na maririnig
hanggang kalye dahil sa pagwawala ng mga anak na gustong magkaroon ng mga
bagong cellphone.
Kung dangal naman ang pag-uusapan, matindi
ang mga Hapon sa pag-alaga nito. Nagpapakamatay sila kapag nadungisan ang
kanilang dangal. Yong mga nasa gobyerno ng Japan, na nabigla o hindi
sinasadyang nakagawa ng masama ay nagpapatiwakal agad kahit hindi pa
nasisimulan ang imbestigasyon.
Kung sa Pilipinas mangyayari ang
pagpapatiwalak o pagharakiri ng mga nagkasalang government officials,
siguradong walang matitira….mula sa pinakamataas na puwesto hanggang sa ibaba.
Pero hindi nangyayari, dahil sinanay ang mga Pilipino ng mga prayle o Spanish
friars noong panahon ng mga Kastila sa paniniwalang kahit sangkaterba ang
kasalanan, lusaw ang mga ito sa paulit-ulit na pagdasal ng Our Father, Hail
Mary, at I Believe in God, na ipinapataw
sa nagkumpisal. Kaya ngayon, tingnan ninyong mabuti kung sino ang mga mahilig
gumawa ng mga kasalanan na nakaluklok sa kawawang gobyerno ng Pilipinas!...hindi
ba silang mga nananalig sa kumpisal?...dahil pagkatapos ng mga penance ay
gagawa uli sila ng mga kasalanan!
Discussion