0

Mga Kuwentong Pagkaligtas sa "Stroke" na Dapat Tularan

Posted on Wednesday, 24 February 2016

Mga Kuwentong Pagkaligtas sa “Stroke”
…na dapat tularan
Ni Apolinario Villalobos

Kapag sinabi kong nakaligtas ang isang tao sa “stroke” na isang nakakabahalang sakit sa puso, ang ibig kong sabihin, siya ay naglalakad, nakakagamit ng isang kamay man lang, nakakakaing mag-isa, at hindi lamang nakaratay sa kama o wheel chair. Ang mga tinutukoy kong nakaligtas sa “stroke” ay sina Godo Melecion, Nelson Borromeo, Nani Dalisay, at Apiong Bunag – mga taga Perpetual Village 5 ng Barangay Real Dos, sa Bacoor City ng Cavite.

Hindi ko mapigilang magsulat tungkol sa kanila dahil nakita ko kung paano silang magsikap upang makapamuhay uli nang normal at may kabuluhan sa tulong ng kanilang misis, at lalo na ng disiplina. Nadanasan nila ang mga unang hakbang upang sila ay makaraos sa atake ng sakit, kaya tiniis nila ang nananalaytay na kirot ng “therapy” na ginawa sa kanila araw-araw upang hindi tuluyang mawalan ng lakas ang kanilang mga litid at hindi maging inutil ang mga ugat na dinadaluyan ng dugo, at pati na ang mga kasu-kasuan at buto. Mula sa pagkaratay ay pinilit nilang makabangon, at unti-unting makakawala sa animo ay pagkakatali nila sa kama.

Animo ay nagpaligsahan silang apat kung sino ang unang makakalabas ng bahay upang makapag- “walking- walking” na tawag namin sa exercise ng mga senior sa palibot ng basketball court. Unang nakita isang umaga si Nani. Makaraan ang ilang araw ay nakita si Nelson. Sumunod si Godo na mas gusto ang pag-ikot sa loob ng subdivision. Bandang huli ay nakita si Apiong na may baston, subalit nag-iikot pa pala sa dalawang subdivision bago dumiretso sa basketball court upang makipaghuntahan bago umuwi.

Sa kanilang apat, ang pinakamabilis na nakabawi ng lakas ay sina Godo at Apiong. Si Godo ay nakagawa na ng kulungan ng aso gamit ang hindi apektadong kamay, samantalang ang isang medyo mahina pa ay ginagamit na pangsuporta, at nitong huling mga araw ay nabuo niyang mapinturahan ang loob ng kanilang bahay, bakod at gate na bakal. Sa mga ginawa niya, katuwang rin niya ang kanyang misis na si Zeny.

Si Apiong naman ay nakaubos sa pagsibak ng mga sangang nakatambak sa likod ng bahay nila. Nagdidilig din siya kasama ang kanyang misis na si Bedi. Dating nagtitinda ng gulay sa palengke ang mag-asawa at ang pinagkitaang ito ang bumuhay sa kanila at nagpatapos sa pag-aaral ng kanilang mga anak, kaya hinanap-hanap ng katawan ni Apiong ang mga dating kilos na nakasanayan ng isang magbubukid.

Sina Nelson at Nani naman  ay mas gusto ang pag- “walking-walking” sa basketball court. Kahit hindi pa pumuputok ang araw, naglalakad na si Nani palibot ng basketball court hanggang sa siya abutin ng liwanag. Sinasabay naman ni Nelson sa pagsilip ng arawa ng kanyang paglalakad sa palibot ng court. Matiyagang gumigising ng maaga si Belen, asawa ni Nelson upang makapila sa bilihan ng pandesal at nagtitiyaga pa rin sa paghintay sa asawa na sinasabayan niya sa pagsawsaw ng tinapay sa kape. Ang asawa naman ni Nani na si Winnie ay hindi magkanda-ugaga sa paghanda ng almusal.

Ang kuwento ng apat na nakaligtas sa “stroke” ay pagpapakita ng pagsasakatuparan ng pinangakong pagsasama nila bilang mag-asawa habang buhay…wika nga sa Ingles ay, “for better or worse….till do us part”, at pagpapatunay na rin na ang disiplina at tiyaga ay napakahalaga upang malampasan ang pagsubok na dulot ng mga sakit na kung minsan ay nagiging sanhi ng kamatayan.

Ang mga tulad nila ang dahilan ng paminsan-minsan kung pag-post ng mga impormasyon tungkol sa tulong ng mga halamang gamot na nakikita lang sa ating paligid.








Discussion

Leave a response