0

Si Manny Pacquiao at ang Bibliya Niya

Posted on Wednesday, 17 February 2016

Si Manny Pacquiao at ang Bibliya Niya
Ni Apolinario Villalobos

Hindi ito isyu ng kabaklaan o katomboyan, kundi tungkol sa lawak o kakitiran ng isip ng isang tao, lalo pa at nadadamay ang relihiyon na hindi dapat. Sa pinakahuling interview kay Manny Pacquiao sa isang radio station halatang hindi niya naiintindihan ang isyu na naglagay sa kanya sa alanganin, dahil paulit-ulit lang siya sa pagbanggit ng Diyos at Bibliya. Kung ganoon ang takbo ng kanyang isipan, sa halip na pumasok sa pulitika, nag-pastor na lang sana siya. Dapat isipin ni Pacquiao na hindi lahat ng Pilipino ay naniniwala sa Bibliya at katulad niyang Kristiyano. At bilang mambabatas, ang trabaho niya ay gumawa ng batas para sa ikabubuti ng LAHAT ng Pilipino, ano man ang relihiyon nila, AT HINDI ANG MAGYABANG NG KAALAMAN TUNGKOL SA BIBLIYA NA GINAGAMIT NILA SA KANILANG CHRISTIAN GROUP! Binara siya ng radio announcer nang banggitin niya ang Leviticus na pinagmulan daw ng sinabi niya tungkol sa “karumal-dumal” na ginagawa ng mga tomboy at bakla na ayaw niya. Ang nasabing chapter ng Bibliya ay maselan, at hindi lahat ng sinasabi dito ay angkop sa kasalukuyang panahon. Swak sa kanya ang kasabihang, “a little learning is a dangerous thing”.

Paulit-ulit na sinasabi ni Pacquiao na ayaw niya ang ginagawa ng mga bakla at tomboy sa isa’t isa dahil bawal daw sa Bibliya at binanggit pa ang Sodom at Gomorrah. Ano ang gusto niyang gawin ng mga bakla at tomboy na may mga ka-live in at nakatira sa ilalim ng iisang bubong?...magdasal minu-minuto at mag-ngitian? Kung uunawain niya ang isang tao, dapat ay unawain din niya ang buong pagkatao nito. Hindi ba niya alam kung ano ang ginagawa ng mga ito bilang paraan ng pagparaos? Napaka-ipokrito niya kung hindi niya ito alam. Kung totoo ang sinasabi niyang may mga kamag-anak siyang bakla, bakit hindi niya tanungin ang mga ito upang malaman niya? Mag-ingat siya dapat dahil may lahi silang bakla, at alalahanin niyang may dalawa siyang anak na lalaki, na sana ay hindi makitaan ng mga senyales. Si Rustom Padilla ay umaming may pusong babae at nagpakababae, hindi noong bata o tin-edyer pa lang siya, kundi nang siya ay may asawa na.

Nang tanungin si Manny kung bakit si Binay ay malakas magdasal pero nagnanakaw pa rin, kinausap na raw niya ito at nagsabi na hangga’t walang napapatunayan, ay inosente siya. Magkasama sila sa iisang partido. Ngayon ako naniniwala sa kasabihang, “birds of a feather flock together….”

Kung Bibliya ang pinagbabatayan niya ng sinabi niyang masahol pa sa hayop at karumal-dumal ang ginagawa ng mga taong pareho ang kasarian kaya ayaw niya, nakalimutan yata niyang sa libro ring ito nakasaad ang mga karumal-dumal na pakikipagtalik sa iba’t ibang babae, ng mga paborito ng Diyos na sina David at Solomon! Huwag niyang sabihing maka-Diyos ang ginawa ng mag-ama noong unang panahon sa pagkaroon ng harem na kinabibilangan din ng mga babaeng pagano na ayaw na ayaw ng Diyos.

Kung gusto niyang magbanggit ng kahayupan, bakit hindi niya banggiting masahol pa sa hayop ang mag-asawang babae at lalaki na maya’t maya ay nag-aaway dahil sa pera, o di kaya ay pabaya sa mga anak na tin-edyer pa lang ay adik na, o di kaya ay nagsabwatan upang maglaglag ng nabubuong sanggol sa sinapupunan, na basta na lang ipa-flush sa inuduro o itapon sa basurahan? Bakit hindi niya sabihing masahol pa sa hayop ang ibang mga “tunay” na babae at  lalaki na kung atakehin ng kalibugan ay masahol pa sa asong ulol, na kung tawagin ay sex maniac  at nympho maniac? Bakit hindi niya sabihing masahol pa sa hayop ang mga kapareho niyang mga pulitiko na nagnanakaw sa kaban ng bayan ng perang dapat ay ginagastos para sa mga nagugutom? Bakit hindi niya kondenahin ang mga halos mamatay sa paghinagpis na mga “sports men” kuno na pilit nagpapakalaki ganoong pusong babae naman pala? Bakit hindi niya kondenahin ang mga taong sa kagustuhang kumita ay nambubugbog…tulad niya?

Kung hindi alam ni Pacquiao,  ayon sa siyensiya hindi nalalaman kung ang isang sanggol ay magiging tomboy o bakla. Sa kanilang paglaki at nagkaroon ng kaliwanagan, kaya ang may pera ay nagpapalit na lang ng kasarian na tutugma sa tunay nilang nararamdaman. Dapat ay malaman din niya na ang tao ay may DNA kung saan ay nakaimbak ang lahat tungkol sa kanyang pagkatao  at hindi niya ito kontrolado. Ang mga nakalagay sa DNA na ito ay BIGAY ng Diyos, hindi hiningi ng nabubuong sanggol sa sinapupunan ng kanyang nanay, at lalong hindi hiningi ng mag-asawang ibigay sa magiging anak nila na resulta ng kanilang pagpaparaos! Kaya, ibig sabihin ay dapat respetuhin at unawain ang isang tao kung ano mang uri siya dahil lahat ng bagay tungkol sa kanyang pagkatao ay BIGAY ng Diyos! Kung karamihan sa mga pari ay nananahimik na nga lang tungkol dito dahil ang iba ay guilty, at ang santo papa naman ay nagpapahiwatig ng pang-unawa, si Pacquiao naman ay nagyayabang sa pagsabing “….ayon sa Bibliya..”. Dapat pala ay nasa pulpito si Pacquiao na ngayon ay nangangampanya bilang senador!

Kung gusto niyang patunayang may sampalataya siya sa Diyos at Bibliya niya, bakit hindi siya magpatayo ng mga bahay sambahan sa iba’t ibang liblib na bahagi ng Pilipinas dahil ang mga tao dito ay naglalakad pa ng kung ilang kilometro makarating lang sa pinakamalapit na kapilya?
Ang tunay na pananampalataya ay hindi binabatay sa uri ng relihiyon at Bibliya. Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay nakaangkla sa pagmamahal at pang-unawa sa kapwa dahil kung hindi kayang gawin ito ng isang tao, lalabas na nagkukunwari lang siya sa pagsampalataya sa Diyos na hindi niya nakikita. Ang dalisay na pananampalataya sa Diyos ay umuusbong mula sa puso, hindi dinidikta ng Bibliya at ibang tao, lalo na ng mga ipokrito.  Ang isang taong masahol pa sa hayop ay yong nagkukunwari bilang Kristiyano dahil ginagamit nila si Hesus upang magyabang ng pananalig na ampaw – walang laman…at hanggang pakitang-tao lang.


Kawawa talaga ang Pilipinas dahil naglipana ang mga hayop sa lahat ng sulok, lalo na sa gobyerno - mga buwaya, buwitre, linta, aso, unggoy, ipis, langaw, at tungaw!!! Naalala ko tuloy ang mga mga pilosopong malibog kaya dumami ang mga anak, na sa Bible daw ay may utos na,  “go forth into the world and multiply”…yon lang. Hindi nila inuunawa ang kabuuhan ng utos. Maraming ganyan ngayon na nagmamarunong nang makahawak ng Bibliya, kaya akala nila sa sarili ay pantas na pagdating sa mga nilalaman nito. Ang pagiging maka-Diyos ay pinapakita sa gawa, hindi pinagyayabang sa pamamagitan ng pagsasalita!

Discussion

Leave a response