0

Magagalang ang mga Motorista sa Imus City...may halaga ang "Yield" sa kanila

Posted on Sunday, 14 February 2016

Magagalang ang mga Motorista sa Imus City
…may halaga ang “Yield” sa kanila
Ni Apolinario Villalobos

Kalimitan, sa bukana ng palengke ay halos nagrarambol ang mga sasakyan, nag-uunahan, lalo na mga traysikel. Iba naman ang nangyayari sa bukana ng palengke ng Imus City, sa kanto ng Nueno Avenue. Walang umo-overtake na mga traysikel drayber, ganoon din ang mga kotse o malalaking sasakyan. Lahat ay nagbibigayan, tumitigil, hindi nanggigitgitan, lalo na kung may mga taong tumatawid. Alam ng mga motorista na dapat bigyan ng priority ang mga taong tumatawid, kaya ang nakatalagang traffic enforcer sa intersection na ito ay walang problema.

Minsan ay may nakita akong matandang inaalalayan ng batang kasama, na makatawid sa intersection na binanggit ko. Hindi pa man tumatawid ang mag-lola ay nakita kong tumigil na ang mga kotse ilang metro ang layo mula sa bahagi ng kalsadang  tatawiran nila, hindi sila tumutok o tumigil nang sobrang lapit. Sa kabilang panig naman ng kalsada ay tumigil din ang mga traysikel ng ilang metro mula sa bahaging tatawiran ng mag-lola, wala ring tumutok o tumigil nang sobrang lapit. Hinintay ng mga sasakyan sa magkabilang kalsada na ligtas na makatawid ang mag-lola bago nila pinagpatuloy ang pagmaneho subalit mabagal pa rin.

Minsan pa rin ay may nakita akong traysikel drayber na tumigil at tumulong sa isang patawid na babae subalit nakabitaw sa dalawang eco-bag na umaapaw sa pinamalengke kaya kumalat ang mga ito. May isa pa ring traysikel drayber na tumigil upang alalayan ang babae na makatawid dahil halatang halos hindi makakilos sa sobrang nerbiyos. Hindi nito iniwan ang babae hanggang hindi naihatid ng naunang nabanggit na traysikel drayber sa kinaroroonan nila ang dalawang eco-bag na pareho palang naputulan ng hawakan dahil sa sobrang bigat ng laman.

Naisip ko na maganda ang dulot ng mga nakikitang mabuting ginagawa ng iba, dahil hindi sinasadyang ang mga ito ay nagagaya ng mga nakakakita. Ganyan siguro ang nangyayari sa Imus City, kung saan ang mga motorista ay magagalang dahil nakikita nila ang ugaling ito sa isa’t isa….nagkakahawaan tuloy sila ng magandang asal! Kaya, ang “Yield” o “Magbigayan” na kasama sa mga dapat ipatupad na batas-trapiko ay hindi na kailangan pang ipilit sa kanila, dahil nasa puso at diwa na nila.





Discussion

Leave a response