Marerespeto Lamang ang Isang Bagay Kung Lubos ang Pagka-unawa Dito...ganyan ang dapat gawin sa Bibliya
Posted on Wednesday, 17 February 2016
Marerespeto
Lamang ang Isang Bagay
Kung
Lubos ang Pagka-unawa Dito
…ganyan
ang dapat gawin sa Bibliya
Ni Apolinario Villalobos
Matalino talaga ang Diyos. Habang maaga ay
naipakita niya na hindi pala malawak ang pang-unawa ni Manny Pacquiao dahil ang
isip niya ay naka-kahon lamang o limitado sa mga nakapaloob sa Bibliya na
halatang hindi naman niya inunawa na mabuti. Ang Old Testament kung nasaan ang
Leviticus ay patungkol sa mga Israelista
noong unang panahon. Ang mga nakapaloob na mga utos ay para sa kanila at angkop
sa kapanahunan nila…ngunit may iilan naman na ang “substance” o “essence” ay
maaaring gamitin sa makabagong panahon…kaya hindi dapat “literal” ang
interpretasyon. Marami ang nasiraan ng isip dahil sa pagkapanatiko sa literal
na pagpaniwala sa mga kautusang ito sa Old Testament. Maraming nasirang pamilya
sa makabagong panahon dahil ipinagpalit ng isang ama ng tahanan ang kanyang
pamilya sa isang kopya ng Bibliya kaya lumayas at “nag-pastor” sa iba’t ibang
lugar. Maraming nag-resign sa trabaho at nag-astang “Moses” at
nagpastor-pastoran, sumasampa sa mga jeep at bus upang mag-share kuno.
Nakakabahala ang ginagawa ni Pacquiao na
pagsangkalan sa Bibliya sa pangangampanya upang ipakita sa taong bayan na mabuti
siyang tao. Ano ngayon kung naniniwala siya sa Bibliya niya?...ang dami diyang
inaalmusal, tinatanghalian, at hinahapunan ang pagsambit sa pangalan ng Diyos, at
tuwing araw ng pagsimba ay nasa simbahan din sila, pero magnanakaw naman pala
ng pera ng taong bayan! Paano
na lang kung manalo siya bilang senador? Gusto ba niyang ipilit sa mga hindi
“Born Again Christians” ang nabasa niya sa kanyang Bibliya?
Ang isa sa mga totoo na sinasabi sa Bibliya
ay darating ang panahon na maglalabasan ang mga hangal na taong nagkukunwaring
mga “sugo” ng Diyos at pag-usbungan ng iba’t ibang grupo na nagbabalatkayong
“maka-Diyos”…dahil nangyayari na…at may naghuspa pa na ang ibang tao ay masahol
pa sa hayop dahil nagkakagusto sila sa isa’t isa!
Ang Bibliya ay isang sagradong bagay, ano
mang uri ito na ginagamit ng iba’t ibang relihiyon. Ang mga hindi naniniwala ay
dapat magpakita man lang dito ng respeto. Ang pag-abuso dito ay isang uri ng
pambabastos sa Diyos.
May kasabihan sa Ingles na “respect begets
respect” at sa Pilipino ay, “ang respeto ay nasusuklian ng respeto”. Dahil
diyan, marerespeto pa kaya si Pacquiao dahil mismong Bibliya ay hindi niya
nirespeto sa pagbigay ng ibang kahulugan sa mga nilalaman nito?
ASAHAN ANG HINDI
PAG-RESPETO SA KANYA NG MGA TAONG NADISMAYA SA KANYA SA ARAW NG KANYANG LABAN.
KUNG MAY MAG-BOO SA KANYA AY OKEY LANG…HUWAG LANG SIYANG BATUHIN NG KAMATIS
HABANG NASA IBABAW NG RING! BILIB SANA AKO SA KANYA…NGAYON AY HINDI NA!
Discussion