0

Barkada?...o Pamilya!

Posted on Sunday, 21 February 2016

Barkada?...o Pamilya!
Ni Apolinario Villalobos

Palaging napapag-alamang ang mga kabataang naliligaw ng landas ay inaakay pala ng mga barkada. Ito ang mga kabataang tin-edyer na mas nagtitiwala sa mga kabarkada kaysa mga magulang nila. Bibihirang mga kabataan ang may tiwala sa kanilang mga magulang na sana ay nakakaalam ng kanilang mga problema. Ang mga kabataang ito ay nasa yugto ng kanilang buhay kung saan ay nalilito sila dahil sa alanganin nilang kalagayan – HINDI NA sila bata na nakukuha sa pag-aalo, paglalambing, o pang-uuto ng mga magulang o nakakatandang kapatid, subalit  WALA PA RIN SILA sa tamang gulang upang magpasya para sa kanilang sarili. Kaya ang ginagawa na lang nila ay tumakbo sa kanilang mga kabarkada na kasing-gulang nila upang magkaroon ng “kakampi”.

Subalit iba ang kuwento kapag ang isang tao ay nasa wastong gulang na pero mas matimbang pa sa kanya ang kanyang barkada kaysa magulang at mga kapatid. Hindi maiiwasang magkaroon ng problema sa loob ng pamamahay sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya na normal namang nangyayari. Pero kapag labis na ang nakikitang problema sa mga magulang halimbawa, dahil sa hindi nila magandang ugali o di kaya ay masamang bisyo, hindi mapipigilan ng isang anak na maghimutok at maghanap ng mapagpahingahan niya ng sama ng loob, na makikita niya sa katauhan ng isang barkada.

Ang isang halimbawa ng sitwasyong nabanggit ay tungkol sa isang taong nag-aabrod ng mahigit isang taon at umuuwi lamang upang magbakasyon ng dalawa o tatlong buwan. Tuwing uuwi ay hindi siya nakikitaan ng excitement dahill makakapiling uli niya ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Nakilala ko siya dahil barkada siya ng isa kong pamangkin. Ayon sa taong ito, mula at sapol nang siya ay magtrabaho sa ibang bansa, wala nang alam na ipaabot sa kanya ang kanyang mga magulang at mga kapatid kundi huwag kalimutan ang kanilang pasalubong. Ni minsan ay hindi man lang daw niya naringgan ang mga ito ng mga salitang, “…mag-ingat ka sa biyahe mo pauwi”.

Kapag sumalubong daw sila sa airport ay pinipilit pa siyang mamili muna sa Tourist Duty Free Shop kahit pa sabihin niyang mag-SM na lang para makatipid. Hindi pa sila diretsong uuwi dahil kahit dis-oras na ng gabi ay maghahanap pa sila ng makakainang mahal na restaurant. Ang inaasahan niyang hindi nangyayari ay uuwi sana agad sila upang makapagpahinga siya at kakain ng paborito niyang pagkain na dapat sana ay iniluto ng kanyang nanay. At ang nangyayari pa, tuwing uuwi siya, sa loob ng dalawang araw ay halos pamimili daw ang ginagawa nila.

May kuwento pa ang kaibigan ng pamangkin ko na pinilit daw siya ng kanyang nanay na bumili ng isang condo…investment daw. Yon pala ay humabol lang ang nanay niya sa komisyon na makukuha dahil ang ahente ay kumare niya! Ang nakatira sa condo pagkatapos mabayaran ay mag-asawang kaibigan ng kanyang nanay na taga-Germany…libre, dahil sila naman daw ang tinitirhan ng nanay niya kapag bumisita siya sa Germany. Madalas ding patirhan ng nanay niya ang condo sa mga kamag-anak na balikbayan ng kanyang mga amiga. Ang pinakamasakit, nang pilitin niyang kunin ang papeles ng condo, ayaw ibigay ng nanay niya…yon pala, nakapangalan ito sa kanila ng tatay niya, at hindi sa kanya!

Nang tinanong ko ang kaibigan ng pamangkin ko kung may naipon siya sa bangko, ang sabi ay meron naman daw….Php80,000.00! Anim na taon na siyang nagtatrabaho sa Saudi…

Nitong huling pag-uwi ng taong tinutukoy ko, pinagpilitan niyang “magbakasyon” sa bahay ng barkada niya – sa pamangkin ko,  “for a change” daw. Dahil sa desisyon niya, sa airport pa lang ay nagtalo na sila ng nanay niya subalit wala itong magawa, kaya pagkatapos maibigay ang mga pasalubong na nakahiwalay ng lagayan ay sumakay na siya ng taxi papunta sa bahay ng kanyang barkada.





Discussion

Leave a response