Ang Panukala tungkol sa mga Kabataan...kinopyang ideya, kaya sobrang palpak!
Posted on Thursday, 11 June 2015
Ang Panukala tungkol
sa mga Kabataan
…kinopyang ideya,
kaya sobrang palpak!
Ni Apolinario Villalobos
Sa kakokopya ng mga mambabatas ng mga batas na umiiral sa
Amerika, lalo na ang mga tungkol sa kabataan, nakalimutan nilang iba ang
kultura ng Pilipino sa Amerikano.
Sa kultura ng Amerikano, kapantay, kung ituring ng mga kabataan
ang matatanda kahit pa ang mga ito ay magulang nila. Mayroon pang tumatawag sa magulang ng first
name nito. Ang ugaling ito ay lalo pang pinalala ng mga batas nila na may
kinalaman sa pagdisiplina ng kabataan, kaya kung sawayin ang mga kabataan nila,
kahit ang mga walang muwang ay dapat sa salita lang. Hindi sila pwedeng saktan
kahit bahagya, dahil sa kulungan ang bagsak ng nanakit na magulang. Nagagawa tuloy ng mga kabataan doon na
sumagot ng pabalang-balang sa kanilang mga magulang at may pananakot pang
magsusumbong sila sa pamahalaan o tatawag sa 911 kung sila ay sasaktan, kahit
malinaw namang may kasalanan sila.
Sa Pilipinas, maganda na sana ang paraan sa pagdisiplina ng
mga kabataan dahil kung lumabis naman sa pananakit ang magulang ay maaari
silang isumbong ng kapitbahay o maski sino, sa Barangay, at pwedeng ideretso din
sa pulisya dahil may naka-assign namang desk upang mag-asikaso sa ganitong
problem na itinuturing na hindi pangkaraniwan. Mula’t sapul, ang ganitong
paraan ay katanggap-tanggap na, subalit may gustong magpa-istaring na
mambatatas, kaya naisipan niyang gumawa ng panukala, kinopya naman…hindi
original.
Sa pagdisiplina, hindi maiwasang saktan ng magulang ang anak
lalo na ang mga paslit na hindi pa alam kung ano ang tama at mali. Hindi rin
nila masyadong nauunawaan ang mga paliwanag kung sabihin sa kanila, kaya ang
paraan lamang upang ipaalam sa kanila na mali ang kanilang ginagawa ay saktan
ng bahagya.
Mahalagang matanim sa isip ng mga paslit o madanasan nila
ang “katumbas” ng bawa’t maling gagawin nila. Halimbawa, malalaman lamang ng
isang paslit na nakakapaso ang apoy sa sandaling hahawakan niya – isang
karanasan na hindi na niya uulitin. Kailangan ding saktan ng bahagya ng magulang
ang pasaway na paslit sa pamamagitan ng palo sa puwit upang ipabatid,
halimbawa, na mali ang ang pagdumi kung saan-saan lang sa loob ng bahay, na susundan
pa minsan ng pagsubo nito ng kanyang dumi.
Hindi maganda ang magiging resulta ng bagong batas dahil
lalo lamang nitong palalalain ang nasisira nang disiplina ng mga kabataang
Pilipino na nalulublob na sa masamang impluwensiya ng makabagong teknolohiya,
mga bisyo tulad ng droga, sigarilyo, alak, at barkada.
Kahit kaylan, walang mabuting nagawa ang ibang mga
mambabatas. Hindi nila pinag-iisipan ang mga
ginagawang panukala, masabi lang na may nagawa sila – pantakip sa
kanilang korapsyon!
Discussion