Felizardo Lazado: katangi-tanging kaibigan...at nakakabilib na Notre Damian
Posted on Sunday, 28 June 2015
Isa itong tulaysay,
sarili kong style sa pagsulat na pantanggal ng umay….hybrid ito ng tula at
salaysay, kaya tinawag kong “tulaysay”…
Felizardo Lazado: katangi-tanging kaibigan
…at nakakabilib na Notre
Damian
Ni Apolinario Villalobos
Ang una kong napansin sa kanya
Noong una ko siyang makita
Ay ang kanyang pagkamaka-totoo
Palatawa siya, at napaka-maginoo.
Isa si Felizardo sa mga student leaders ng Notre Dame of
Tacurong, high school student pa lamang siya. Hindi nawawala sa Dean’s List ang
pangalan niya bilang isa sa mga topnotcher. Dahil mahina ang katawan at
payatin, hindi nabigyan ng pagkakataon ni G. Ric Jamorabon (istriktong
in-charge sa PMT at ROTC), na maging Corp Commandeer ng PMT, kaya ang gamit sa
drills ay kahoy na riple, sa halip na tansong sable. Magaling siyang debater at
orator, kaya maraming bilib sa kanya, campus personality, wika nga, subali’t
among the boys lang dahil nasa kabilang bakod ang mga babaeng Notre Damians at
nasa istriktang pagsubaybay ng mga Dominican (O.P.) sisters. Ang amin naman -
Boys’ Department ay mga Oblates of Mary Immaculate (OMI) namang mga pari ang
nagsusubaybay.
Ding, ang palayaw niya…matunog
At mataginting din kung bibigkasin
Tunog ay kinalembang na batingaw
Na abot sa malayo ang alingawngaw.
Katunog ng pangalan niyang mataginting kung bigkasin ay ang
alingawngaw ng batingaw, lalo na ang kanyang halakhak na bigay-todo para hindi
mapahiya ang nagkukuwento ng nakakatawa, kahit may pagka-corny ang dating.
Simple lang siya kung magsingit ng jokes subali’t may dating dahil mapapa-ihi
ka sa pantalon kung mahina ang kontrol mo sa iyong pantog. Malayo ang inaabot
ng kanyang halakhak na wari ba ay nagpapahiwatig na nais niyang makapagpasaya
ng kapwa, kahit sa pamamagitan man lamang ng kanyang halakhak na hinugot niya ng
buong tiyaga mula sa kaibuturan ng kanyang puso – at para ring batingaw na
umaalingawngaw.
Malikhain si Ding, magaling sumulat
Kung siya’y nasa mood, tatahimik bigla
At parang nawawala sa sariling nakayuko -
Sandali lang, may naisulat na sa kwaderno!
Normal siyang tao dahil may mga mood tulad ng iba. Sa mga
pagkakataong masaya siya, no holds barred kung magbiro siya. Kung bigla namang
may maisip na isulat, tatabi na lamang at maglalabas ng notebook at ballpen,
sabay sulat, animo ay sinaniban ng ispiritu ng isang namayapang manunulat, kaya
hinahayaan na lamang siya ng mga nakakaunawa sa kanya. Nangyari ito nang kami
noon ay nasiraan ng sasakyan, galing sa ekskursiyon at pauwi na. Bigla siyang
humiwalay at nawala…akala namin ay sumagot siya sa tawag ng kalikasan, pero
sabi ng iba, wala naman daw dalang toilet paper. Yon pala, nasa isang sulok ng
highway, natatabingan ng mga talahib mula sa init ng papalubog na araw, at
nagsusulat.
Hindi niya alam ang salitang maramot
Dahil kapos man ang pamilya nila noon
Itinanim sa isip nila ang salitang “tulong”-
Kailangang ibahagi, ano mang pagkakataon.
Hindi ikinahihiya ni Ding ang kakapusan nila noong bata pa
siya, kaya natuto silang magkapatid na magsumikap upang makatapos ng pag-aaral.
Naging student assistant siya sa Notre Dame of Tacurong hanggang makatapos siya
ng kursong Bachelor of Arts (English/History). Sa kabila ng kakapusan,
matulungin si Ding sa abot ng kanyang makakaya. Hindi lang sa pamamagitan ng
pera ang ginawa niyang pagtulong sa iba. Marami rin siyang nabigyan ng payo –
mga estudyante na hirap din sa buhay, lalo na noong siya ay nagturo na rin, sa
Notre Dame din mismo kung saan siya nagtapos. Malaking bagay ang ginawa niyang
paggabay, na maliban sa payo ay ang pagpakita ng sarili niya mismo bilang isang
halimbawa ng pagsisikap.
Mga salitang umaalagwa sa kanyang utak
Ang nababalangkas ay mga kuwento at tula
Adhikaing hindi titigilan ano mang mangyari
Dahil bigay ng Diyos at kailangang ipamahagi!
Alam ni Ding na ang kakayahan niya sa pagsulat ay galing sa
Diyos at siya ay may pakay sa mundo. Hindi niya kailangang pumunta sa Africa
upang tumulong sa mga biktima ng ebola virus, lalo pa at sakitin siya, kaya
baka siya pa ang i-stretcher bigla at isakay sa ambulansiya, o di kaya ay
makipagbakbakan sa mga hinayupak na miyembro ng ISIS sa Syria, o di kaya ay
makipagbrilan sa mga buragwit na miyembro ng Abu Sayyaf sa Basilan at Jolo.
Alam niyang ang mga linyang kinapapalooban ng mga salitang lumalabas sa kanyang
utak ay may ibig sabihin. Kaya saan man siyang dako ng mundo…pinipilit niyang
gawin ang sa kanya ay nai-atang noon pa man…kapalarang nakaguhit sa kanyang mga
palad. At yan ay hindi mahirap unawain…ang magpakalat ng mga mensahe tungkol sa
pagkakaisa at pagmamahalan gamit ang power of the pen.
Discussion