Ang Mga Brodkaster sa Radyo
Posted on Saturday, 6 June 2015
Ang mga Brodkaster sa
Radyo
Ni Apolinario Villalobos
Kung minsan, hindi malaman kung seryoso ang ilang brodkaster
sa radyo kapag tumalakay sila ng mga maseselang usapin. Kung hindi kasi nasusundan
ng halakhak ay hagikhik ang kabuntot ng kanilang mga sinasabi. Hindi ko lang
alam kung live ang mga hagikhik at mga halakhakan. Nakakadismaya ang ginagawa
nilang ito dahil iisipin ng mga nakikinig na walang katotohanan ang kanilang
sinasabi o biro lang. Kung broadcasting style man nila ang mga iyon… hindi
maganda ang dating sa mga nakikinig.
Yong isang narinig ko, sa simula ng talakayan, akala ko ay
ramdam na ramdam niya ang mga sinasabi laban sa mga Binay, subalit biglang
narinig ang hagikhik pagkatapos niyang magsalita. Yong isa naman, akala mo ay
pastor sa pagdiin ng mga sinasabi, subalit biglang may maririnig na halakhakan pagkatapos,
ganoong ang pinag-uusapan ay tungkol naman sa isyu ng West Philippine Sea. Kung
recording man ang hagikhik at halakhakan na pang-background lang, hindi maganda
ang epekto. Mas maganda nga sana kung wala nang background kung nag-eeditorialize
na sila para maliwanag na maunawaan ang kanilang mga sinasabi. Ang habol kasi
ng mga nakikinig ay ang laman ng kanilang mga tinatalakay, hindi ang music o
kung anumang background.
Sa mga programa namang may pagka-public service, kung
magsalita na ang humihingi ng tulong lalo na sa paghanap ng mga nawawalang
mahal sa buhay, nagpapa-background pa ng music na malungkot. Gusto yata ng
anchor ng programa na umiyak ang mga nakikinig! Bakit kailangan pang may umiyak
kung tutulong lang din naman sila? Para bang kung walang iyakan ay walang epek
ang programa nila. Napaka-cheap na style!
Yong isang brodkaster pang isa, napakatapang sa pag-atake sa
isang dating mayor na iniimbistigahan, subalit nang makausap na nito “on air”
ang abogado ng nasabing mayor, biglang natamimi! May mga magkatandem pa na
hindi nahihiyang magparinig sa mga binabanggit nilang mga tao at food
establishments na hindi daw nila tatanggihan kung ano mang meryenda ang
ipapadala. May mga humihingi pa ng pasalubong sa mga binabanggit pa rin nilang
tutungo sa ibang bansa. Ang iba pang hinihingi “on air” ay mga libreng tiket sa
concert, lalo na noong may mga laban si Pacquiao. Nawalan tuloy ng
“sophistication” ang trabaho ng brodkaster dahil sa ginagawa nila.
Ang mas lalong nakakahiya ay ang naririnig “on air” na side
comments nilang maaanghang tungkol sa mga mismong kasama nila. Sa ginagawa
nilang ito, para bang ginagamit nilang panakot ang pagsasalita nila sa radyo
dahil naririnig sila sa buong bansa o mundo, kaya hindi sila pwedeng salingin
ninuman.
Ang pagiging brodkaster ay isang biyaya, dahil dekada kung
minsan ang binubuno upang makapagsalita lang sa mikropono o maghatid ng balita
mula sa kung saang lupalop. Dapat itong gamitin upang makatulong, hindi upang
makapang-abuso ng kapwa. At dahil itinuturing silang instrumento sa
pagpapalaganap ng mga impormasyon, dapat hindi nila pinaglalaruan ang mga
tagapakinig, na ibig sabihin, kung seryoso ang tinatalakay, dapat seryoso rin
ang kanilang paraan sa pagpapaabot ng mensahe, walang halong halakhak o biro.
Discussion