0

Ang Mga Maling Akala ni Binay

Posted on Sunday, 14 June 2015



Ang Mga Maling Akala ni Binay
Ni Apolinario Villalobos

Ang akala ni Binay, dahil sa pinipilit niyang imahe na siya ay mahirap at maka-mahirap, patok na siya sa taong bayan. Nagbandera pa ng mga retrato sa mga pahayagan – puro front page, kaya may nakahalata na parang paid advertisement. Maka-tribu din daw siya kaya todo costume din at nagpakodak kasama ang mga miyembro ng isang tribu sa Mindanao. Paanong hindi siya asikasuhin ng mga taong nilapitan niya, eh namigay daw ng mga dokumento tungkol sa mga kaek-ekang “pabahay”, na dapat lang naman niyang gawin dahil trabaho niya. Ginamit pa ang puwesto niya at pera ng bayan, na hindi naman nakatulong sa pagkubli ng tunay iyang layunin na pangangampanya lang pala! Sana mag-resign na lang siya bilang Bise-Presidente at cabinet secretary, upang makapag-concentrate sa kanyang kampanya, at nang lahat ng isla ng Pilipinas ay masuyod niya.

Nagpakodak pa kasama ang mga bata na nagbo-boodle fight- kainang nakakamay sa dahon ng saging. Pati mga bata ay sinangkalan pa sa kanyang maitim na hangarin! Sana sinamahan niya ng cake ang mga nakalatag na pagkain, upang lalong mabuo ang kanyang drama. Naglagay din sana siya ng flower arrangement sa gitna ng hapag kainan, gamit ang mga rare orchids ng kanyang asawa na inaalagaan sa asyenda nila sa Rosario, Batangas. At upang lalong masaya, hiniram sana niya ang mga mamahaling ibong alaga ng anak niyang si Abigail upang magamit na palamuti sa paligid ng kainan.

Ang isang wild suggestion ay bumalik siya sa Mindanao,  at pasyalan si mayor Rod Duterte, makipagkamay dito tulad ng ginawa ng isang dating presidente na pilit na nagmamalinis, at habang nandoon siya, dumaan na rin siya kay Quiboloy tulad ng ginawa noon ni Gloria Arroyo. Pwede rin siyang dumiretso sa Makilala, na hindi kalayuan at tahakin ang isang landas patungo sa New Israel, sa paanan ng Mt. Apo – doon maraming unggoy…at, siyempre, mga miyembro ng isang nakakabilib na sekta,  lahat din lang ng paraan ay ginagawa niya upang magkaroon ng media mileage. At mula sa Makilala, ay mag-side trip siya sa kampo ng MILF.

Magdala siya ng sangkaterbang tagakodak niya at umupa ng eroplano ng PAL o Cebu Pacific…gumastos din lang siya ng pera ng bayan, lubus-lubusin na niya. Pero sa isang banda, kaya ng sarili niyang yaman ang mga gastusin, dahil nakaya nga niyang ibili ng bahay na may elevator ang kanyang anak na kapangalan niya, kaya may adhikain ding kapareho niya. Kapag ginawa niya ang mga suggestion, papatok siya sa mga diyaryo, TV, at radyo...bilang isang trying hard na trapo na pang-Guinnes Book of World Records ang effort!

Maglaan din siya ng isang magdamag na ititiyempo sa prayer rally ng El Shaddai sa Paraaque, sabayan niya sa pagkanta si Velarde sa stage. Maghanda siya ng payong na ititihaya upang makasalo ng grasyang awa na hihikayatin niyang bumagsak sa pamamagitan ng pagwagayway ng puting panyo – tumingala siya. Huwag niyang kalimutan ang Iglesia ni Kristo at ang bagong Obispo ng Maynila, upang hindi sila magtampo sa kanya.

Dapat ang isuot niya sa mga lakad na nabanggit ay damit na galing sa ukay-ukay, dahil ang palagi naman niyang sinasabi ay mahirap siya, kaya siya maka-mahirap…at ang mga kalaban niya ay mga mayayaman. Dapat isama niya sa kanyang mga talumpating gasgas,  na dahil sa kahirapan ay nabanat siya sa trabaho at kumapal ang kanyang mga palad kaya nagkaroon siya ng kakayahang humawak ng limpak- limpak na salapi, at ang mukha naman niya ay kumapal sa sobrang pagkabilad sa init ng araw dahil sa kaiikot niya sa ekta-ektaryang lupaing hindi naman kanya, kaya lalo siyang umitim. At huwag sana niyang kalimutan ang mga Mangyan sa Mindoro at mga tribu sa norte kung saan ay makakatipid siya ng malaki dahil ang isusuot niya kung magpapakodak ay bahag lang!

Sa mga lakad niyang yon, sana hindi umulan…para walang kidlat na magngangalit at maghahanap ng tutusuking sinungaling na taga-lupa!

Dapat isipin ni Binay na matatalino na ang mga botante ngayon. Pati ang ilang pari ay nagpapayo na tanggapin ang mga perang suhol ng mga garapal na mga kandidato pagdating ng kampanyahan subali’t bumoto nang naaayon sa kanilang konsiyensiya, dahil talagang hindi mapigilan ang bilihan ng boto…at ang perang binibigay sa kanila ay pera din naman ng bayan, kaya bawi-bawi lang.

Discussion

Leave a response