0

Ang Hindi Pagpatawag ng National Security Council Meeting at iba pang Kapintasan ni Pnoy

Posted on Friday, 26 June 2015



Ang Hindi Pagpatawag ng National Security Council Meeting
at iba pang Kapintasan ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Isa sa mga dapat ipaliwanag ni Pnoy ay ang hindi nito pagpatawag ng National Security Council Meeting sa kabila ng banta ng mga ginagawa ng Tsina sa West Philippine Sea na sumaklaw na sa teritoryo ng Pilipinas. At, hindi lang pagsaklaw ang ginawa ng mga Tsino, kundi ang pagtaboy pa sa mga Pilipinong mangingisda mula sa dati na nilang pinangingisdaan na saklaw naman ng teritoryo ng Pilipinas. Ang ginawa na lang mga apektadong mga mangingisda ay dumiretso sa United Nations upang magsampa ng reklamo, na dapat ay sampal kay Pnoy. Subalit ang aksiyon nila ay wala pa ring epekto sa kanya, kaya lumalabas na talagang wala itong pakialam sa kapakanan ng mga Pilipino at buong bansa. Ang tanong: ano ang problema niya?

Hindi lang iisang tao ang nag-udyok sa kanya upang magpatawag ng miting ng National Security Council…marami, at kasama na diyan ang dating presidente, Fidel Ramos. Subalit wala siyang pakialam sa mga panawagan, at ni walang paliwanag man lang kung bakit ayaw niya. Dahil ba natatakot siya na ang ano mang “payo” ay lalabas na “utos” ng mga miyembro ng konseho…bagay na ayaw niyang mangyari dahil ayaw niyang “mautusan”??? Subali’t ngayong pati ibang bansa na ang pumupuna sa ginagawa ng Tsina, nagpapa-istaring na siya sa pagsalita at kinumpara pa ang Tsina sa East Germany noong panahon ni Hitler, na napakalayong paghahambing kaya pinagtawanan siya ng mga ito! Sa kata-try hard niya na magtunog man lang na “matapang”….pumalpak na, napahiya pa siya!

Inatake ng MNLF ang Zamboanga, pero manhid pa rin siya. Hindi pa rin pinulong ang National Security Council ganoong may banta na sa seguridad na pangloob ng bansa dahil gusto ng MNLF na itiwalag ang Mindanao sa Pilipinas, na umabot pa sa tangkang pagwagayway ng kanilang bandila. Ni hindi man lang niya hiningan ng payo ang nasabing konseho nang gawin ang ikalawang draft ng BBL, dahil ang una ay ni-reject ng Supreme Court. Ilang kalamidad na ang inabot ng Pilipinas – bagyo, baha, lindol, pero ganoon pa rin ang asta niya na animo ay normal lang ang mga nangyari…hindi pa rin binigyang halaga ang konseho na sana ay kaagapay ng National Disaster Coordinating Council.

Nakitaan na ng tunay na kulay at pagkatao si Pinoy mula pa noong mga unang araw ng kanyang panunungkulan subalit pinagbigyan siya dahil anak siya nina Cory at Noynoy. Napuna ang hindi niya pagiging bukas sa mga saloobin ng ibang tao…hindi siya nakikinig. Napuna din ang kawalan niya ng damdaming makatao, nang hindi niya sinilip mang lang ang mga bangkay ng SAF 44 nang unang araw na dumating ang mga ito mula sa Mamasapano, Maguindanao, na dapat ay SOP sa kanya bilang pinuno ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at Presidente. Ipinagpalit niya ang mahalagang pagkakataon sa isang simpleng inagurasyon ng pagawaan ng sasakyan sa Laguna na pwede namang daluhan ng uutusan niyang kinatawan.

Nang pumaimbulog ang mga presyo ng mga pagkain lalo na bigas na hangga ngayon ay hindi na bumalik sa mga dating presyo, nagkibit-balikat lamang siya, at itinuro ang Department of Agriculture at Department of Trade. Nang nagkasabugan ng problema sa mga international airports ng Manila, pati na sa MRT, hindi siya naringgan man lang ng pag-alala. Nang sumabog ang mga eskandalo ng pork barrel at PDAF, dedma pa rin siya. Nang pumagitna na naman sa kontrobersiya ang National Bilibid Prison at Bureau of Customs, pikit-mata pa rin siya. Nang nagbatuhan ng sisi dahil sa hanggang ngayon ay masikip na pier dahil sa nakatambak na mga container kaya naapektuhan ang pag-release ng mga kargamento, ganoon pa rin ang pinakita niya – walang pakialam…walang imik.

Dahil sa mga nabanggit, marami tuloy ang nagtatanong kung may presidente ba ang Pilipinas!

Pero may kagalingan din si Pnoy…ang magbato ng sisi sa iba upang mapagtakpan ang mga sarili niyang  kapalpakan. Kaya kawawa ang isang maliit na ay lalo pang pumayat na babaeng dating presidente na hindi na nga makalingon at makalunok ng pagkain ay maya’t maya pang sinisisi sa lahat ng kabantutang naamoy ngayon sa administrasyon. Magaling din siyang manumbat, tulad ng ginawa niya nitong nagdaang araw nang magresayn si Binay. Sa ginawa niyang panunumbat kay Binay, naging bulag siya sa mga ginawa rin niyang pagkakamali…dahil ang gusto yata niyang mangyari ay lumabas na hindi siya nagkakamali maski kapiraso, na masigabo namang pinalakpakan ng  mga nasa Malakanyang, lalo na ng “maamong” si Roxas!

Sa pagbaba niya sa puwesto, bitbit ni Pnoy ang mga tatak na: “presidenteng masyadong bilib sa sarili“ at “ang taong hindi tumitingin sa salamin”. Sikat siya dahil maitatala din ito sa kasaysayan ng Pilipinas, kaya mababasa ng mga kaapu-apu-apohan ng mga Pilipino ngayon. At, kung direktor lang ako ng pelikula, gagawin ko ang siguradong award- winning na: “Pilipinas: Anim na Taong Walang Presidente”…siyempre, ang idol kong si Nora Aunor ang babaeng maliit na inaapi! …at ang istaring naman, maraming makukuha diyang pakalat-kalat lang sa paligid…

Discussion

Leave a response