Ang Tungkulin at Responsibilidad
Posted on Monday, 1 June 2015
Ang
Tungkulin at Responsibilidad
Ni Apolinario Villalobos
Ang tungkulin ay hindi na dapat inuutos pa at ang responsibilidad ay may kaakibat na pananagutan sa lahat ng ginagawa ng isang tao. Bilang isang matalinong nilalang, alam ng bawa’t tao na kasama ang dalawa sa anumang pinasukan at inako niya.
Sa isang trabahong pinasukan halimbawa,
alam ng isang tao kung ano ang mga dapat asahan sa kanya kaya may tungkulin
siyang tuparin ang mga ito. Nakapatong sa kanyang balikat ang pagpapatupad ng
mga ito sa abot ng kanyang makakaya, subalit kung siya ay mabigo, dapat siyang
managot – yan ang responsibilidad.
Sa ibang bansang Asyano tulad ng Korea at
Japan, ang dalawang nabanggit ay itinuturing na mitsa ng buhay at ang katumbas
ay kahihiyan. Kapag nabigo sa mga ito ang mga tao doon, itinutulak sila ng
kahihiyan upang wakasan na ang kanilang buhay. Para sa kanila, ang kabiguan sa
mga ganoong bagay ay duming didikit sa kanilang pagkatao habang buhay at ang
makakapaghugas lamang ay kamatayan.
Sa Pilipinas, iba ang kalakaran at
nangyayari, lalo na sa gobyerno. Kung may mga palpak na pangyayari, lahat ng
sangkot ay nagtuturuan. Mayroon pang mga walang takot sa pagbanggit sa Diyos na
saksi daw nila sa pagsabi nilang wala silang kasalanan. Pati ang kalikasan ay
binabanggit, kaya tamaan man daw sila ng kidlat, talagang wala silang bahid ng
kasalanan. Mabuti na lang at wala sa mga “matatalinong” ito ang nagdidiin ng
kanilang sinabi ng, “peks man”!
Ang mga halimbawa ng mga problema na
idinaan sa turuan ay ang Mamasapano Massacre, usad-pagong na pag-rehabilitate
ng mga biktima ng typhoon Yolanda, nakawan sa kaban ng bayan, ang
pinagkakaguluhang West Philippine Sea, ang nawawalang pondo ng Malampaya, ang
mga problema sa LRT at MRT, at mga sunog na ang pinakahuli ay nangyari sa
Valenzuela (Bulacan), sa Gentex na pagawaan ng tsinelas. Lahat ng mga sangkot
na tao at ahensiya ay ayaw umamin ng kasalanan. Matindi talaga ang sakit ng
Pilipino na “feeling linis syndrome” o FLD!
Sa mga pangyayaring nabanggit, malinaw na
walang maayos na koordinasyon na pinapatupad. Ang mga ahensiya at mga tao sa
likod nila ay nagkukumahog upang makakuha ng credit kung sakaling tagumpay ang
mga ginagawa nila, subalit, mabilis ding mambato ng sisi sa iba kung sila ay
nabigo.
Sa isang banda naman, ang presidente ng
Pilipinas ngayon ay walang humpay ang pagbato ng sisi sa nakaraang
administrasyon dahil sa mga kapalpakang dinadanas ng kanyang pamumuno, ganoong
ang problema niya ay ang mga taong itinalaga niya sa puwesto, na ang iba ay
matagal nang dapat niyang tinanggal subalit hindi niya ginawa.
Sa panahon ngayon, maraming mga magulang
ang hindi nakakatupad ng kanilang mga tungkulin sa kanilang mga anak na
lumalaking suwail. Ang sinisisi nila ay ang mga makabagong teknolohiya kaya
nagkaroon ng internet, at mga barkada ng kanilang mga anak. Yong ibang magulang
naman, taon-taon ay naglilipat ng anak sa iba’t ibang eskwelahan dahil palpak
daw ang mga titser. Kung tumingin lamang sa salamin ang mga magulang, makikita
nila ang kanilang pagkakamali dahil dapat ay sa tahanan nagsisimula ang
paghubog ng kabataan. Ang eskwelahan at mga titser ay tumutulong lamang.
Marami na kasing magulang ngayon na mas
gusto pang makipagsosyalan sa mga kumare o umatend ng ballroom dancing,
makipag-inuman sa mga kabarkada, makipag-shooting, makipag-weekend motoring,
atbp., kaysa makipag-bonding sa mga anak. Ang dinadahilan nila ay ang kapaguran
sa paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba, pagpasok sa trabaho, overtime sa
office, atbp – kaya kailangan nilang magpahinga naman! Kung hindi ba naman sila nuknok ng
ka…ngahan!... papasok-pasok sila sa ganoong sitwasyon, pagkatapos ay sisisihin
ang pagod! Kung honest sila, dapat ay sisihin din nila ang libog ng katawan! Sa
ginagawa nila, mga anak nila ang kawawa!
Dapat isipin ng isang tao kung kaya niya
ang mga tungkulin at responsibilidad sa papasukan niyang sitwasyon. Ang
kailangan niya ay katapatan sa sarili, hindi ang nagpapalakas ng loob na,
“bahala na”.
Discussion