0

Ang Barangay Real Dos...ng Bacoor City, Cavite

Posted on Saturday, 13 June 2015



Ang Barangay Real Dos
…ng Bacoor City, Cavite
Ni Apolinario Villalobos

Hindi madali ang mamuno dahil kailangan ang paninimbang upang walang masaktan o magsabing sila ay pinabayaan. Sa isang barangay, halos lahat ay magkakilala, kaya ang turingan ay magkakapamilya, lalo na sa isang maliit na barangay tulad ng Real Dos ng Bacoor, Cavite City.

Ang Barangay Real Dos, ay pinamumunuan ng pinakabatang Chairman sa buong lunsod, si BJ Aganus, at inaalalayan ng may kabataan ding mga Kagawad. Sa kabila ng maliit nilang pondo mula sa buwis na binabahagi ng pamahalaang lunsod ay nagawa pa rin nilang magpatupad ng mga proyekto. Maganda ang nagkaisa nilang panuntunan na hindi dapat patagalin ang paghawak ng pondo hangga’t maaari dahil maraming dapat paggagastusan na kailangan ng mga ka-barangay nila.

Inumpisahan ng bagong grupo ang kanilang mga proyekto sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa homeowners’ association ng Perpetual Village 5 kung saan matatagpuan ang Barangay Hall, sa paglunsad ng mga proyektong pang-kabataan upang magamit ang  bagong gawang basketball court. Ibinalik din ang regular na schedule sa paghakot ng basura.

Bumili sila ng bankang gawa sa fiberglass upang magamit sa pag-rescue tuwing may baha; dinagdagan ang bilang ng radio units na mag-uugnay sa mga tanod at opisyal ng barangay; pinalitan ang mga ilaw-kalye na ordinaryong bombilya, ng makabagong LED lights, upang makatipid sa konsumo ng kuryente, at inasahan ding tatagal ang mga ito; nagkaroon din ng libreng gamutan.

Ang mga plastik na mesa na pinapahiram sa mga ka-barangay kung may okasyon ay pinalitan ng gawa sa matibay na stainless steel sheets. Kaya, hindi man sinasadyang maulanan, ang mga mesa ay sigurado nang tatagal. Dinagdagan din nila ang mga trapal na ginagamit lalo na kung may pinaglalamayan.

Ang pinakahuli nilang ginawa ay ang pagpabubong ng nakatiwangwang na lote sa magkabilang gilid ng Barangay Hall. Ang nasa kanlurang bahagi ay nagagamit na ngayon kung may pagpupulong kahit na umuulan at tirik ang araw. Ang silangang bahagi naman ay lalagyan ng mga upuan upang may mapagpahingahan ang mga taong pumipila para sa serbisyo ng barangay health center.

Kinakausap din ni Barangay Chairman Aganus ng personal ang mga pasaway sa barangay, lalo pa at ang iba sa kanila ay halos kasinggulang lamang niya…na epektibo naman, dahil na rin sa pakisama. Walang masamang tinapay para sa Barangay Chairman dahil lahat ay gusto niyang bigyan ng pagkakataon upang magbago, magkaroon ng kabuluhan at respeto sa sarili. Hindi man niya sabihin, makikita sa ginagawa niya na mangyayari lamang ang pagkakaroon ng respeto sa sarili ang isang tao, kung siya ay bibigyan ng pagkakataon at halaga.

Nakakatuwa ring malaman na kahit kapos kung ituring ang allowance ng mga Barangay tanod ay hindi sila naaapektuhan nito. Nakikita kasi nila na lahat silang nasa pamamahala ni Chairman Aganus ay parehong nagsasakripisyo, maipatupad lang ang sinumpaan at itinalagang responsibilidad sa kanila.

Ang nakakatawag ng pansin ay ang pinapairal ng grupo ni Chairman Aganus na “bayanihan spirit”. Sa pamamagitan nito, basta may lumapit sa kanila upang humingi ng tulong, kahit hindi ka-barangay, ay agad nilang inaaksyunan. Maraming beses na ring nahingan ng tulong si Chairman Aganus ng mga hindi taga-Real Dos, upang gumawa ng follow up sa City Hall. Maganda ang patakaran nila dahil hindi naman ito pakikialam sa ibang barangay. Kung hindi kasi sila umaksyon sa mga request ng hindi taga-Real Dos ay lalabas na tinataboy nila ang mga ito…isang impresyon na ayaw nilang mangyari. Ganoon din ang paliwanag ni Chairman Aganus na nagsabing, pinakikiusapan lang naman daw siya, at isinasabay na niya ang mga follow-up sa mga gagawin kung nasa City Hall siya. Kung tutuusin nga naman, magkakasama ang mga magkakatabing barangay sa iisang administrasyon ng Bacoor, kaya hindi magandang nagkakanya-kanya sila sa pagkilos…sa halip ay dapat magtulungan.

Kung ihahambing sa malalaking barangay, masasabing napakaliit ng mga proyekto ng grupo ni Chairman Aganus, subalit, para sa mga taga-Barangay Real Dos, ang mga ito ay napakahalaga. Wala rin naman silang magagawa dahil pinagkakasya lamang nila ang pondong itinatalaga ng pamahalaang lunsod. At, ang pinakamahalaga, ay nagpupursige sila sa abot ng kanilang makakaya.

Pinatunayan ng Barangay Real Dos, na ang matatag na samahan ng mga bumubuo sa isang barangay ang nagsisilbing pinakapundasyon ng isang barangay kahit maliit ang pondo. Malaking tulong nga ang pondo, subalit aanhin naman  ito kung pagtatalunan lamang na maaaring humantong pa sa siraan? Ang nagsisilbi namang “pandilig” sa pundasyong ito upang lalo pag tumatag at lumago ay ang katatagan din ng namumuno at mga nakakaganang pagpuna ng ibang tao, lalo na ng mga nasasakupan. Sa huling nabanggit, tanggap naman nila na hindi lahat ay nabibigyan nila ng kasiyahan, subalit wala silang magagawa dahil sa limitasyon ng kanilang kakayahan at pondo.

Yan ang Real Dos….maliit nga siksik naman sa samahan…kapos nga sa budget, mayaman naman sa pagkukusa… mga kabataan nga ang namumuno, puno naman ang mga puso ng pagmamalasakit sa kapwa!

Discussion

Leave a response