0

Ang mga "Textbooks" na ginawang "Workbooks"...marami nang mali, isang beses lang magagamit

Posted on Tuesday, 9 June 2015



Ang mga “Textbooks” na ginawang “Workbooks”
…marami nang mali, isang beses lang magagamit!
Ni Apolinario Villalobos

Hindi dapat pagtakpan ng kung anong dahilan at pagkabulol sa pagpapaliwanag ang mga mali sa mga textbooks na ginawang workbooks. Isang teacher ang ininterbyu sa radyo na panay ang gamit ng “yata”, “tila nga”, “siguro” sa pagtukoy ng mga mali na nakita sa isang textbook na ginagamit sa Grade 10. Dapat kung mali…mali, hindi na dapat magpa-ikot-ikot pa. Dinagdagan pa ng kalihim ng ahensiya, na kung may mga mali man, bahala na daw ang mga teacher sa pagwasto ng mga ito bago nila ituro, dinagdagan pa ng palusot na baka draft copy lang ang tinutukoy na libro na may 1,300 mali! Ganoon lang???!!!

Inaalipin na nga halos ang mga guro na sinusuwelduhan lang ng kapiranggot, dadagdagan pa nila ng trabaho, kaya tuloy maraming teacher ang namamatay sa sakit na TB…at nalalampasan ng pagkakataong makapag-asawa! Yong mga teacher naman sa mga liblib na barangay, nag-aabuno pa para makabili lang ng mga gamit ng mga batang kung pumasok sa eskwela ay walang laman ang sikmura.

Ang pagpapalimbag ng mga libro para sa mga eskwelahang pampubliko ay ginagastusan ng milyon-milyon, kaya dapat ay maparusahan ang mga nagpabaya. Mula pa man noon sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Arroyo hanggang sa kasalukuyan, ay palagi nang may ganitong problema, subalit walang ginagawang pagparusa sa mga sangkot – mga sindikatong nagmamadaling gumawa ng pera. Bakit tahimik ang COA sa bagay na ito? At, bakit hindi ito imbestigahan ng Kongreso at Senado, mahilig din lang silang mag-imbestiga?

May problema na nga sa K-12 program, dinagdagan pa ng mga dati nang naipon, kaya wala nang  dapat asahang magagawang maayos ang kagawaran ng edukasyon, na magaling lang sa pagtatakip ng mga kamalian.  Ano pa ang aasahan sa mga batang ang pagmumulan ng ituturo sa kanila ay mali? Kawawang mga kabataang Pilipino…itinuring na pag-asa ng bayan, subalit nililinlang sa halip na nililinang o dini-develop ang kanilang kaalaman!


Discussion

Leave a response