0

Artist and espesyal kong pare....si Abbey Boy (para kay Abbey Boy Antiqueno)

Posted on Sunday, 21 June 2015



Artist ang espesyal kong pare…si Abbey Boy
(para kay Abbey Antiqueo)
Ni Apolinario Villalobos

Una ko siyang nakitang nakatayo sa bukas nilang gate, nakangiti at kumaway sa akin, kaya kinawayan ko rin siya. Dahil kilala ko ang mga magulang niya, napasyal ako sa kanila minsan, at habang nag-uusap kami ng papa niya, napansin kong nahati ang kanyang atensiyon sa pagitan ng panonood ng tv at pakikinig sa amin.

Makalipas ang ilang buwan, nang dumaan uli ako sa tapat ng bahay nila, nakita ko siyang nakatayo sa bukas na gate nila, pero laking gulat ko nang tawagin niya akong “pare”, sabay kaway. Napangiti na lang ako at tinawag ko rin siyang “pare”, at kinawayan din. Naalala ko na nang huli akong pumasyal sa kanila, nagtawagan kami ng papa niya ng “pare” habang nag-uusap. Natandaan niya ang salita, na kinabiliban ko dahil siya ay isang “special person”.

Ang naging tawagan namin ni Abbey Boy mula noon ay hindi lang basta tawagang “pare”, kundi may kasama pang yakapan kung nasa kanila ako. Nagha-high five din kami, na animo ay magkabarkada.

Nananalantay sa dugo ng pamilya ni Abbey Boy ang pagkamakasining, mathematician at pagkabihasa sa computer. Ang kanyang papa ay nakakapag-sketch ng plano ng bahay at nagli-layout din. Ang kanya namang mama ay debuhista o sketch artist noong kabataan niya, at manunulat pa na nagamit nang mapasok siya sa La Salle na may administrative responsibilities. Lahat naman ng mga kapatid niyang sina PJ, Alvin, at Andrei ay may kanya-kanyang pinagdalubhasaan sa linya ng sining at computer. Subalit ang nakatawag din ng pansin sa kanilang magkakapatid ay si Alvin na malimit kuhaning judge sa mga painting contests, na ang pinakahuli ay sa PLDT, at pati TESDA ay kumilala na rin sa kanyang galing.

Noong una, akala ko ay hanggang panonood lamang ng tv ang ginagawa ni Abbey Boy upang palipasin ang maghapon. Subalit isang araw ay napansin ko ang mga nakasabit na mga naka-frame na sketches at paintings sa isang dingding ng bahay nila. Nagulat ako nang sabihin ng mama niya na karamihan sa mga naka-frame ay gawa ni Abbey Boy, at ang iba ay kay Alvin. Makikita sa mga ginawa niya ang kanyang sense of proportion at balance ng execution, pati na ang galing sa pagtimpla ng pangkulay. Nang lingunin ko siya, nakangiti ito at nag-thumbs up sa akin. Sinagot ko rin siya ng thumbs up, subalit may kahalong hindi ko maipaliwanag na nararamdaman…malamang ay sobrang kasiyahan.

Nang araw na yon, lalong umigting ang paniwala ko sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi niya pinababayaan ang hindi nagkapalad na magkaroon ng normal na buhay. Para bang sinasabi ng Diyos na sa ibabaw ng mundo, walang sinumang inutil o walang silbi dahil may nakalaang kaalaman para sa bawa’t isa….isa na diyan si Abbey Boy, ang espesyal kong pare, na artist pala! Hindi man siya nakasabay sa pag-aaral ng mga kapatid, busog naman siya sa pamamahal nila at kanyang mga magulang na sina Elmer at Mila, at ng kanyang pinsang si Cristy na nagtitiyagang maging kasama niya kung siya ay naiiwang mag-isa sa bahay.
Ang mga tulad ni Abbey Boy ang nagsisilbing inspirasyon at nagpapatunay na sa ibabaw ng mundo, lahat ay may kabuluhan.

Discussion

Leave a response