0

Ang katawan ng tao...mga rebelasyong nakakamangha

Posted on Sunday, 21 June 2015



Ang Katawan ng Tao
…mga rebelasyong nakakamangha!
Ni Apolinario Villalobos

Ang pinaka-obra maestra na ginawa ng Diyos ay ang tao, lalo pa at sinasabi sa Bibliya na ginawa Niya ito na kawangis ng Kanyang anyo. Subalit sa nakikitang pangyayari sa ating paligid, masasabing ang obra maestra na ito ay nababalahura, sinisira dahil sa makabagong teknolohiya at kasakiman.

Okey lang sanang magpa-opera para mabago ang isang bahagi o ilang bahagi ng katawan ng isang tao na may kapansanan upang maging normal ang buhay niya. Subalit ang magpa-opera upang baguhin ang ginawa ng Diyos dahil lang sa salitang “ganda”, iba na ang usapan.

Ang nakakamangha ay ang pagbabago ng anyo kahit na walang operasyong gagawin. Katulad halimbawa ng pagiging makapal ng mukha ng mga pulitikong nagnanakaw sa kaban ng bayan at magaling ding magsinungaling. Dahil sa kakapalan ng mukha, hindi na ito tinatablan ng hiya. Yong ibang mukha ay hindi lang kumapal, kundi nangitim pa, subalit ang dinadahilan naman ay bilad daw sa araw dahil anak-mahirap!...pero sabi ng iba, pati budhi daw ay itim din.

Meron namang mga katawan na kahit anong spray ng pabango ang gawin ay hindi pa rin natatakpan ang umaalingasaw nitong amoy. Ang anghit na dulot ng pagsisinungaling, lalo na ng isang opisyal, sa harap ng mikropono upang magbalita sa bayan tungkol sa mga ginawa niya kuno, ay talagang nakakabaliw kapag nalanghap ng kahit sino. Subalit milagro namang ang mga alipuris niya ay parang inoperahan ang mga ilong at tenga upang masarhan kaya masigabo pa rin kung sila ay pumalakpak….nakakabilib sila!

May mga utak namang puno ng mga dahilan at palusot. Mayroon nito ang mga taong kahit bundat na ng mga ninakaw sa bayan ay parang Boy Scout pa rin na laging handa sa pagbigay ng mga palusot at dahilan upang maikutan ang mga bintang…yon nga lang ay sa diyaryo, TV at radyo. Siya kasi ay ayaw sumagot sa mga ibinibintang sa kanya sa loob ng isang bulwagan. Natuyuan yata ng dugo sa katawan dulot ng tensiyon, kaya nangitim pa! Natakot pa sa mga multong ginawa niya! Mabuti na lang at maputi ang mga ngipin kaya kahit sa dilim, at dahil na rin sa nakakasulasok na amoy ng korapsyon na sumisingaw sa katawan niya, basta ngumiti lang, siya ay nakikita pa rin.

May mga tao namang halang ang bituka, matibay, dahil nasisikmura nila ang mga masasakit na katotohanang binabato sa kanila. Hindi sila nati-tense, kaya magana pa ring kumain, hindi nakakadanas ng LBM kahit puro batikos ang kinakain nila mula almusal hanggang hapunan….kaya masasabing hindi lang halang ang bituka, kundi stainless pa yata!

At ang matindi ay mga taong, mabanggit lang ang pangalan, nasusuka na ang makakarinig! Maraming ganyang tao sa Pilipinas…karamihan sa kanila ay pinagkatiwalaan dahil ang ipinakitang mukha nang nanunuyo ng boto ay animo mga santo at santa, subalit nang maluklok ay biglang nagkaroon ng sungay at buntot…BIGLANG NAGING MGA DEMONYO!
Kung minsan ay parang gusto kong tanungin ang Diyos kung ang mga taong nabanggit ay gawa rin Niya…pero pinipigilan ko ang aking sarili dahil baka sagutin din Niya ako...delikado, dahil may sakit ako sa puso!...hindi pa ako pwedeng mag-goodbye dahil marami pa akong isusulat na nakakamangha!

Discussion

Leave a response