Mga Suhestiyon para sa Kagawaran ng Edukasyon
Posted on Friday, 19 June 2015
Mga Suhestiyon para
sa Kagawaran ng Edukasyon
Ni Apolinario Villalobos
Kung seryoso ang Kagawaran ng Edukasyon na mabago ang imahe
nito na nakulapulan ng bansag na isang korap at pabayang ahensiya, dapat ay
magkaroon ang pamunuan ng masusing imbestigasyon tungkol sa mga bagay na bukod
sa alam na nila ay alam na rin ng publiko. Maliban pa diyan ang mga sumusunod
na suhestiyon:
1.Tanggalin agad at parusahan ang mga mapatunayang
tumatanggap ng komisyon mula sa mga publishers ng mga librong workbooks na
ginagamit ng mga estudyante at mga guro.
2. Ibalik ang dating sistema sa paggamit ng mga textbook na
walang mga bahaging sinasagot ng mga estudyante sa bawat katapusan ng mga
tsapter, upang magamit pa uli ang mga ito. Sa ganitong paraan, ang mga hindi
nakakabili ng mga libro ay maaaring manghiram sa mga kaklase, at makakatipid pa
ng di-hamak na malaking halaga ang gobyerno.
3. Paigtingin ang makabagong paraan sa pagtuturo sa
pamamagitan ng agad-agarang paglagay ng mga computer sa mga eskwelahan. Huwag
umasa sa mga donasyon dahil kaya naman ang ganitong proyekto kung gagamitin ang
napakalaking matitipid sa pagtigil ng pagbili ng mga workbook taon-taon na
pinagkikitaan lamang ng mga tiwaling opisyal na kinakasabwat ng mga publisher.
4. Magkaroon ng paraan upang maitaas ang hanay ng mga
pinagtuturong mga gurong hindi pa nakakapasa sa licensing exams, upang mabigyan
sila ng nararapat at maayos na sahod.
5. Kung may binibigay nang “hazard pay” sa mga gurong
nakatalaga sa mga delikadong lugar, dagdagan pa, upang hindi magdalawang isip
ang iba pa sa pagtanggap ng ganitong assignment.
6. Magtalaga ng regular na Property Custodian na ang duty ay
buong taon, hindi mga buwan ng pasukan lamang, upang masigurong mabantayan ang
mga gamit ng eskwela na karaniwang napapabayaan tuwing bakasyon. Aayon ito sa
suhestiyon tungkol sa modernisasyon sa pagtuturo, dahil magkakaroon ang mga
eskwelahan ng mga computer at iba pang gamit na may kinalaman sa information
technology.
7. Magtalaga rin ng regular na Security Officer na buong taon
din ang duty, katulad ng sa Property Custodian.
8. Huwag i-asa sa perang donasyon ng PTA ang mga bagay na
may kinalaman sa pamamalakad ng eskwelahan. Kung pinagmamalaki ng gobyerno na
libre ang pag-aaral ng mga bata, dapat lahat ng bagay na may kinalaman sa
ganitong panukala ay libre din. Dapat ang gamit ng PTA ay bilang instrumento
lamang para sa masinsing pakikipagtulungan ng mga magulang sa mga namumuno ng
mga eskwelahan upang masubaybayang mabuti ang mga bata. Hindi dapat gumagastos
ang PTA para sa mga security guard o pagpalinis ng mga kubeta o pagbayad ng mga
ilaw. Labas sa suhestiyong ito ang nakaugaliang “Brigada: Balik Eskwela” na
boluntaryo lang naman tuwing bago magpasukan, dahil nagpapairal ito ng
bayanihan na magandang halimbawa para sa mga kabataan.
9. Suriing mabuti ang mga itinuturong asignatura o subject
sa mga estudyante dahil lumalabas na dahil sa dami ay hindi naman naituturong
lahat. Ang problemang ito ay lalong nadagdagan ng K-12 program. Dahil sa mga
nabanggit, lumalabas na “hilaw” ang kaalaman ng mga estudyante, kaya karamihan
sa kanila, grade three na ay hirap pang mag-spell ng mga salita o magbasa nang
tuluy-tuloy. At ang matindi ay bobo sila pagdating sa kasaysayan ng Pilipinas
dahil, ni hindi man lang nila alam kung sino si Tandang Sora o si Diego Silang o si Sikatuna. Subalit,
kung maglaro naman ng computer games, ang bilis ng paggana ng utak nila!
10. Gumamit ng solar power bilang suporta sa modenisasyon ng
pagtuturo, sa halip na regular na kuryenteng binibili sa mga cooperative o
MERALCO upang makatipid, at magiging modelo pa ang mga eskwelahan sa ganitong
adbokasiya.
Dapat tanggapin ang katotohanang hindi naman talaga
nagtuturo ang karamihan ng mga magulang sa mga anak nila sa bahay, lalo na kung
may mga assignment. Maswerte ang mga estudyanteng ang mga magulang ay may kaalaman sa mga bagong subject na
itinuturo ngayon. Pagdating naman sa paggawa ng mga project, karamihan sa mga
ito ay mismong mga magulang ang gumagawa. Kaya paggising ng mga anak sa umaga,
tapos na ang project na dadalhin na lamang nila sa eskwela. Dapat gumawa ng
paraan ang kagawaran upang maituwid ang ganitong maling sitwasyon.
May mga teachers din na umaaming alam nilang hindi man lang nagbubukas ang mga
estudyante ng mga libro nila dahil basta tama ang sagot sa mga katanungan sa
katapusan ng tsapter, ay pasado na sila. Iba kasi kung bibiglain ang mga
estudyante ng mga katanungan sa araw mismo ng test, kaya obligado silang
magbasa upang makapaghanda.
Maraming mga estudyante ngayon ang hirap sa pagbaybay o
pag-spell ng mga salita, lalo na ang mga Ingles. Magaling lang sila sa
pabaklang pag-pronounce ng letrang “R”,
na hindi naman itinutuwid ng mga guro, dahil sila mismo ay guilty din.
Discussion