Ang Emotional Maturity o Kaganapan ng Damdamin ng Tao
Posted on Friday, 19 June 2015
Ang Emotional
Maturity
O Kaganapan ng
Damdamin ng Tao
Ni Apolinario Villalobos
Kung ang dunong at isip ay sa utak, ang damdamin naman ay sa
puso. Ang damdamin mula sa puso ang nagpapalambot ng kung ano mang matigas na
desisyon at pananaw ng isang tao. Ang nabanggit ang magsasabi kung anong
klaseng pagkatao mayroon ang isang tao, na kalimitan ay sinasabing mabait,
maunawain, mapagmahal, matulungin, atbp. - dahil puso ang pinairal. Subali’t
kung ang desisyon ng utak ay pinagmatigasan ng isang tao, ibang pagkatao naman
ang ipinapakita niya, subali’t damay pa rin ang puso, kaya may tinatawag kung
minsan na “pusong bato” – walang damdamin, matigas. Hindi maaaring paghiwalayin
ang tungkulin ng isip at damdamin dahil magkaagapay sila sa lahat ng
pagkakataon.
Ang taong normal, na ibig sabihin ay walang diperensiya ang
katawan, pag-iisip, at puso, ay may sinusunod na panahon upang marating ang
kani-kanilang libel ng kaganapan o maturity. Inaasahang sa pagtuntong sa tamang
panahon ng kaganapan, ang isang tao ay matatag na sa pagharap sa mga pagsubok
ng buhay – hindi iyakin, malinaw ang mga desisyon, at malawak ang pang-unawa sa
lahat ng bagay at kapwa-tao.
Subalit sa mga pagkakataon na sa murang gulang ay napasabak
na sa pagharap sa mga pagsubok ang isang tao, mabilis ang pagkakaroon niya ng
kaganapan ng damdamin. Dahil dito, may mga batang laki sa hirap na marunong
nang gumawa ng mga malinaw na desisyon at ang damdamin ay umabot na sa libel ng
kaganapan, kaya tinaguriang “isip- matanda”. May mga tao ring dahil lumaking
spoiled sa magulang, kaya hindi nasanay sa pagharap sa mga pagsubok ay
nagkaroon ng malamya o mahinang pagkakatao, kaya tinataguriang “isip-bata” at
may “malambot na damdamin”.
Ang isa sa mga pagsubok ng buhay ay ang sitwasyon ng mga
nagtatrabaho sa ibang bansa. Kahit ang isip nila ay umabot na sa kaganapan,
subalit dahil sa hindi mapigilang bugso ng damdamin tuwing maalala ang pamilya,
bumibigay ito at humahantong sa pag-iyak, pagkawala ng katinuan ng pag-iisip,
at ang pinakamasaklap ay pagpapatiwakal. Ang isa pa ay ang sitwasyon ng isang
“spoiled” na taong nag-asawa. Kahit may
mga anak na ay nakasandal pa rin sa mga magulang na maya’t maya niyang
hinihingan ng payo, dahil hindi siya nasanay na gumawa ng sariling desisyon
kaya mahina ang damdamin. Ibig sabihin, kahit nasa hustong gulang na siya ay
hindi pa rin siya emotionally- matured.
Kung sa relasyong magkapatid, ang isip ay “nakakatandang
kapatid” ng damdamin o emosyon. Sa panahon ng “pagi-emote” ng isang tao, ang
isip niya ang magsasabi kung siya ay tama o mali. Ito marahil ang dahilan kung
bakit ang utak ng tao ay nasa ulo, bandang itaas ng katawan, at ang pusong
nagpapadamdam ay nasa dibdib o kalagitnaan ng katawan…nangangahulugang mas
mataas ang utak kaysa puso, kaya dapat lang na umiral kung kailangan. Sa
kasamaang palad, may mga pagkakataon ding umiiral ang damdamin na
nawawala sa ayos lalo na pagdating sa pag-ibig,
na para bang sa magkapatiran, kung saan ang nakababata ay ayaw makinig
sa nakatatanda, na umaabot sa “disgrasya” , kaya may tinatawag na mga batang
babaeng “disgrasyada” – nabuntis ng wala sa panahon.
Dahil sa magandang dulot ng pag-iral ng isip sa damdamin,
ang ginagawa ng mga nagtatrabaho sa ibang bansa halimbawa, ay iniisip na lang
ang kapakanan ng kanilang mga anak na naiwan sa Pilipinas, na siyang dahilan
kung bakit sila nagtitiis na mapalayo sa kanila. Sa ganitong paraan, ang
anumang panghihina ng damdamin ay natatalo ng isip…isang uri ng ipinilit na
maturity ng damdamin.
Sa pangkalahatan, ang mga nakakaapekto sa damdamin ng isang
tao upang umabot ito sa kaganapan o maturity ay ang angkin niyang likas na
talino, paraan ng magulang sa paghubog sa kanya, nilakhang pamilya, mga kasama
sa tahanan, at ang kapaligiran ng nilakhang tahanan o ang komunidad. Ang mga
nabanggit na salik o sanhing nabanggit ang makakapagdetermina sa aabuting libel
o taas ng kaganapan ng isang tao.
Discussion