0

Ang Mga Palpak na Proyektong Pag-aayos ng Kalsada...nagkakaapurahan pa, dahil ba nag-uubos ng "lumang" budget?

Posted on Saturday, 20 June 2015



Ang Mga Palpak na Proyektong Pag-aayos ng Kalsada
….nagkaapurahan pa, dahil ba nag-uubos ng “lumang” budget?
By Apolinario Villalobos

Sa Metro Manila ngayon, umaangal na ang mga tao dahil sa binakbak na mga kalsadang aspaltado para palitan ng konkreto. Subalit isang beses, may nakausap akong kontratista na nagsabi sa akin na sila daw ay nahihiya nga dahil ang karamihan ng mga kalsadang kanilang binakbak ay wala pang isang taong inaspalto! Ang isang matutukoy kong kalsada ay ang kahabaan ng Aguinaldo highway sa Bacoor City, Cavite, mula sa SM-Bacoor, hanggang sa hangganan ng siyudad sa pagitan nila ng Imus City. Makapal ang aspalto at walang kalamat-lamat, subalit walang-awang binakbak!

Noong isang taon, kung kaylan ay nagpaanunsiyo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga isasarang kalsada dahil aayusin, wala ni isa mang umalma. Subalit ngayong papalapit na ang tag-ulan at nakikitang malabong makumpleto ang mga proyekto ay saka pa lang umalma ang mga commuters. Ang mga kontratista naman, animo ay walang pakialam.

Ang mga walang-awang pamamakbak ng mga kalsada ay nagdudulot ng perwisyo sa mga biyahero, may sarili mang sasakyan o nagko-commute. Ang DPWH naman at Metro Manila Development Authority (MMDA) ay nagtuturuan sa tuwing may magsampa ng mga reklamo tungkol sa halos hindi umuusad ng trapik. Idagdag pa diyan ang palpak din na sana ay alternatibong sakayan, ang LRT at MRT na palaging sira.

Bakit ngayon lang naisipan ng gobyerno ang ganitong mga proyekto? Dahil ba patapos na ang administrasyon ng nakaupong presidente, kaya inuubos na ang pera at bahala na ang susunod na president sa paghanap ng magagamit niya? Sabi ng iba naman, nag-aapura daw ang mga kurakot habang may panahon pa….totoo kaya?

Kung tutuusin, mas madaling i-mintina ang aspaltadong kalsada basta maganda lang ang timpla, dahil kung magkaroon ng bitak, madali ang pagtapal, ilang oras lang ay magagamit agad ang inayos na bahagi. Subalit kung sementado ang kalsadang iri-repair, katakut-takot na tuklapan ang gagawin upang “makakapit” na mabuti ang sementong itatapal na dapat ay maganda ang pagkatimpla, dahil kung hindi, ilang buwan lang ay masisira na naman, at bago magamit uli ay maghihintay pa ng dalawang araw o mahigit pa.  Ang aspalto, habang nabibilad sa araw ay lalong tumitiim ang kapit at pagkasiksik, samantalang ang semento, habang nakabilad sa araw na hindi man lang nababasa ng tubig ay madaling mabiyak. Ang pag-aspalto ay simpleng paraan kaya pwedeng gawin ng mga taga-DPWH, pero ang pagsemento ay kailangan pang ikontrata ang trabaho….yan kaya ang malaking dahilan?

Ilan na naman kaya ang yayaman pagkatapos ng mga minadaling proyektong inaasahang uulitin na naman pagkalipas ng ilang buwan?


Discussion

Leave a response