0

Hangga't Hindi Malawak ang Pagpakalat ng mga Isyu tungkol sa mga Binay, at hindi buo ang Kumokontra sa kanila...may pag-asa ang mga Binay

Posted on Wednesday, 17 June 2015



Hangga’t Hindi Malawak ang Pagpakalat
Ng mga Isyu tungkol sa mga Binay, at hindi buo ang
kumokontra sa kanila…may pag-asa sila
Ni Apolinario Villalobos

Ang Pilipinas ay binubuo ng mga isla, at ang mga tao sa mga liblib na isla ay halos hindi pa nakakakita ng TV o nakarinig ng radyo. Pero yon namang may radyo ay mas gusto pang makinig ng drama. Mayroon pa ngang hindi alam kung sino ang bagong presidente. Ang mga taong nakatira sa mga liblib na lugar na ito ay hinahakot kung may eleksiyon ng mga pulitiko upang masiguro ang hatak nila. Sa ganyang sitwasyon, paanong asahang malalaman ng malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas ang mga kaso ng mga Binay, lalo na ng ama na gustong maging presidente?  Paano na kung diktahan ng mga opisyal na malapit sa mga Binay ang mga botante na hinakot nila?

Putok ang mga balita tungkol sa mga Binay, pero sa mga malalaking lunsod at bayan lamang. At, dahil sa katusuhang ginawa ni Binay upang dumami ang mga “sisters” ng Makati City, dumami ang mga bayan at lunsod na nakadikit dito, lalo pa at may mga fringe benefits ang mga opisyal ng mga “sisters” na ito kung mamasyal sila sa Manila – libre hotel at pagkain.

May mga nagsasabi na ang iba raw ay nagbubulag-bulagan sa mga ginawa ng mga Binay, dahil sa lakas ng hatak sa kanila ng mga kaalyado nito na natapalan naman ng pera. Namimilosopo na lang sila na uunahin daw muna nila ang tiyan ng kanilang pamilya.

Ang mas lalong nakakabahala ay ang pagkakawatak-watak ng mga taong kontra kay Binay. Sa dami ng mga gustong maging presidente na kokontra sa kanya, inaasahang hindi na magiging solid ang makukuha ng boto ng karapat-dapat na kandidato. Kaya siguro halos hindi kumikibo ang kampo ng mga Binay ay dahil sa nabanggit na sitwasyon na pabor sa kanila.

Ang pinakahuling pag-asa ay ang simbahan na gagamit ng pulpito upang magpakalat ng mga impormasyon, at mga eskwelahan sa pamamagitan naman ng kanilang mga estudyante. Sa pagkakataong ito, sa tingin ko ay hindi masama kung makialam ang simbahan dahil kapakanan ng mga tao ang nakasalalay. Ang problema lang pala ay kung may mga simbahan na ring nahatak dahil sa pangakong suporta sa mga proyekto, ganoon din sa mga eskwelahan nila.

Discussion

Leave a response