Kung Maging Tapat lang si Binay sa Pangangampanya...
Posted on Monday, 29 June 2015
Kung Maging Tapat si
Binay sa Pangangampanya
Ni Apolinario Villalobos
Kung maging tapat lang si Binay sa pangangampanya ay maaari
niyang barahin ang kanyang detractors ng mga tanong na:
Ako… korap?
Tamang tanong, dahil lahat naman ng mga pulitiko, kahit
papaano ay may bahid nitong katiwalian, kahit hindi sinasadya daw, tulad ng mga
sinasabi nilang ang pork barrel nila ay ginamit daw ng mga pekeng NGOs, na
hindi naman pinaniniwalaan ng mga tao - na hindi nila alam. Kaya ang mga
nag-aakusa sa kanya ay dapat magpalit na ng istratehiya. Umamin na lang sila
upang hindi lalong humaba ang ilong nila sa pagsisinungaling!
Ako … may malaking mga
project na pinagkitaan ng malaki?
Tama pa ring tanong, dahil ang mga pulitiko ay hindi na
nagpa-project kung hindi din lang malaki tulad ng basketball court at mga
highway, upang siguradong malaki ang komisyon. Kaya upang sigurado, pati mga
kalsada at highway na maaayos pa ay pinapatuklap! Hindi na uso ang poso o deep
well pump at waiting shed dahil barya lang kung pagkitaan ito…pero yong kabaong
ay okey lang dahil madaling dikitan ng sticker na may pangalan ng mayor or
governor, at kung sino pang kapalmuks na opisyal! Ang maganda ding ipamigay ay
mga diaper na may mukha ng mga pulitiko lalo na sa bandang puwet! Mahal ang diaper
kaya marami ang mag-aapreciate, kasi pwedeng basahan din sa lababo at toilet
bowl dahil absorbent!
Ako … nangarap na magkaroon
ng asyenda?
Marami na ring pulitiko ang hindi lang nagkaroon ng malawak
na lupain, kundi pati mga condo, bahay, mamahaling kotse, at napakalawak at
hiwa-hiwalay na logging concessions. At saka isa pa, naiinggit ba yong iba
dahil wala silang asyenda na may babuyan na ay may greenhouse pa ng mga
orchids? Mabuti nga ang ginawa ni Binay dahil maximized ang paggamit ng
asyenda! Pero…dapat pang patunayan na kanya yon. Kaya yong naiinggit,
mangurakot din ng milyones upang may pambili!...at tumigil na nga sila sa
kangangalngal!
Misis ko… mahilig sa orchids?
Dapat lang ipagtanggol ni Binay ang misis niya dahil
siguradong mahal niya ito, hindi tulad noong isang matandang binata na walang
misis pero mahilig magparinig na may plano daw naman siyang
mag-asawa…kaylan? kung hindi na siya
“makwanan”? ….tumigil na nga siya sa pa-machong gimik…kaya pati mga nananahimik
na models ay kinakasangkapan sa pakikipag-date kuno! Si Binay ay proud sa kanyang misis, kaya pati
ang hilig nito sa pag-alaga ng orchids ay okey sa kanya. Mabait din ito kaya
nga maraming gamit na binili para sa Ospital ng Makati…(ano na kaya ang
nangyari sa kaso?) Isa pa, mabuti nga at orchids ang inalagaan, kaysa
marijuana…eh di mas malaking problema pa ang inabot! Kaya kayong ang kaya lang
alagaan ay gumamela, calachuchi, san Francisco, chichirica, five fingers,
katuray at malunggay… manigas na lang sa inggit!
Ako lang ba ang matandang
nagsusuot ng Boy Scout uniform?
Yan ang matapang na tanong! Dapat ring pangatawanan ni Binay
ang pagsuot ng uniform na yan dahil magkatugma ang kanilang kulay – parehong
brown, kulay lupa, humble na kulay ng mahirap. At hindi siya nag-iisa sa pagsuot
ng uniform na yan dahil may nakita akong nagtitinda ng sigarilyo sa mga
tumitigil na jeep sa bandang Harrison St. sa Pasay, na ganyan din ang suot,
complete with whistle pa, at very proud siya! Ang kopyang suot ay may maliit pa
na bandila ng Red China! …(sa isang interbyu, nagsabi si Binay na ipaubaya na
lang sa mga Tsino ang pag-develop sa West Philippine Sea dahil may pera silang
panggastos – wow!) Kaya bilib din ako sa taong cigarette vendor na itong proud
sa pagsuot ng Boy Scout uniform…dahil siya ay laging handa sa paglapit sa mga
driver na bumubusina upang bumili ng yosi na kadiri tulad ng isang taong may
maitim na budhi!
Basta matapat lang si Binay sa pangangampanya baka at marami
pang baka na manalo siya. At, kapag nasa Malakanyang na siya, siguradong marami
ang mamamangha dahil mabubuhay at makikita nila ang mga inakala nilang patay
nang mga dummy niya, tulad ni Limlingan at yong babaeng personal secretary
niya, si ginang Baloloy. Marami rin ang magwe-wish sa kanya ng: “…good luck,
good health, and more wealth!”….para pantulong sa mahihirap – yon ang sabi
niya!
Discussion