Historically, Malaysian kaya tayo?...kung hindi matanggap, eh di, "Aeta" na lang!
Posted on Thursday, 4 June 2015
Historically,
Malaysian kaya tayo?
…kung hindi naman
matanggap, eh di, “Aeta” na lang!
Ni Apolinario Villalobos
Kung gagayahin ng Malaysia ang pamimilosopo ng Tsina sa
pag-angkin ng halos lahat ng mga bahura o reefs sa West Philippine Sea at
karagatan mismo, ay kaya nilang gawin, kung ibabatay pa rin sa kasaysayan. Nakasaad kasi sa history books na ginagamit
sa mga eskwelahan sa Pilipinas ang tungkol sa “Ten Bornean Datus” na nakarating
sa Visayas, particularly sa Panay Island, at doon ay nadatnan nila ang mga
“Aeta” sa pamumuno ni Marikudo na nagbenta sa kanila ng lupang matitirhan. Ang mga “Aeta” o “Ati” sa salitang Bisaya ay
maliliit na taong kulot ang buhok, sarat ang ilong, at maitim ang balat. Ibig
sabihin, ang mga “Aeta” ang talagang mga lehitimong katutubo ng Pilipinas.
Noong panahon ni Marcos, napag-alamang may mga dapat baguhin
sa mga nilalaman ng mga libro tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. May ginawa na
kaya rito ang nanahimik na National Historical Commission? Bakit hindi rin sila
kumikibo sa isyu ng West Philippine Sea na may kinalaman sa kasaysayan? Bakit
hindi nila opisyal na ituwid ang mga maling itinuturo sa mga bata? Kulang kaya
sa budget? Naibulsa din kaya ng mga kawatan ang budget nila? Yong DepEd naman
at CHED, busy ba sa pag-apruba ng maraming workbook na hindi na magagamit uli?
Ang nangyayari sa West Philippine Sea ay dapat isisi sa
unang gumawa ng mapa ng mundo kung saan ay nakasulat ang “South China Sea”,
kaya akala tuloy ng mga Intsik ay kanila ang malawak na karagatang ito dahil
may pangalan nila. Kung nakaisip ang mga cartographer noon ng “Pacific Ocean”
at “Atlantic Ocean”, bakit hindi sila nakaisip ng ibang pangalan sa halip na
“South China Sea”, ganoong napakalayo na nito sa mainland China? Intsik din
kaya ang gumawa ng mapa?
Ang dapat namang sisihin sa haka-hakang nanggaling ang lahi
ng Pilipino sa Malaysia, ay ang nagpangalandakan ng “Ten Bornean Datus”, dahil
gusto lang yata niyang magkaroon ng
kulay ang librong isinulat, kaya nilagyan ng ganitong kwento. Pati ang “katotohanan”
tungkol sa Kalantiaw Code ay pinagdudahan na rin. Subalit ang masaklap ay
ginamit pa ang kasaysayan sa isang TV series na “Amaya” kaya lalong nag-ugat ng
malalim ang pinagdudahang mga pangyayari noong unang panahon. Aliw na aliw
naman ang mga nanonood dahil kay Marian Rivera! Ganyan na ba kababaw ang
Pilipino?
At dahil sa ugali ng Pilipino na malikhain, pinagbatayan pa
ng isang relihiyosong festival ang pagdating ng mga datu sa Panay. Gumawa sila
ng “Ati-atihan”, isang nakalilitong festival dahil hindi malaman kung saan
nakasentro ito… kung sa Sto. Niῆo
o sa mga “Aeta”. Narambol din ang mga costume, kaya nagpapaligsahan na lang sa
pagka-outlandish at kulay. Bakit hindi nililinaw ng simbahang Katoliko at
ahensiyang may kinalaman sa kasaysayan ang mga kalituhang ito? Dahil ba naging
tourist attraction na?
Pero, para safe ang mga nagpi-festival na lunsod…yong sa
Iloilo, tinawag na “Dinagyang”…yong sa Cebu, tinawag na “Sinulog”. Samantalang,
itinuloy na lang ng Kalibo, tunay na pinanggalingan ng festival na ito, ang
dati nang tawag na “Ati-Atihan”. Kalaunan, naging generic na rin ang katawagan,
dahil basta may mga costume at street dancing, ang festival ay itinuturing na
“ati-atihan”. Yan ang isa sa mga malinaw na katunayan tungkol sa ating
nakalilitong pagkakakilanlan.
Ngayon, kung hindi matanggap na ang ninuno ng mga Pilipino
ay ang mga “Aeta” na dinatnan ng mga datu galing Borneo, ibig sabihin, mga
Malaysian kaya tayo? Ang malinaw kasi, hindi tayo Kastila, Amerikano, o Hapon –
mga lahing umalipin sa atin. Ang
pagkaroon ng kulay ng mga Pilipino, na kayumangging mapusyaw, o tisayin at
tisuyin ay resulta lamang ng mga pambubuntis na ginawa ng mga dayuhang ito sa
mga babaeng native noon kaya nahaluan ang dugo nila at ang resulta ay ang mga
sumunod na henerasyon.
Malinaw ang kalituhan natin sa tunay na pagkakakilanlan ng
ating lahi. Kaya sa kalituhan, madalas ayaw aminin ng mga Pilipinong nasa
abroad na sila ay galing sa lahing sinakop ng ibang bansa. At, ang ganyang
kahinaan din ang magpapalaho ng ating lahi kung hindi tayo magkakaisa dahil
lamang sa magkaibang paniniwala sa Diyos na isinalaksak lang din sa kaisipan ng
ating mga ninuno noong panahon ng pananakop. Ang katatagan ng isang lahi ay
nakasalalay sa katatagan din ng tunay na identity nito. Kung nakakalito ang
identity, hindi buo ang pagkatao ng mga taong tinutukoy ng lahi.
Discussion