Mabuti Pa Noong Unang Panahon
Posted on Monday, 22 June 2015
Mabuti Pa Noong Unang
Panahon
Ni Apolinario Villalobos
Mabuti pa noong unang panahon
Mga ninuno nating tadtad man ng tattoo
Nagnganganga, nakabahag…walang siphayo.
Mabuti pa noong unang panahon
Payak ang takbo ng isip, walang pag-iimbot
Na sa pangangamkam ng ibang lupa’y umaabot.
Mabuti pa noong unang panahon
Magkakatabing mga bayan ay nagtutulungan
Sa pangangailangan ng iba’y malugod ang bigayan.
Mabuti pa noong unang panahon
Ang mga bundok ay nababalot ng kagubatan
Masaya pati mga ibong nagliliparan sa kalawakan.
Mabuti pa noong unang panahon
Ginto’t pilak, ‘di pinapansin, walang gahaman
‘Di tulad ngayon, pamantayan ng buhay ay yaman.
Mabuti pa noong unang panahon
Kung magdasal sila ay diretso sa Amang Poon
‘Di tulad ngayon, tao’y kaaanib ng iba’t ibang kampon.
Mabuti pa noong unang panahon
Pagtiwala sa kapwa ay di basta-basta nasisira
‘Di tulad ngayon, dangal ay kayang lusawin ng pera.
Mabuti pa noong unang panahon
Sa malawak na gubat, may pagkaing makukuha
‘Di tulad ngayon, mga bundok at pastulan, kalbo na.
Mabuti pa noong unang panahon
Masarap samyuhin ang hanging sariwa, malinis
‘Di tulad ngayon, amoy nito, animo’y pagkaing panis.
Mabuti pa noong unang panahon
Tubig na iniinom, sa
ilog ay maaari nang salukin
‘Di tulad ngayon, naka-bote lang ang dapat inumin.
Discussion