Ang Utang, Pangungutang, Buhay at ang Diyos
Posted on Sunday, 7 June 2015
Ang Utang,
Pangungutang, Buhay, at ang Diyos
Ni Apolinario Villalobos
Wala akong balak magsulat tungkol sa utang dahil ayaw kong
makialam sa ganitong bagay na tingin ko ay masyadong pribado. Subalit napukaw
ang aking interes nang minsang may dalawang babaeng nagkita sa loob ng dyip na
sinakyan ko. Ang isa ay may utang sa isang
hindi sinasadyang nakasakay niya sa dyip, at matagal pa yata niyang
pinagtaguan. Nagsigawan sila at nagpambuno. Kumalat ang lipstick ng isang babae
kaya inakala ng ibang pasahero na pumutok ang kanyang labi. Ang isa namang
babae na wala palang bra ay biglang naging bold star dahil napunit ang kanyang
t-shirt, kaya nabuyangyang ang hindi dapat. Nataranta ang drayber kaya
idineretso sila sa isang malapit na Barangay Hall, at doon ay iniwan na sila na
nagmumurahan pa rin.
Para sa akin at ayon sa alamat sa Bibliya, ang unang taong
nagkaroon ng utang kahit pa sabihing hindi niya hiningi ito ay si Adan na
pinautang ng Diyos ng buhay at pinatira pa sa Paraiso. Lalong nabaon si Adan sa
utang nang bumigay siya sa pang-aakit ni Eba, dahil sa panunulsol ng ulupong.
Kaya kung wawariin, ang buhay ng tao ay nagsimula sa utang, dahil kay Adan
nagsimula ang sangkatauhan. Sa uulitin,
ito ay sarili kong pananaw at haka-haka lamang.
Sa panahon ngayon, ang utang ay nagkaroon na ng maraming
mukha. May maliitang utang na 5-6 at walang katapat na kahit anong bagay bilang
deposito. Mayroon ding utang na kailangang deposituhan ng mahahalagang bagay
tulad ng titulo ng lupa, bahay, alahas, cellphone, at iba pa, na “pinatago”
lamang daw, pero sa garapalang salita ay “sangla”. Mayroong “utang na loob” na
ang katumbas ay mga “kagandahang loob” naman tulad ng rekomendasyon, pagtalaga
sa puwesto, at iba pa. Ang iba naman ay “puri” ang pinangtatapat sa utang, na
nagkaka-interes ng sanggol pagkalipas ng siyam na buwan. At, para sa mga
bansang mahilig mangutang, ang katumbas ay pagpapakita ng katapatan na halos
pagpaalipin na sa bansang inutangan ganoong ang utang ay babayaran din naman,
yon nga lang, ng mga susunod na kung ilang henerasyon ng mamamayan…. yan ang
kalagayan ng Pilipinas na lubog na sa utang.
Ang mga umuutang naman ay may iba’t ibang ugali. Mayroong
mga basta na lang nangungutang kahit wala silang intensiyong magbayad dahil ang
gawaing ito ay bahagi na ng kanilang buhay, kaya walang epek kung murahin man
sila ng inutangan. Mayroon namang umuutang sa pag-asang hindi sila sisingilin
dahil ang inutangan ay hindi naman iba – kumare o kumpare o kabarkada o
kaibigan o kamag-anak. Mayroong umuutang at umaasa pa ding hindi sisingilin
dahil ang inutangan ay mayaman at marapat lang daw na mag-share ng yaman, kaya
kung maningil na ito ay tinatawag pang mukhang pera kaya yumaman. Mayroong
nagbabayad nga ay sinasabayan naman ng pagmumura sa nagpautang na makulit daw ganoong
noong siya ay umuutang pa lang, kahit madaling araw ay kumakatok na sa pinto ng
uutangan dahil emergency daw. Subalit ang nakakabilib ay ang may layuning
magbayad sa anumang paraan.
Sa huling uri ng nangungutang ay hindi maaaring hindi ko
banggitin ang isang kaibigan na dahil sa layuning maiwas sa perwisyo na dulot
ng baha ang kanyang pamilya ay nagpaayos ng bahay upang magkaroon ng second
floor. Sa original na estimate ay kasya ang kanyang budget subalit kalaunan ay
nadagdagan ang gastos kaya kinulang ang kanyang pera. Upang matapos ang project
ay nilakasan niya ang kanyang loob sa
pag-utang ng materyales. Ngayon, buo na ang bahay na panghabang-buhay na
ang ginhawang idudulot sa kayang pamilya. At ang utang naman ay talagang pilit
niyang binayaran kahit na nagsakripisyo pa siya ng ibang pangangailangan na
hindi naman gaanong mahalaga. Dahil sa ipinakita niya, ang mga pinagkautangan
niya ay buong katapatan na nagsabing kahit anong oras ay maaari siyang lumapit
uli sa kanila. Ganyan dapat ang umuutang!
Kung sa pagbayad ng utang na loob, wala nang tatalo pa kay
Pnoy. Ang nagligtas daw sa kanya na si Allan Purisima ay itinalaga niyang hepe
ng pulisya at ipinaglaban pa laban sa mga mga batikos. Matagal rin bago niya
ito tinanggal kahit umalingasaw na sa buong bansa ang mabahong isyu tungkol sa
kanya. For all time’s sake, ang mga classmate at best friend ay inilagay niya
rin sa mga puwesto, at may bonus pa, dahil nakinabang din ang mga kaanak nila.
Kaya ngayon, rambol ang inabot ng bansa!
Ang pangungutang ay hindi maiwasang gawin dahil sa
pangangailangan kaya talagang pinakinabangan naman. Dahil diyan, may obligasyon
ang umutang na ibalik ang inutang. Dapat tandaan na iba ang utang sa bigay.
Ganyan din ang buhay na utang natin sa Diyos, na dapat
bayaran sa pamamagitan man lang ng pagpapakita ng kagandahang loob sa mga kapwa
natin nilalang sa mundo – tao, hayop o halaman man sila. Ito ang paraan ng “pagbayad” ng utang sa
Kanya, dahil hindi naman natin Siya nakikita upang abutan ng bayad. Hindi tayo
dapat umiwas sa obligasyon natin sa Kanya sa pamamagitan ng biglang pagiging
erehis upang magkaroon lang ng dahilan na wala tayong pananagutang utang dahil
hindi naman natin Siya pinaniniwalaan na. Ang ibang pilosopo ay walang takot pa
sa pagtanong ng….bakit pa eh, hindi naman ako talaga naniniwala sa Kanya? Ayon
sa mga pilosopong ito, magulang daw nila ang nagbigay ng buhay sa kanila!
Pinakinabangan natin ang buhay kaya hindi dapat isumbat sa
Kanya kung bakit niya tayo binigyan nito, lalo na sa panahong tayo ay sisinghap-singhap
sa kumunoy ng mga problema na tayo rin ang may gawa dahil sa ating mga
kahinaan!
Paalala lang, kung hindi ka marunong gumamit ng pera sa
tamang paraan, huwag umutang dahil baka umabot sa puntong, mangungutang ka pa
rin ng pambayad sa utang, at paulit-ulit mo itong gagawin hanggang makulong ka
na sa pabilog na sikulong ito at wala ka nang malalabasan!
Discussion