Mga Kalituhan sa Buhay
Posted on Wednesday, 10 June 2015
Mga Kalituhan sa
Buhay
Ni Apolinario Villalobos
Kumplikado ang buhay dahil sa mga kalituhan at hiwagang
bumabalot dito. Marami ang hindi maipaliwanag at nagkokontrahan pa ang ibang
mga bagay at pangyayari.
Dahil sa pagsulputan ng iba’t ibang grupo ng matatalino,
hindi na alam ng isang pangkaraniwang tao kung saan siya sasama. Nandiyan din
ang palaging nababanggit na relihiyon. Lahat sila ay itinataguyod ng mga sarili
nilang simbahan at nagpipilit pa na tama sila. Sabagay, karapatan nila ang
magsabi na tama sila basta hindi lang demonyo ang kanilang sinasamba.
May kalituhan ding nangyayari sa panahon ngayon dahil naman
sa hindi na ikinahihiyang alanganing kasarian. Ang talagang matatapang ay
nagsasabi na babae sila na nakulong lamang sa katawan ng lalaki, o di naman
kaya ay, lalaki sila na nagkamali lang sa pinasukang katawan. Kaya upang mawala
na ang kalituhan sa kanilang pag-iisip ay talagang naglaladlad na tulad ng
ginawa ni Charisse, Aizza, at Rustom Padilla. Yong may pera ay talagang
pinakialaman na ang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng pagpalit ng bahaging
pangsekswal.
Sa mga bansang talamak ang corruption, tulad ng Pilipinas,
nililito ng pamahalaan ang mga mamamayan tungkol sa maraming bagay. Nandiyan
ang magreport ang mga ahensiya ng mga ginawa daw nila na drawing lang pala. Ang
masaklap ay kung mismong presidente pa ang may kayabangang magreport tungkol sa
mga ito, kaya nagmumukha siyang tanga. Kung minsan ay inaangkin pa ng
pamahalaan ang mga proyekto ng mga pribadong NGO. Ang panlilito ay isang paraan
ng panlilinlang. Subalit kung alam na naman ng mga nililito ang katotohanan,
ang taong nanlilito ay nagmumukhang katawa-tawa.
Tungkol naman sa pagpahaba ng buhay, marami ring kalituhan
ang nangyayari. Sinasabing kailangan ng katawan natin ang pagkain, subalit
hindi naman pala lahat ng pagkain ay pwede sa lahat din ng tao, dahil sa
tinatawag na allergy. May mga taong allergic sa itlog, manok, lamang dagat,
gatas, mani, maski gulay! May mga synthetic din na mga gamot ang nawawalan ng
bisa kung sasabayan sila ng mga halamang gamot o herbal medicine. At ang mga
pagkain ay hindi pwedeng basta-basta lalamunin dahil yong iba ay nakamamatay
kung sobra ang ipinasok sa katawan dahil sa sarap…kaya tuloy lumalabas na bawal
ang magpasarap!
Ang matindi ay ang kuwento tungkol sa isang tao na dahil sa
katatawa ay bigla na lang natumba at namatay!
Naisip ko tuloy, pwede ka rin palang mabulunan ng hangin….at bawal din
pala ang sobrang masaya!...masalimuot talaga ang buhay, kung sa Ingles ay “life
is complicated”, kaya nakakalito!
Discussion