0

Ang Tiwala sa Sarili

Posted on Tuesday, 9 June 2015



Ang Tiwala sa Sarili
Ni Apolinario Villalobos

Kung may isang pinakamalakas na sandata ang isang tao, ito ay ang tiwala sa sarili. Hindi ito pumuputok tulad ng baril, hindi rin sumasabog tulad ng bomba. Hindi ito nakakasugat tulad ng patalim, at lalong hindi ito  sibat o palaso na nakakatusok sa katawan.

Mula sa puso, dumadaloy ito patungo sa utak upang gabayan ang tao kung ano ang nararapat niyang gawin sa pagharap sa mga unos ng buhay – mga pagsubok, upang hindi agad tumiklop ang kanyang mga tuhod kung panghinaan siya ng loob.

Pinatunayan ng kasaysayan na kung minsan, hindi kailangang may malaking katawan upang manaig sa katunggali, tulad ni David na isang maliit na tao, subalit dahil sa tiwala niya sa sariling nagbigay sa kanya ng tapang ay napatay niya si Goliath.

May mga tanyag ding lider na maliliit subalit ginagalang ng mga tauhan at kinatatakutan ng mga kalaban, tulad ni Alexander the Great, Hitler at Napoleon Bonaparte, iilan lang na mababanggit ko. Si Ferdinand Marcos ng Pilipinas ay hindi rin gaanong malaki, kaya itsinismis pang gumagamit daw noon ng “elevator shoes” upang mabawasan ang diperensiya ng taas nila ni Imelda. Lahat sila ay may malakas na tiwala sa sarili kaya nagtagumpay sa kanilang mithiin…subalit hindi nga lang para sa kabutihan ng nakararami dahil naging mga diktador, maliban lang kay Alexander the Great.

Si Mother Theresa, na ngayon ay isa nang santa, ay mula’t sapol may malaking tiwala sa sarili dahil alam niyang ginagabayan at inaalalayan siya ng Diyos. Siya ay may taas lang na lampas kaunti sa apat na talampakan na lalong pinababa ng kanyang pagkukuba dahil sa diperensiya niya sa likod. Sa kabila niyan, hindi siya natatakot na pumasok sa mga lugar ng iskwater.

Maraming nagtapos sa kolehiyo na valedictorian o may iba pang mataas na karangalan, subalit dahil sa kawalan ng tiwala sa sarili ay hindi nagtagumpay sa buhay. Natalo sila ng mga nagtapos kahit sa markang “pasang awa”, subalit may malakas na tiwala sa sarili, kaya malayo ang narating sa buhay.

Yong isang Pilipinang singer na galing sa General Santos, na bilib sa kanyang kahusayan sa pagkanta ay nagpilit na gumawa ng paraan upang makilala. Kaya basta may madaanang libreng videoke sa mall na pwedeng kantahan, banat lang siya ng banat sa pagkanta hanggang sa matiyempuhan ng isang blogger, kaya nai-post siya sa you tube habang bumibirit…naging viral tuloy sa internet. Ngayon, international singer na!

Sa may mga mukhang hindi pang-pelikula o TV, ang kunswelo ay pag-isip na marami ang may ganyang mukhang pambihira. Dapat isipin na kung walang pangit, wala ring maganda o guwapo dahil walang magagamit na batayan o basis. Kaya, dapat ay may malakas na fighting spirit ang lahat ng tao, ano man ang hitsura ng mukha! At isipin lang palagi na walang ginawang pangit ang Diyos. Ang kapangitan ay tao rin ang nagdi-develop tulad ng pagiging korap kung nasa pamahalaan na at nasilaw sa pera, kaya lahat sa pamilya gusto nang maging government official!...yan ang tiwala sa sarili na negative!

Totoong mahirap ding magpakita ng tiwala sa sarili na sa tingin ng iba ay pagiging “presentado” o “presentada”. Kaya ang kailangan talaga upang magawa ito ay magpakapal ng mukha….o mag-santabi muna ng hiya. Dapat nating alalahanin na malaking sagutin sa Diyos ang hindi paggamit ng anumang kagalingang ibinigay niya sa atin, lalo na kung ito ay para rin sa kapakinabangan ng iba. Sa madaling salita…bigyan natin ng pagkakataon ang ating sarili, at huwag tayong madamot sa pakikibahagi ng anumang talento na meron tayo.

Paalala lang: dapat makinig sa sasabihin ng iba na huwag nang maglakas-loob na kumanta halimbawa, kung ito ay makakapagpatilapon lamang ng tutule at makakabasag ng eardrum ng ibang tao, dahil yan ay pananakit na ng kapwa, isang bagay na ayaw ng Diyos na gawin natin!

Discussion

Leave a response