Kawawa naman ang Pangulo...naniniwala pa rin pala sa mga maling report sa kanya
Posted on Thursday, 4 June 2015
Kawawa naman ang
Pangulo
…naniniwala pa rin
pala sa mga maling report sa kanya
Ni Apolinario Villalobos
Sa kanyang talumpati sa Japan noong June 3, sinabi ni Pnoy
na nabawasan na daw ang nag-aabrod upang magtrabaho. Isa daw itong indikasyon
na umaangat na ang ekonomiya ng bansa. Kawawa naman siya, dahil hanggang ngayon
ay naniniwala pa rin pala sa mga pambobola ng mga tao sa kanyang gabinete na
pinagkakatiwalaan niyang magbibigay sa kanya ng mga impormasyon.
Pagkatapos niyang magtalumpati sa Japan, sa parehong araw pa
rin, lumapag naman ang isang eroplano sa Manila galing Saudi Arabia at mula
rito ay nagsibabaan ang maraming Pilipino na dineport ng nasabing bansa dahil
sa programa nilang Saudization. Madadagdag sila sa mga Pilipinong hindi
makakapag-abroad dahil walang panlagay sa mga switik na recruiter, at mga
libo-libo o baka milyon na, na naipong mga graduate, at kung ilang taong nang
nakaistambay. Ang maswerte sa kanila, kahit papaano ay nakakakuha ng
contractual na trabaho sa loob ng limang buwan. Yan ang tunay at kalunus-lunos
na kalagayan ng kakapusan ng trabaho sa Pilipinas!
Ang mga nabanggit ba ang indikasyon na umaangat ang
ekonomiya ng Pilipinas? Anong pera ang gagamitin ng mga istambay upang
magastos, na siya sanang magpapausad ng mga negosyo, ganoong wala naman silang
trabaho o pirmihang trabaho?
Sa susunod, sana huwag nang magsinungaling ang pangulo upang
maiwasang siya ay mapulaan o pagtawanan. Kung wala siyang masabi, magkuwento na
lang ng iba…tulad halimbawa ng pagbalik sa serbisyo mula sa anim na buwang suspension ng kanyang
best friend na si Allan Purisima. Pwede rin niyang ikuwento ang pagtakbo ng mga
questionable na mga kalihim niya sa
election 2016, na ang infomercials ay umaarangkada na sa TV at radyo –
ginastusan ng milyones na pera ng bayan. At lalong maganda kung kanyang
i-enumerate ang mga anomalya na naipon ng kanyang administrasyon – sa mga
ganyan siya pag-uusapan…kung yan ang gusto niyang mangyari. Baka mailagay pa
siya sa Guinness Book of World Record!
Discussion