0

Ang Mga Taong Mainggitin, Makasarili at Mapang-api

Posted on Wednesday, 3 June 2015



Ang Mga Taong Mainggitin, Makasarili at  Mapang-api
Ni Apolinario Villalobos

Sa bawat komunidad, hindi maiiwasang makakita ng mga taong may iba’t ibang ugali tulad ng pagkamainggitin, pagkamakasarili, at pagkamapang-api. Dahil dito, hindi rin maiwasan ang  kadalasang  pakikipagplastikan na lamang ng magkakapitbahay o magkakaibigan upang masabi lang na maganda ang kanilang samahan.

Tulad na lang ng isang kwento sa akin ng isa kong kaibigan tungkol sa isa nilang kapitbahay na noong naghihirap pa, halos lahat sa kanilang lugar ay inutangan. Madalas, umaga pa lang ay umiistambay na sa labas ng bahay ng madalas niyang mauto upang hingan ng pagkain. Subalit nang magkaroon ng pera dahil nakapagtrabaho ang mga anak sa abroad, ni hindi na makabati sa mga inutangan niya. Yong katapat lang na kapitbahay daw na madalas niyang hingan ng pagkain ay hindi man lang maimbita kung may okasyon o madalhan man lang ng sobrang pagkaing inihanda. Naging biyang sosyal daw kasi, kaya ang mga iniimbita sa bahay niya lalo na kung may okasyon ay mga kaibigang de-kotse.

Yong isang kapitbahay naman daw niya, tadtad na nga ng mga sakit, pahiwatig siguro ng Diyos na dapat baguhin niya ang masama niyang ugali, ay nagpapairal pa rin ang kanyang pagkamapang-api ng kapwa. Minsan ay nagreklamo  daw ito dahil ang kubo na pinagawa ng homeowners’ association nila ay  pinagpahingahan o tinulugan ng isang taong nangungupahan lamang sa kanilang lugar. Dapat nga daw ay matuwa ito dahil napapakinabangan ng lahat ang kubo. Kung inuutos nga ng Diyos na dapat ay buksan natin ang pinto ng ating bahay sa mga taong nangangailangan, ito pa kayang kubo na nasa labas ng ating bakuran na walang pinto?

Yong isa pa, umasenso lang ang kapitbahay niya na masipag magnegosyo ng kainan, kinainggitan na. Gusto yata niya, lahat ng kapitbahay niya ay gumaya sa kanyang walang ginawa kundi tumunganga sa maghapon!

Ang pakikipagkapwa-tao ay isa sa mga kautusan ng Diyos sa mga taong naniniwala sa Kanya. Kahit araw-araw pang magsimba, halimbawa, ang isang Kristiyano, hindi siya maaaring tawaging ganoon kung ang kanyang puso ay tumitibok sa pulso ng inggit, pang-api, at pagkamakasarili. Kaya nagkakagulo ang mundo ay dahil sa ganitong uri ng mga tao….


Discussion

Leave a response